*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK 14215 ***

[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is marked as ~g.] [Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ay hindi na ginagamit.]

 

Landas na Tuntunin


TULÁNG KINATHA

NI

José Morante

NA

PINAMAGATANG

LANDAS NA TUNTUNIN

AT

Dito'y matatausan ang LIWANAG n~g nan~ga-mulat sa KADIMLAN

IKALAWANG PAGKALIMBAG

MAYNILA, 1918.

IMPRENTA, LIBRERIA AT PAPELERIA

NI

J. MARTINEZ
34-36 P. Moraga, 108 P. Calderón at 253 Cabildo,
Intramuros TELÉFONOS 5005 y 3283


Talaan ng Nilalaman:

Unang pankat

Punò nang salitâ

Ikalawang pankat

Ang pagbabalik ni Dalmacia
Ang pag-alis ni Dalmacia

Ikatlong pankat

Ang pagbabalik ni Dalmacia n~g kinabukasan
Palasinta n~g binatang si Constancio
Nang matapos nang basahin ni Marcela ang padaláng sulat
ni Constancio

Ikaapat na pankat

Ang pag babalik ni Dalmacia
Ang pagbasa ni Marcela sa pan~galawang hibik ni Constancio tungkol
sa pag-ibig.
Sagót ni Marcela.
Ang pagsagót sa sulat ni Constancio.
Ang panagót ni Dalmacia kay Constancio.
Ang pag owi ni Dalmacia.

Ikalimang Pankat

Ang pagbabalik ni Dalmacia sa tipáng kinabukasan.

Isáng Tagubilin


Paunawà sa tanáng babasa

Manáng isang gabíng ako'y nag liliban
sa makawiwiling liwanag n~g Buan
kaguiat nagunitâ ang pinag-usapan
dalawang dalagang nagsasalitaan.

Pinan~gahasan kong ilagdâ sa papel
ang lugód n~g puso, at anong gagauin
kung dí makatagal at kusang hapuin
ang isip, sa gayong lawig n~g baybain.

Bakit sa panahong ito'y nararapat
na ang kahit sino'y magtaglay n~g in~gat
sa gugol na pagod, at may munting linsád
páasahan mo nang may kataling pintas.

Kaya sa tulâ kong m~ga itititik
ang paunang samo, pantas na lilirip,
huag paghanapan n~g malasang tamis
ang bubót na bun~ga n~g unsiaming isip.

Kung sa pag basa mo'y may mapansing hindí
tama ang sabi ko't sa isip mo'y malí,
huag hahatulan n~g sirá't ang hin~gi
sa pagtutulin mo ay magwari-wari.

Sapagka't kung kaya gumugol n~g pagál
ang malampang isip kahit gumagapang,
adhika n~g puso'y maguing munting tuláy
sa tawiring hirap niyaring abang búhay.

At kung wala ka mang mapupulon~g lugód
sa bun~ga n~g aking pinuhunang pagod,
ito'y mabuti ring aliwan n~g lungkot
lalo't dinadalaw n~g samá n~g loob.

Ihahangang dito't ang boong pasiyá
ay nasasa iyo pantas na babasa,
sa isasariwâ at ikalalanta
ay naroroon din ang aking pag-asa.

Punò nang salitâ
Unang pankat

Sa isang baybaing liban~gan n~g hapis
na nasasakupan n~g bayang Ercañés
nayong ma-alindog na nakakaratig
n~g lansan~gang ilog sa alat na tubig.

Sa poók ding ito'y may isang bakuran
na katuatua't dami n~g halaman,
kaya't sa bulaklak na inia-alay
magtatamóng lugód ang matáng tatanáw.

Sa kalaguitnaan halamanang ito
ay mayroon namang marikit na kubo
handang palamigan sa buan n~g Mayo
kun ang alinsan~gan ay sumisimbuyó.

Dito ri't dí iba'y may himalang dikít
na isang dalagang matalinong isip,
anopa't sinoman sa makámamasid
ay mahahalatang may lumbay sa dibdib.

Manáng isang dapit hapong makaraan
ang dalawang tugtog sa pala-orasán,
dalaga'y nanaog tangkáng maglilibang
sa magandang kubong talagang aliwan.

Kapagdating doo'y biglang napahilig
kasabáy ang taghoy luhang nag babatis
¡ay amáng amá ko! ang inahihibik
¿ano't inulila ang anak mong ibig?

¡Ay amang ama kong nagpalâ sa akin
amáng nag alaga n~g kay inang lihim
dí ka na naawang iwan sa hilahil
akong abang bugtong sa sintang pananím!

¿Saan magpupuló't kan~ginong pagtanáw
pipitas n~g bun~ga n~g iyong palayaw?
wala na banta ko't hangang kamatayan
ang pagpapalâ mo'y di na maduduláng.

At diyán sa iyong buhay na sinapit
ay walang wala nang oras na tahimik
at kulang ang aking luhang nagbabatis
sa tindí n~g dusa't bumubugsong sákit.

¡Ay amang ama ko kung magunamgunam
madlá mong pag-irog at pagpapalayaw
ay wala nang lan~git yaring abang búhay
kundí ang malipat sa payapang bayan!

Hangang naririto sa bayang malungkot
at yaring búhay ko'y hindí nalálagot
ay hindí titiguil ang luhang bubuhos
sa hapdí n~g aking nasasaktang loob.

¡Hahanapin ko nang matagpô ang landas
na pinagdaanan n~g iyong pag lipat
sa kabilang mundo't aanhing magluát
ay walâ na akong amang lumilin~gap!

Sa mawika ito hin~ga'y nagka-buhól
kaya n~ga't napatid ang masinsing taghóy,
ay siyang pagdating namáng nagkataón
katotong dalaga n~g na sa lingatong.

Sa mamasda'y dagling nilugsó't dinamá
tinutóp ang noo't dibdib n~g may dusa
saka tinawagan, ang wika'y ¡Marcela!
siyang pagka-ugpong nan~giling hinin~gá.

Mata'y idinilat at saka nagturing
—salamat, Dalmacia, at ikao'y dumating
ako'y nakalimot at ang muláng dahil
sa búhay n~g aking amang guiniguiliw.

Pinatáy sa maling hatol n~g kastila
n~g dahil sa sumbong n~g masamang dila,
ito nama'y dina halos nawawala
sa piling n~g aking lihim na gunita.

Oo dí ko sana dapat na damdamin
kun ang kamataya'y sa Dios nangaling,
n~guni't sa kánulo n~g dilang Luciper
¿aling pusong anak ang dí pupugnawin?

Kaya wala na n~ga akong kahilin~gan
sa Dios kung hindí bawian n~g búhay,
pagka't ang malipat sa payapang bayan
ay wala nang pusong marunong mag damdam.

Kaya n~ga, Dalmacia, ako'y nag a-agap
guiliw na kapatid n~g pag hin~ging tauad
sapagka't dí natin talastas ang oras
n~g kamatayan kong di na magluluat.

Sa mawika ito Dalmacia'y nalugmok
nalaglág ang luha't nag buntong himutok
walang katuirang nagpapahintulot
na sa dalamhati búhay mo'y matapos.

Magwari-wari ka't tin~galin n~g isip
ang pagkalarawan n~g santong matuid,
na ang lumalabag sa dunong n~g Lan~git
ay walang wala nang aantaing bihis.

Pawi ang lumbay mo at ipaubaya
sa Dios na Amá ang boong bahala,
walang mangyayari sa tahanang lupa
na hindí sa dunong niya nagmumula.

Lisan ang pighatí at alalahanin
yaóng hulíng búhay nating lilipatin
dito'y walang utang na maitatakuil
sa Dios na hindí daratnán n~g sin~gil.

Kung katotohanang nagbuhat sa upat
búhay n~g tatang mo ang pagka pahamak
asahan mo Selang hindí magluluat
darating ang ganti,t, oras na katapát.

At doon sa iyong han~gád na mádalí
ang búhay mo't dahil sa laking pighati
iyong pagsisiha't baka maguing sanhí
n~g dí pagkakamit Bayang Luwalhati.

Sukat hangang dito, giliw na kapatid,
dí naman pag-aral at pag-unang bait,
iyong pagpilitang iwaksí n~g isip
ang pighating laban sa Santong matuíd.

Walang nararapat kundí ang umayos
sa kapangyarihan n~g lumik-hang Dios
sanlibo mang ama ang siyáng matapos
¿ano't daramdamin sa Lan~git na tulót?

Pusong malulunod sa pighati't lumbay
sa laglág n~g payo'y kusang nanimbulan,
sa oras ding yao'y ipinagwaksihan
ang katalong sindak na kinakalaban.

—Salamat sa iyo Dalmacia kong kasi
sa pagpapala mo't guinawang sakbibi
at kulang ang aking dilang magpupuri
sa dapat kilanling lubos mong kandili.

Na dahil sa iyong payo't pag-aampon
ligalig n~g aking puso'y huminahon
kung dí mo dinatnán, banta ko'y nagtulóy
yaring abang búhay sa pagkakabuhol.

N~guni ang hilíng ko'y isang kasayahan
na makapapawi sumimot n~g lumbay
—oo n~ga Marcela't ang lahat n~g iyán
sa araw n~g bukas ay magagampanán.

N~guni tulutan mo na kita'y lisanin
si ama't si ina'y iníp na sa akin
at baka ano nang kanilang isipin
magmula kan~gina n~g di ko pagdating.

At bukod sa rito'y dapat ipagsabi
sa sintan~g ina mo, bagay na nangyari
at baka sakali na sa dakong hulí
ako ang patalba't buntuhán n~g sisi.

Dí ligáw na balak, Dalmacia, kong mutia
n~guni at ako rin ang sumasangsala
sapagka't ang lumbay na gumagambala
ay wala na't n~gayo'y lubos na payapa.

Kaya huag mo nang hatdán n~g balisa
ang dibdib n~g aking minumutiyang iná
at yaón ay isang makadáragdag pa
sa pighating dulot n~g pagkaulila.

At huag mo sanang lisanin n~g biglá
akong bagong bagong ahon sa dalita
—Marcela'y bukas na tayo magpasasa
n~g balabalaking magbibigay tua.

Kay ama't kay ina ang gagawing sanhí
na kitang dalawa'y dito mananahí
kaya paalam na't iwaksí n~g budhí
ang labág na iyong pagdadalamhati.

Paasahan mo nang sa araw n~g bukas
bilang na iisa ang tugtog n~g oras
magbabalik ako't nang upáng magluát
sa kubo ring ito kita mag-uusap.

—Maraming salamat kapatid na irog
ako sana'y huag makanlong sa limot
kung may búhay lakás naman ay mag-utos
at sa makakaya'y nahahandang lingkod.

Abo't ang kamay ko't kita'y magyakapan
hagkan muna kita't ako nama'y hagkán
maguin~g tandang saksi n~g pagmamahalan
at sa tipáng oras kita'y ina-antay.

Ang pagbabalik ni Dalmacia

Ikalawang pankat


DALMACIA.—Narito na ako Marcela.

MARCELA.—¿Komusta?

DALM.—Mabuting awa n~g Dios, walang ligamgam na anomán, itinanóng sa akin na kun bakit ako naluatan kahapon, ang naguíng sagót ko'y nagkawili lamang kita sa pag-uusap, na kun anó ang mabuting sukat isiping paghahanap búhay; sa sagót kong ito'y nalaglág ang kanilang luha at ako'y niyakap na pinakahigpít n~g aking iná, at ang idinugtong na pan~gun~gusap naman nang aking amá ay ganito Pakingan mo at akin~g kakantahín.

MAR.—Oo n~ga, ang damdam ko'y makaliligaya.

Oh bunsong ligaya niyaring aming dibdib
bulaklak n~g tua't bun~ga n~g pag-ibig
iyong halamanin sa lináng n~g dibdib
itong tagubiling aking ihahasík.

Unang una bunso'y tibayan ang loob
n~g m~ga pag-asa sa totoong Dios
at ang ikalawa'y huag kang lilimot
n~g m~ga pagtupád sa banál na utos.

At ang pagka-awa sa kapua tawo
huag lilimutin, Dalmaciang anak ko,
at yaón ang binhíng pag-aanihan mo
sa kalilipatang huling Paraiso.

Ang lahat n~g aking m~ga tagubilin
bunsó sa dibdib mo ay papagtibain
at ito ang gabáy na guguyabinín
hangang binibig-yan n~g búhay na angkín.

Ikáw aming bunso'y magpapakatimbang
sa lakad n~g mundo't panahong niniral
kung sakasakali't makapag tagumpay
payapa ka rito't hangang hulíng búhay.

Sa mundo'y pag di ka natutong nan~gilag
at dí tinalasan ang mata n~g in~gat
walang malay-malay nayapos ka't sukat
niyaong pan~ganyayang lihim na pahamak.

Ang parang kapatid na pagsusuyuan
bunsó ko, Dalmacia'y pailagilagan,
sapagka't ang lihim niyang kalooban
ay di mo talastas ang patutun~guhan.

At huag ka namang magpapakaniig
sa may asawa na n~g pakikipanig
sapagka't kung minsa'y pinapagdurun~gis
n~g palabintan~gin ang puring malinis.

Sukat hangang dito, Dalmacia kong guiliw
tanáng mahalagang aking tagubilin,
sapagka't ang takda nitong búhay natin
ay di natatanto oras n~g pagdating.

Yaóng ating bukid kung ako'y manaw na
ihanap n~g tawong marunong magsaka
na may sadyang bait na nakikilala
nang di ka dalawing n~g pagkakasala.

At ang magsasaka, Dalmacia'y ganoón
marami ang m~ga ... liban sa dí gayon;
ang hahanapin mo'y ang tawong marunong
magmahal sa puri't may sariling hatol.

At kung may panira namang ihahatid
na dinadaya ka sa ani n~g bukid
ay magpakunuá n~g malaking galit
nang may kamtang tuá ang may dalang inguit.

Sapagka't an~g han~gád ay iyong bawiin
sa mabuti't siyá ang papagsakahin,
ito'y asahan mo't kung ga sa patalim
ay lalong matalas sa samáng gagawin.

Hangang dito bunsó't kung baga sumapit
oras n~g búhay ko't sa mundo'y pag-alís
ay di kailan~gang iyong ipa-dapit
lalo't kapurihán ang nasa n~g dibdib.

Huag na dí lamang mabaón sa hukay
ang kaawa-awang lupa kong katawan:
sa mawika ito nalaglág na namán
ang luha't gayari ang hulíng tinuran.

Katiwala kami n~g iyong paglipat
doon kay Marcela, pagka't sa hinagap
kun bagay sa tibay hindí naman sukat
magagaping daglí n~g may lilong han~gad.

Han~gang dito Sela't siyang pagkatiguil
niyong sa kay amang m~ga tagubilin
anaki sumilang ang m~ga bituin
at naliwanagan isip kong madilim.

DALMACIA.—¿Anó baga Marcela ang lasáp mo sa m~ga tagubilin n~g aking amá?

MARCELA.—Makaliligayang m~ga pan~gun~gusap na dapat halamanin sa lináng n~g malinis na pagtupád at papamun~gahin n~g bun~gang dapat iyalay n~g sinomang tawo sa banál na hiling n~g Santong matuid: mabuting amá at nau-ukol pakamahalin n~g isang irog na anak; datapua't makalalansag sa dibdib nang may pag sintang anak sa giliw na ama.

DALM.—Ah oo n~ga, tunay ang iyong turing, at ibinabalita ko sa iyo n~gayon, na noóng inilalaglag n~g aking amá sa pangdin~gig ko ang butil n~g magandang aral, ay tunay na sa balang sabi, ay nakikibagay ang paták n~g matamís kong luha na ito'y ibinabalong niyaong guniguní, na paano kaya kung dumating ang panahon n~g aking pagkaulila. ¿Gaano kaya ang dami n~g kakabakahin kong digmá n~g hinagpis? Sa banta ko'y di matatantusan at mapipilitang ilugmók sa ipagdaramdam ang magkaroon man ako n~g matigas na puso at alipala'y di na mangyayaring sapitin ko pa ang ako'y maiwan at ligaya ko na sa oras na yaon ang ako'y masama sa lupang mapalad na kalilibin~gan n~g irog kong amá. Hangang dito Marcela ang nangyari sa oras na ako'y pinan~gan~garalan; nguni't pinapansin ko sa iyo n~gayon, na ¿kun bakit magmula kan~ginang ako'y nagsasalita, ay nakikisabay namán ang pagdaloy n~g iyong m~ga luha sa mata?

MAR.—¡Ay Dalmacia! ¿Aling puso n~g may pagsintang anak ang di bubugsuan n~g paghihinagpis at manariwang mulí ang nalalantang puno n~g pighati? ¡Ay amang ama ko! ¿Saan ka naroon?

DALM.—Marcela, maghusay ka n~ga n~g loob at maala-ala ko pala'y kahapon ay humihiling ka sa akin n~g isang kasayahan, n~gayon ay wala naman maiya-alay sa iyo kundi isang maikling kundiman.

MAR.—Tunay n~ga ba? Salamat Dalmacia kun gayon ang kinasasabikán kong kanta mong kundiman at upanding makaputol n~g muling nag usbong kong kalumbayan, at kun magka gayo'y asahan mo namáng may kapalit akong kákantahín sa iyo.

DALM.—Ganoón ba?

MAR.—Oo.

DALM.—Kun gayo'y pakingan mong magalíng.

Oh! m~ga bulaklak n~g nagtayong kahoy
at ikaw amihang malamig na simoy
magbalita kayo n~g aking pagtaghoy
sa kinalalag-yan n~g ihihinahon.

Kayong sarisaring ibong lumilipad
at ang palay palay na han~ging habagat
ibalita ninyo ang daing n~g hirap
sa kinalag-yan n~g ipapanatag.

At dí maglulubay ako n~g pagluhog,
kahima't dalita ang awang ihulog
ay di mag sasawa ako n~g pagpulot
at ituturing ding ligaya n~g loob.

Halihalimbawang maguing takdang guhit
n~g kamatayan ko ang sa pusong nais
ay ituturing ding ligaya n~g dibdib
lalo't mahalatang nagdadalang hapis.

DALM.—Tapós na Marcela ¿Anó bagá ang din~gig mo?

MAR.—Marikit na pagkayari Dalmacia ang kundiman mong iyán ¿Sino bagá ang may gawa n~g kathá?

DALM.—Hindí ko masabi sa iyo, sapagka't iyán ay narinig ko lamang sa isang taga....

MAR.—Banta ko'y isang pusong nakalutang sa maalong dagat n~g karalitaan, na ang inahihibik ay mapasampa sa pampang n~g katiwasayan.

DALM.—Tila n~ga; datapua't maala-ala ko pala'y ¿di baga ang wika mo kan~gina'y pagkatapos ko n~g pagkantá ay ikaw naman?

MAR—May nasubukan ka na ba?

DALM—Wala n~ga, n~guni't baka mo malimutan.

MAR—Kailan ma'y kawangis n~g guinto ang aking pan~gako, at nang makilala mo'y iyong panain~gahan.


Sisimulan ko na, kapatid na guiliw
ang kantang kundimang iyong hinihiling
di anhi'y may dagat, na hayag ma'y lihim
mababaw ay hindi matarok ang lalim.

Sa dalang hiwaga n~g nasabing dagat
dí man matákahin ay manguiguilalás
bato'y lumulutang na sakdal n~g bigát
at ang lumulubog ang magaang patpát.

At ang m~ga isdang naglisaw sa tubig
makaliligayang malasin n~g titig
balang malalaki'y may tibong matulis
at ang balang munti ni walang palikpik.

Kaya n~ga at walang pan~gambang sagpan~gín
at hindí gunita na makahihirin,
datapua't kung minsa'y nabubulunan din
kapág ang sisilá'y panabong sasamín.

At sa dalampasig n~g nasabing dagat
sabihin ang dami n~g batong nagkalat
ang katakataka't kaguilaguilalás
munti ma't malakí, magkakasing bigát.

Sa kalaguitnaan n~g dagat ay gayon
ang sabi, mayroong mataás na kahoy,
san~ga'y malalabay, daho'y mayamungmong
na nakalililim sa dagat na yaon.

Sa puno n~g kahoy tubig na nunukal
walang kasingsaráp at sakdal n~g linaw
at sa dakong dulo'y kung anong dahila't
bibihirang tamís ang mánanamnamán.

Ihahangang dito Dalmaciang kapatid
ang kantang kundimang nahiling n~g dibdib
yao'y malaon na sa tandaang isip
boong kahuluga'y di ko nababatid.

—Marcela, ang iyong kinantang kundiman
panahong kastila ang tinatamaan
kung n~gayo'y hindi na, at ang umi-iral
balang may matuid ang ina-ayunan.

Gayón man Marcela'y palalamnán ko rin
dagat na mababaw ay sakdal n~g lalim
yaong kababawang ipinagtuturing
ang asal n~g tawong natatanaw natin.

At ang kalalimang hindí matatarok
ay ang lihim nilang nan~gasasa loob
at ang m~ga batóng hindí lumulubog
ang sa mayayamang katuirang buktót.

Ang hindi pag lubog ay nakakatigan
n~g panuyo't suhol ang kapangyarihan
kun n~gayo'y wala nang pusong magdaram-dam
at ang naghahari'y Santong Katuiran.

At ang lumulubog na magaang patpát
ay ang katuiran n~g tawong mahirap,
hindí palutan~gi't dahilán sa bigat
niyaong naglulubog na pabatong pilak.

Sinasabing isdang nag lisaw sa tubig
na ang malalaki'y may tibong matulis,
masamang mayaman na ang ini-isip
sa búhay n~g dukha'y umapit manlupig.

Isdang maliliit sa aking palagay
dili iba't tayong maralitang búhay
kahit may matuíd, ay napipilan
n~g masigláng lakás niyaong kayamanan.

At ang punong kahoy na sakdal n~g tayog
ang Pamahalaang ating sinusunod
san~gáng malalabay ang nakalulukob
na kapangyarihan sa lahat n~g sakóp.

At ang sinasabing tubig na nunukal
sa puno n~g kahoy ay sakdal n~g linaw,
ang tapát na hatol na dí nasisinsay
sa Santong matuid n~g kapangyarihan.

San~gáng maliliit n~g nasabing kahoy
ay ang m~ga Juez, Kapitan at Hukom
na ang karaniwan ay nagsisihatol
n~g dí karampata't dahilan sa suhol.

Na kapag hinatdán n~g paban~gong suob
at n~g sarisaring maligayang handog
ay tulad sa bakal nana palalambot
at nailalagay sa ibiguing hutok.

Ang matang malinaw n~g Santong matuid
kusang binubulag dahil n~g pag-ibig
sa pilak, at di na halos ini-isip
ang kahihinatnán sa huling sasapit.

Sinasabing batong magkakasing timbang
muntí sa malaki ang bigat at gaan
ang tawong nilikha sa aking palagay
guinoó ma't dili iisa rin lamang.

¡Ay mundo! ¡ay mundo! ¿kailan pa kaya
ang ipag babago n~g asal mong sama?
—Dalmacia'y malí ka n~g pag-uunawa
ang mundo'y talagang bayan n~g dalita.

Sa mundo'y kung walang ipagpipighati
ay dapat tawaguing Bayan Lualhati,
kusang tapatin mo't kun sa aking wari
mundo'y parang batong kinukunang uri.

N~g sa Dios Amá bagáng pagmamasíd
sa balang may pusong wagas at malinis
sa kaniyá ay laan ang payapang lan~git
at sa pag durusa ang balang may dun~gis.

Kaya ang sinoman kung sa ganang akin
siyá ang bahala sa ibig puntahin
dalawa ang landas, datapua't bilin
huag pakaliwa't kanan ang tun~guhin.

Lansan~gang kaliwa ang hindí pagsunód
n~g tawo sa bilin at utos n~g Dios
nag papakahimbing sa biyaya't lugód
na dí dinadalaw n~g gunita't takot.

At ang daang kanan ang hindí páglihís
sa utos n~g Dios na bigay kay Moisés
ang magsipanuto doo'y magkakamit
niyaong lualhating walang kahulilip.

Dan~gan n~ga kung bakit at di mágawian
n~g tawo sa mundo ang muntá sa kanan
—Marcela'y bihira't kun magkaroon man
ay di naghahan~gad n~g dan~gál at yaman.

Pagka't mahaba nang panahon kapatid
ang dito sa mundo'y aking pagmamasid
ay wala pang tawong hindí nag-iibig
n~g yama't sa puri tin~galín n~g labis.

Kun ang m~ga sadyang kunó ay ulirán
na sasalaminin n~g nan~gamamayan,
ay nan~gag bibilí n~g di karampatan,
niyang tindang sangkap sa pagka binyagan.

Han~gád sa pagyaman kaya lumilihís
sa totoong landas n~g Santong matuid
ito'y siyang saksing dapat kunang linis
n~g nan~gádadayang ating pag-iisip.

Kaya marami na ang ibig bumitaw
sa pagka romanong dating kinaguisnán
dahil sa halata na kinakalakal
ang religiong itong kalinislinisan.

¡Ay manong ang aming paumanhing hibík
n~g dí mabalisa kaming dating kabig!
magpakitang loob at huag lumihís
sa katotohanang landas n~g matuíd.

Di bakit si Cristo niyaong nabubuhay
guinugol ang pagod hirap kamatayan
sa sang mundong tawo ay inia-alay
ang ganáp na awang dí han~gad sa yaman.

Ang ugaling yao'y ¿naha't di mangyari
sa nan~gáriritong kuno'y kahalili
ni Cristo, ay bakit hindí bigyang saksí
n~g katotohanang pagkamakandili?

Hindi't ang lagui naming namamasdan
ang kalakhang anyó sa nan~gamamayan
lalo't walang limos ang dukhang namatay
ni hindí na nila ibig bendicionan.

Sa bagay ang isang tawong ililibing
bendiciona't dili yao'y iisa rin
at wala nang daang baguhi't sirain
hatol n~g Justiciang tapát na maglining.

At kun ang bendición ang hagdang pagpanhik
sa pinagnanasang bayang matahimik
ay dí sana nila dapat ipagkait
yaong katungkulang ipagkakalan~git.

Pagka't sila'y m~ga laáng mapagkupkup
timbulan n~g sala't n~g hindí malunod,
ay ¿bakit sa dukhang walang mailimos
ang bendición nila'y ipinagdadamót?

Dito'y mababalak na ang pagkáukol
sa lan~git n~g tauo'y hindí sa bendición
kun hindí sa linis n~g puso naroon
ang ikararapat sa Dios na Poon.

Sapagka't ang handang maligayang lan~git
ay hindí sa libing ang ipagkakamit
kung hindí sa gawa't wagas na pag ibig
sa Dios ang ating hagdan n~g pag panhic.

Gawang kamangman~gan n~g linahi natin
balabaling puri ang dakilang libing
gugulin ang pilak sa walang hihinti't
ang tinatasaha'y bibig sa pagkain.

—Dalmacia'y hintay n~ga't di na makatiis
ako sa lahat mong ipinagsusulit
¿ang lahat n~g yao'y ano't nababatid
ay isa ka lamang tubong taga bukit?

—Tama ang sabi mo kapatid na hirang
na yao'y hindí ko dapat maalaman,
n~guni't ito'y m~ga dunong na palagay
na higuit sa Pari ang pinag aralan.

Ako naman n~gayo'y lubós ang tiwala,
pagka't siya nilang m~ga guinagawa:
ang magpakahigpit, at ang pagka-awa
sa kapua tawo'y walang mahalata.

Ugaling kastila'y dí binibitiwan
n~g m~ga Clerigong dito'y nan~gaiwan,
batang bagong anak na pabibinyagan
mag rerecargo na'y wala namang utang.

Sa bayang Pulilan ang lalong masakláp
sangsalapi't walo ang sin~gil sa binyag,
yao'y tubig manding sa Jordang nagbuhat
kaya't mahalaga ang naguíguing bayad.

Kagagawang yao'y ¿sino sa may isip
ang dí susungkuin n~g paghihinagpis?
at mapipilitang isigaw n~g hibik
ang m~ga paghamak sa wastong matuíd.

Dito mamumulos ang paghihinala
na dí naman ganong sala ang magdaya
sapagka't ang m~ga may hawak n~g tan~ga
sa bawal ay siyang unang gumagawa.

Akong nagsasabi hindí protestante
at sa romanista'y lubos ang pagkampí,
n~guni't hindi kayang bathing kong mangyari
na ang hindí tama'y siyang manatili.

Paris n~g ugaling guinagawa n~gayon,
n~g maraming Pari, liban sa di gayon,
¿kung anong dahilan at pinasusuhol
ang may namatayang nagpapa-ataul?

Ito nama'y hindí nagbigay gambala
sa kanila't tulong lamang n~g may awa
¿alín katuiran ang nagpanukalang
mag multa ang walang salang guinagawa?

¿Ang santong religion baga ang may halál
n~g ganoong m~ga palakad sa bayan?
sa banta ko'y hindí at ang kabanalan
ay dí nagnanasang mag imbot n~g yaman.

Kung sa bagay amin namang natatatap
na kayo ay walang ibang paghahanap
at may ilang tawo na kinakagawad
na nan~gagaantay n~g ano pang bayad.

At saka ang Pari nama'y may gutom din
na nagkakagugol tungkol sa pagkain,
¿dahil kaya roo'y di na salang hin~gín
ang labis na bayad sa takdang arancel?

¿Ito kaya'y hindí kusang pagsalansang
sa linis n~g utos ninyong sinumpaan?
ó baka sa amin lamang nababawal
at sa m~ga Pari hindi kasalanan.

N~guni at ang inyo namang nakikita
sa bayad n~g Bayan ay labis labis na
may dakilang libing, kasál at binyag pa
may pamisa't saka sarisaring pista.

Ito nama'y pawang pinagbabayaran
n~g dí naman mura't sa halagang mahal,
yaón sa wari ko ay labis na naman
aywan sa m~ga may han~gad sa yaman.

Ang lahat n~g ito ay dapat damdamin
ninyo't mawiwikang kulang n~g pagtin~gín
—oo ang sagot ko, n~guni't pagwari-in
na ang nangyayari ang dapat sisihin.

Dili baga kayo'y ilinagdang pastol
sa tanang alaga'y makapagtataboy
sa sawíng kalin~ga ay nan~gagsilaboy
at sa ibang sexta nasok napa-ampon.

At ang katuirang isinásalita
ang sila ay walang aantaing pala
balát-kayong banál, buting pakunuwa
sa bulág na wari umang na paraya.

At kung kaya kayo'y Kurang nan~gatanghal
na pinipintuho sa lahat n~g Bayan
dugo't, búhay hirap nami'y pinuhunan
saka n~gayo'y wala munti mang pagtanáw.

Bagkus pang pahirap siyáng ginagawa
sa búhay n~g m~ga tawong maralita
ang limos sa patay na dating mababa
n~gayo'y tinaasa't hindí mapaghaka.

¿Anong dahil kaya n~g sumasa-isip
kabuhayan nila'y hindí naman guipít?
yao'y nau-ukol sa tawong balawís
at hindi sa m~ga sálaminan bait.

Ang ganitong sabing pawang masasakláp
dí naman mangyaring mabig-yan kong salág
sa pagka't di lihim at natatalastas
n~g madlá, ang inyong hindí pagtatapat.

Dahil dito'y siyáng sanhíng nag-aakay
n~g pagkabalisa sa kinamulatan,
sapagka't ang landas na talagang daan
n~g santong matuíd ay linilihisan.

Ano pa't kung aking págunamgunamin
sanhing nagbibigay guló n~g panimdim
kung ano't sa m~ga ulirang susundin
doon tumutubo ang PUNO N~G DILIM.

Ito sa dibdib ko ang matinding bikik
at dahil n~g aking luhang naguiguilid
kahimawari'y magsipanumbalik
ang nan~gáliligaw sa Daang Matuíd.

Upanding kung tayo'y magka-ayos-ayos
sa pagkaka-sundo't magka-isang loob,
magban~gon ang ating Inang nakalugmók
sa nadustang búhay na kulunos-lunos.

At dí mangyayaring itulot n~g lan~git
yaóng Kalayaang ninanaisnais
hangang naghahari ang kuhilang isip
sa atin, at saka ang ugaling inguít.

Ganito ang siyang kutóg niyaring loob
hindí pan~gun~guna n~g dunong sa Dios
Marcela'y hin~gi kong bigyan mo n~g sagót
kun ang palagay ko'y hindi náaayos.

—Dalmacia ay tama ang iyong palagay
aywang sa lalong pantas na magnilay
na dí itutulot yaóng Kalayaan
sa kulang n~g wasto't walang kahusayan.

N~guni ¿ano bagang iyong napapansin
at magulong bayan ang ipinagturing?
—Marcela'y hindí mo pala nalilining
daming nag-iibig Punong kilalanin.

Pinangugugulan n~g pagod at pilak
ang kilanling Puno't sa Baya'y matanyag
—Dalmacia'y dí natin mabibig-yang sukat
ang lihim n~g puso nila't hinahan~gad.

At sakasakali na ang na sa isip
nitong sumasagui sa pag-uumibig
ang makapagsabog n~g malasang tamís
níyaong maligayang bun~ga n~g tangkilik.

Ang pag-alis ni Dalmacia

Paalam na mutia't lilisanin irog
ang m~ga titig mong ligaya n~g loob
—oo datapua't huag isalimot
akong kapatid mong nahahandang linkod.

O kun dili kaya ay dito na kita
matulog at bukas muwi n~g umaga
—Huag na't sakaling baka kumutog pa
ang kung ano't ano kay ama't kay ina.

Adios Marcela.—Dalmacia,y matnubay
sa iyong paglakad ang kapayapaan
—ako ma'y gayondin, búhay mo'y in~gatan
sa gabing pagtulog n~g Angel na bantay.

Na huag ka nawang dalawin n~g init
han~ging nagbubun~ga samang panaguinip
—ako ma'y gayondin ang taguríng hibík
abót ang kamay ko't magdaop n~g dibdib.

Aalís na akong lin~gon ka n~g tanáw
titig ko Dalmacia ay pumapatnubay
malayong adios,—adios din namán
lupít n~g sakuna ay magpakundan~gan.

Ang pagbabalik ni Dalmacia n~g kinabukasan

Ikatlong pankat

Narito na ako—Kita nama'y antay
¿anong búhay ninyo kagabing nagdaan?
—Sa awa n~g Dios ay walang ligamgam,
kan~ginang umaga'y tumangap n~g liham.

Na ang sinásabi tungkol sa pag-ibig
padalá n~g isang binatang matalik
n~g tinatahak na n~g aking panitig
mahambal ang dating matipid kong dibdib.

Na dahil sa hibík na kalaguimlaguim
nitong nagsasabing kinatawan papel
narito Marcela at iyong basahin
ikaw man banta ko ay mahahambal din.

Ohó! at kung gayon ay makadudurog
n~g pusong matigas ang haing pag-luhog?
—Narito Marcela't sa kamay ko'y abót
ang makababaklang daing n~g pag-irog.

Babasahin ko na, kapatid na guiliw
ang pag-sintang mana sa linahi natin
huag mababaklá ang iyong panimdim
sapagka't ang mundo'y lubhang sinun~galing.

Palasinta n~g binatang si Constancio

Poon n~g pag-irog huag maguing sawí
ang hibik n~g pusong na sa sa pighatí
sapagka't ang sinta'y walang hinihin~gi
kundí ang li~ngap mong ilulualhati.

Kaya huag mo po sanang ipagkait
ang lunas na awa sa aking pag-ibig
kung nasasadhán man ang pinto n~g dibdib
buksi't salubun~gin n~g iyong tangkilik.

Yayamang sapagka't ang iniluluhog
sa m~ga yapak mo'y banál na pag-irog,
tipid n~g bighani mo po'y malamuyot
na isakandun~gan n~g lin~gap ang lingkod.

Papagkamting palad ang sa pusong hibík
na ikaw ang maguing ligaya ó Lan~git
n~g dustang búhay ko't magpahangang guhit
ay paglingkuran kang kabiyak n~g dibdib.

Nang matapos nang basahin ni Marcela ang padaláng
sulat ni Constancio


—Nákilala ko na ang saráp n~g daing
n~g nag-u-umanong puso sa pag-guiliw,
ikaw ang bahala nguni't pag-isipin
ang pang adyang dapat sa huling daratnin.

Sa lakad n~g mundo'y panahong niniral
ang isang parista'y sukat katitimbang
ang lalong matatág ay nan~gahahapay
sa dunong n~g isip nilang mapanglinlang.

—Tama ang sabi mo kapatid na liyág
na tayo sa mundo'y sukat kaí-in~gat,
n~guni't sa warí ko'y hindí masasalág
kapagtalagá nang tadhana n~g palad.

At may matatandang nagsisipagsabi
at sampo n~g aklát ay namamarali,
tawo sa anomang bagay na mangyari
yao'y katutubong taglay sa paglakí.

Dalmacia kung tungkol sa sinabi mo'y
hanapin n~ga natin ang pagkatotoó
n~g isang nangyaring dí anhi'y ganito
na ang nagsasabi ay Novelang libro.

Kunó ay may isang principeng masiglá
nagtanong sa lalong pantas ó bihasa
ang wika'y turan mo na kung sino bagá
tun~go n~g palad ko sa pagaasawa.

Sagót n~g tinanong—principeng maran~gal
ang takda n~g iyong daláng kapalaran
ay babaying pan~git at dí dugong mahal
yao'y asahan mo't siyang káraratnán.

Ang dalagang ito'y isang fondadista
walang hanap búhay liban sa magtinda,
anitong principe—saan lugar baga
—Ay na sa sa libis n~g tuláy n~g quinta.

Kung gayon ay ating saglít na parunan
ang tun~go n~g aking dalang kapalaran
at tatayahin ko kung may karampatang
masukob sa lilim n~g taglay kong dan~gal.

Yaon na't sa quinta nang sila'y dumating
itong fondadista'y itinurong lihim
hindí iba't iyan, principeng butihin
ang takdá n~g iyong kapalarang angkin.

Ako'y aalis na't ang bahala'y ikaw
mag-isip n~g lalong kagaling-galin~gan,
n~guni't ang hula ko'y hindi mabibigyan
n~g litis, at yaon ang pangyayarihan.

Pinagmalas nan~ga't pinag-isip-isip
ang maguiguing kasing kabiyak n~g dibdib
ay walang makitang ipagkakalan~git,
nagbuntong hinin~ga't luha'y bumalisbis.

Diyata't ang dugong sa korona galing
hamak na babae ang kakasamahin
dustang kapalara'y nang diko tangapin
mag-isip n~g lalong nararapat gawin.

Nang hindí mangyari ang takda n~g palad
putlín ko ang ulo't yaon ang marapat;
linapitan na n~ga't liig ay tinigpas
nitong walang malay sa pagkapahamak.

At ipinatapong madali sa ilog,
anopa't tinan~ga'y n~g matuling agos,
sa nangyaring yao'y sabihin ang lunos
n~g nan~garoroong matáng nanónood.

Pinatay at sukat wala namang sala
ang kahabag-habag na abang dalaga,
¿alin kayang luha n~g makakikita
ang dí aakaing bumalong sa mata?

Di naman mangyaring mabig-yan n~g ganti
palibhasa'y isang dakilang principe,
anopa't wala nang anomang nangyari
kung kahima't labag sa utos n~g Ley.

Babaeng pinatay sa Novelang sulit
ay kusang nabuhay sa dunong n~g Langit
at muling naugpong pinutol na liig
napadpad sa ibang reino't dalampasig.

Kagandahang palad nátagpo pagdaka
n~g isang lalaking namamalakaya
namangha ang boong págkatawo niya
at sinapantahang diwa'y taga gloria.

Wika sa sarili mahaba nang araw
ang dito sa mundo'y aking pagkatahan
ay walang ganitong dilág kagandahan
aywan kung mayroon sa langit na bayan.

Pagdaka'y binati n~g ganitong sabi:
Tabi sa dan~gal mo mahal na babae,
ikaw baga'y sino't anong layon dini
sa ganitong oras at lalim n~g gabi?

—Huag maguing sawí ang aking panugón
sa kamahalan mo mamang tumatanong,
pinagmulan ko po'y hindí mapagnoynoy
gayon din ang aking dito'y pagkatuntong.

Kabuhayang yarí di ko mapag-lirip
na diwa'y nagbuhat sa dunong n~g langit
pinagmulang baya'y di po maisulit
at n~gayon pa lamang ako nagka isip.

Kaya ikaw na po ang siyang báhala
na dini sa abang búhay ko'y magpala;
ituring na anak sa pagaanduka
at kikilanlin kang amang nagkalin~ga.

Kung gayo'y halina anang nakapulot
n~guni'y namamanghâ ang sa tawong loob,
pagdating sa bahay ay pinapagsoot
n~g damit na tuyó ang anak ni Venus.

At isinalita sa asawang hirang
yaong pagkakuhang mahiwagang bagay,
sabihin ang tua't dî na ibig lisan
n~g dalawang mata yaong kagandahan.

Nagsasama na n~gang bilang din sa anak;
at magulang namán ang gawang pagtupád
di ko pagaanhin dumating ang oras
lihim n~g Lumikha'y kusang mapatanyag.

Mag-asawang hari ay sa pagpapacial
sa lansan~gang yao'y manáng naparaan
dilág n~g napulot ano'y nang mátanaw
ang matuling takbo ay pinapaghintay.

Sa carrosa ay biglang umibís
at sa maralitang bahay ay pumanhík
ang kapangyariha'y hindí na nagamit
ang puso'y nabaghán sa himalang dikít.

Ang mahal na hari tumanong pagdaka.
—ito baga'y anak ninyong mag-asawa?
sagot n~g tinanong—dakilang Monarka
iyan po'y pulut ko lamang sa aplaya.

Na di ko mawari magpahanga n~gayon,
kabuhayan niya, haring pan~ginoon,
pagka't kailan mang kunang ko n~g tanong;
sabing talinghaga ang itinutugon.

—Kun gayon—ang sagot n~g Sakramajestad
sa kalakhan nila'y paumanhing gawad
kami na ang inyong loobing mag-in~gat
at siyá ay aming paparahing anak.

—Oo po hari ko—ang panagot namin
at sinong tatangui sa magandang hiling,
mabigat bigat man na kung sa dadalhin
ang atang mo'y pilit naming papasanin.

Huag lamang haring ibintang n~g dibdib
na parang gusto na naming siya'y malís,
Mahal na babae tanto mo na't batid
itong sa Monarkang ipinamamanhik.

Sagot n~g dalaga'y—may dí pangyayari
ang hindí pagayo'y lapastan~gang tanguí
ang damdam n~g puso'y di na nakaganti
sa anduka ninyo at pagkakandili.

—Huag panimdimin at laking ligaya
niyaring aming loob ang mápabunyi ka
sa kandiling in~gat n~g ating Monarka
bakit walang anak ang mahal na Reyna.

—Magaganap na po oh Sakramajestad
ang hiling n~g pusô—Maraming salamat
babae'y kinawit n~g Reyna at kagyat
isasa-agapay n~g kaniyang lakad.

—Sumandaling hintay—ang ipinagsulit
sa kamay ni ama muna ay hahalik
gayondin sa aking inang nagtankilik
ipaalam na't kayo'y in~gatan ng Lan~git!

Naghiwalay na n~gang luha'y nalalaglág
nitong maiiwa't magtatamong palad
ang mata n~g Reyna sa laki n~g galak
di na ibig lisan ang himalang dilág.

Yaon na't tinungo ang Palacio real
kapagdating doo'y agad binihisan
n~g damit na piling dí sangkap ang dan~gal
ang kahalimbawa'y bitwing sumilang.

Sa kinabukasan hari'y nagpalakad
n~g utos na gawing pilit ang pagtupad
na ang magsabing hindí niya anak
ay paakasahang buhay ang katapát.

Nagpatabas nan~ga n~g damit princesa
pinili ang kayong lalong mahalagá
at kapagkayari'y ipinasuot na
walang dí hahan~ga sa himalang ganda.

Nang princesa na n~ga siyang tinatanghal
sa sakop na Reyno n~g nagtatangkakal,
bilis n~g balita ay nan~gagliparan
sa iba't iba pang m~ga kaharian.

Sigaw n~g balita'y ¿ano't nániniig
ang napapanahon sa nasang pag-ibig?
naroon ang ganda na sukat sa titig
ay magsisilayas ang lahat n~g sákit.

Bubugtong na anak ang himalang ganda
ng nagkakandiling haring magasawa
nang ito'y márinig ay nagsigayak na
ang nangaguusig sa nasang pagsinta.

May principe't duque, konde't kaballeros
na ang pagsasadya'y tungkol sa pag-irog
at gayon din namang balita'y umabot
sa taksíl na tawong principeng pumugot.

Nagsadya rin naman na paris n~g iba
na ang tinutun~go'y ang nasang pagsinta
dilag n~g princesa'y n~g tamaang matá
tumapon ang isip sampong kalulwa.

Anopa't sinupil nabihag ang dibdib
niyaong kay Kupidong dahás n~g pag-ibig
nang mag-uling loob nagsakdal sa lan~git
na panungtang palad ang magandang nais.

Nan~gag-alay na n~ga n~g sinta't paglubog
ang nagsípagsadyá sa nasang pag-irog
kung anong hiwagang kaloob n~g Dios
ang naguing asawa'y ang principeng nugot.

Ihahangang dito ang kináhinatnán
n~g abang dalagang kinitlán n~g búhay
¿ang principe baga'y kung kaya nákasal
ay talagang utos niyong kapalaran?

—Ano pang liwanag iyong hahanapin
sa nangyaring yaon, kapatid na guiliw,
pinutlán n~g liig muling nabuhay rin
palibhasa'y siyang kapalarang taning.

—Tama ang sabi mong nakasal kapatid
pagka't princesa nang kagandahang labis
kun ang dating búhay siyang ipipilit
makalilibo ma'y puputlan n~g liig.

At may pangyayari kayang makasal pa
sa lalaking buháy babaeng patáy na
dito'y liwanagan mo n~ga sa dalawa
sa palad at gusto'y sinong nan~gauna?

Itong kapalaran kung pag-iisipin
ay parang busabus n~g pag-ibig natin
at walang sarili siyang mararating
kun ang haring gusto'y siyang tumitiguil.

Aywan sa ibang nangyayaring bagay
kung tungkol sa ating daláng kabuhayan
may dukhang nanakyat sa luklukang dan~gál
at may darakilang naaabá naman.

Yaong sinasabing nan~gapapahamak,
nalunod ó kayâ natuka n~g ahas
baka naroroon ang kaya n~g lakas
niyaong sinasabing naghaharing palad.

Nguni't sa kalakhan n~g haring pag-irog:
itong kapalaran ay naninikluhod
palibhasa'y siya'y nahahandang lingkod
sa anomang bagay na ipag-u-utos.

—Makáhahalakhak kung pagwawariin
ang katuwiran mong panagot sa akin,
¿diyata't sa dahás n~g haring pag-guiliw,
itong kapalara'y talagang alipin?

Huag kang palulong irog na kapatid
sa dunong ng iyong námamaling isip
itandâ sa noó at saka sa dibdib
na ang kapalaran ay hulog n~g Lan~git,

Dí baga ang m~ga alay na pagluhog
sa isang babae'y halál n~g pag-irog
ay bakit kung hindí bigyang pahintulot
tátan~gá na lamang at maghihimutok.

¿Nasaan ang dahás n~g haring pag-ibig
na sinasabi mo guiliw kong kapatid?
ang kapangyariha'y bakit dí magamit
na ang sumasamong pagsinta'y ipilit.

Asal n~g pag-ibig ang sumamosamò
at sa sinisinta'y maghandóg n~g suyò
tuíng máhaharáp sa lan~git n~g puso'y
nagpapakilala n~g pamimintuhò.

Yaon man at hindí ipagkakaloob
n~g palad ay sayang ang puhunang pagod,
ihahangang dito kapatid na irog,
¿may matuid ka pa bagang isagagót?

—Tamà ang tugon mo kung didingin lamang
n~guni't mayroon pang náninirang bágay
pagka't ang pinilit na ikinakasal
nulo sa kastila kang ito'y pan~ganlan.

Sapagka't ang dilág n~g pag-aasawa
buhat sa kasundo n~g pusong dalawa
kailan ma't hindí ganáp ang pagsinta
walang kabuluhan yaong pagsasama.

Bakit nang panahong tayo'y maligalig
na ang pilipino'y magsipanghimagsik
ay daming babaeng nákasal sa pilit
¿yaon kaya'y palad na hulog ng Lan~git?

Hinayang sa buhay ang sanhing pag-amin
takot sa maikling pamatay at baril,
n~gayon ang tanong ko, kapatid na guiliw
¿yaon kaya'y utos n~g palad na taning?

—Di kung gayon pala itong kapalaran
ay walang sariling lakás na sinimpan,
sapagka't kung hindí humin~ging tulun~gan
n~g baril ay hindí mapilit ang ayaw.

At bukod sa rito kapatid na irog
kun ang kapalara'y sa lan~git na hulog
di na mangyayaring daanin sa takot
pagka't yao'y bawal n~g banál na utos.

Kaya't anhín ko mang tanun~gin ang isip
nag-áalan~ganing mayag yaring dibdib
na pawawalan mong lakás ang pag-ibig
at ang kapalara'y siyang mananaig.

Ang bagay na ito'y sinabi ko lamang
di ka pinipilit na ako'y ayunan,
n~guni't sa sarili n~g bait na simpan
ikaw ang bahalang sa wasto'y magtimbang.

At kung matagpuan n~g pantás  mong isip
ang kalulunduan n~g hustong matuwid
hinahong papayag naman yaring dibdib
at tatangapin mo ang aking panalig.

Bakit sa kanitang pagsasamang ganáp
itong pagtatalo'y hindi nárarapat
at saka himalang makita n~g lakás
n~g lampá tang isip ang ililiwanag.

Itong atin n~gayong pagsasalitaan
n~g balabalaking magunitang bagay
ay para na bagang isang pagsasanay
n~g tumulín tulín isip tang mabagal.

—Oo n~ga Marcela't yaon ang matuid
han~gang nabubuhay sa silong n~g lan~git,
ang tawo'y piliting dumunong ang isip
sa kapanahuna'y nang hindí maguipít.

Mag-aral n~g m~ga wastong pan~gun~gusap
na makakalugdan n~g kinakaharap
at yaon ay isang karan~galang sangkap
n~g tao kahima't nagmula sa hamak.

At ang pan~gun~gusap ay ipapanahon
huwag sa bala nang salita'y tútugón
at ang pagnanasang pan~ganlang marunong
lalong nagbabansag niyaong pagkagungong.

Ang palalong anio't kilos na magaslaw
sa gawa at wika'y páilag-ilagan
sa isip na puri hindi't kapintasan
ang maguiguing bun~ga't tubong pakinabang.

Ang pagmamabini't bala't kayong hinhin
kung dí katutubo naman ay wala ring
aantaing puri't bagkus babalutin
sa pula't siphayô n~g dilang matabil.

Sampo pa n~g ama't inang nag-anduka'y
masasabisabing diwa'y nagpabaya,
at kung hindí gayo'y di naman lálalâ
ang lumaguing gawing may katalong pula.

Ihahan~gang dito't dapat ding mag-in~gat.
ang tawo sa pulan~g nagsalasalabat
kung dí man máluklok sa dakilang taas
ay huag mangyaring malunod sa libák.

—Ang lahat mong saysay Dalmaciang kapatid
ay dapat ilimbag sa ubod n~g dibdib,
n~guni't ang hiling ko'y huag ipagkait
¿naganti mo na ba ang padalang titik?

—Hindi n~ga Marcela; ito'y isang bagay
na isasanguni sa pagmamahalan
at ipahahayag tanáng kalihiman
niyaring aking dibdib mula niyaong araw.

Maniwala ka kapatid na guiliw
ang liham na yao'y mula nang tangapin
salamat at di mo palá nápapansin
na yaríng isip ko'y nagpaparang halíng.

Sa alay na sintá ni Constancio't hibik
nag-aalan~gnin sana yaring dibdib,
n~guni't sa pasiyang hatol n~g pag-ibig
dí dapat itakuil ang sa pusong lan~git.

Kaya buhat na n~ga n~g aking tan~gapin
ang padalang liham, kapatid na guiliw,
parang binabaka ang gulong panimdim
na dí matutuhan ang dapat kong gawin.

Ito'y hindí sana dapat pamalayan
sa kahit kan~gino at kahalayhalay
na tayong babayi pala'y nagdaramdam
n~g matinding dusa sa nagugustuhan.

N~guni't sa malinis na pagkakatali
n~g kanilang puso'y nuha't ang bighani
na pagtapatan ka't yaring dalamhati
n~g tungkol sa sinta'y magkalualhati.

Upanding sa iyong magagandang hatol
ligalig n~g aking puso'y huminahon
sa padalang salat Cela'y nagtatanong
kung ano ang dapat na maguing panugon.

—Diyán sa hiling mo guiliw na kapatid
na hatulan kita n~g itatahimik,
walang mágagawa yaring aking isip
kun ang iyong puso'y supil n~g pag-ibig.

Sapagka't ang dahás n~g Haring pag-irog
ay dí gumagalang at dí natatakot,
walang katuirang ina-alinsunod
liban sa ang nasa lamang ang masunod.

Pagpayuhan ka mán n~g lalong matuid
ang kalihiman mo'y hindí rin didinig
lunas na pagpulhan n~g itatahimik
ay ang katutubong sarili mong bait.

At yaon ang siyang makapag titimbang
n~g lalong marapat sa kahihinatnan
yayamang sapagka't dati mo rin alam
ang lakad n~g mundo't panahong niniral.

Iyong magagawa boong pag-iin~gat
kung may panimdim kang puri'y mapahamak
at ang kabaita'y siyang naghahawak
sa ikasasawi n~g dáratning palad.

Ang sinomang tawo'y pagka't sinangkapan
n~g tatlong sandatang talagang panglaban
kailan ma't ito'y di mo bibitiwan
ay dapat umasang ipagtatagumpay.

Sapagka't kung ito'y di mo isasalong
sa digma n~g mundong laláng n~g panahon
ay pakaasahan na ipagtatan~gol
ikaw sa lahat nang sakuna't lingatong.

Huag maniwala ang lapok na loob
na tayong linikha'y may talagang signos
sapagka't ang tawo'y kung sumasa-Dios
ay walang pan~gamba't hindi matatakot.

Kaya n~ga sa awa niyaong Matankilik
na nagpakaduk-ha ay doon manalig
na pagpinagtibay ang sariling bait
walang magagawa ang lilong pan~ganib.

Tungkol sa hiling mong kita'y pagpayuhan
sukat hangang dito ang kaya ko lamang
at ang dakong hulí n~g káhihinatnán
ay wala sa aki't ikaw ang may tan~gan.

Kaya hangang dito't asahang kalakip
sa makakayanan yaring aking dibdib
n~guni't sa tadhana n~g Haring pag-ibig
sarilinan tayo n~g mapagsasapit.

—Salamat sa iyo kapatid na guiliw
sa m~ga hatol mong palagay sa akin,
na ang kabaitan ang papagtibain
at ang pag-aadya n~g Nakop sa atin.

Paalam na muna ako at aalis
si ama't si ina'y nang dí nai-iníp
kung walang dahila'y asahang babalik
sa araw n~g bukas guiliw kong kapatid.

—Adios Dalmacia't kung walang hilahil
inaantay kita sa araw mong taning
at ang taguri ko'y huag lilimutin
ang pagmamahalan magpahangang libing.

Ang pag babalik ni Dalmacia

Ikaapat na pankat

Narito na ako kapatid na irog
¿anong buhay ninyo kagabing pagtulog?
—nagdaang payapa na awa ng Dios
¿kayo nama'y ano? Wala ring sigalót.

N~guni't nang matapos kami n~g agahan
tumangap na mulí n~g padalang liham
na ang hinihiling niyaong karain~gan
ang magandang nasa'y bigyang kasagutan.

Narito Marcela at iyong abutín
itong ikalawang hatid na pagdaing
—Dalmacia'y oo n~ga't aking babasahin
na kung anong bagay ang sa pusong hiling.

Ang pagbasa ni Marcela sa pan~galawang hibik ni
Constancio tungkol sa pag-ibig.


Nunulí na naman ang aking paghibik
sa m~ga yapak mo, Poon n~g pag-ibig,
na sa karain~ga'y huag ipagkait
ang lunas na awa sa may dusang dibdib.

N~guni't kung hindí mo naman maaatim
ang lun~goy n~g puso't bawal n~g pag-amin
ay wala nang buhay na dapat ituring
at parang himbing na sa hantun~gang libing.

Kaya kung sakali't nagaalan~gán man
sa hiling n~g aking nagdurusang buhay
mabighani ka ring iyong pagpayuhan
ang sariling puso't magtaglay n~g hambal.

At nang sa dalita'y upang makahugot
ang nálulugami sa nasang pag-irog
ipagkatiwala sa hihinting sagót
ang iguiguinhawa niyaring abang lingkod.

Ihahangang dito at pakahihintin
ang tapát mong hatol sa alay kong daing,
lakip ang kumusta't sa kayang pupulhin
ay natatalagang lingkod hangang libing.

Sagót ni Marcela.

Dalmaciang kapatid ang ganitong liham
ay paban~góng suob sa tinataghuyan,
upáng sa amuki n~g pagsintang alay
ang pinto n~g iyong bighani'y mabuksan.

N~gayon ang tanong ko kapatid na guiliw
huag paglihima't magtapat sa akin
tungkol kay Constanciong handog na pagdaing
¿may palad na baga siyang tatangapin?

—Sa tanong mo Cela'y bakit maglílin~gid
ang pagsasama ta'y higit sa kapatid
ang katotohana'y siyang isusulit
bagay sa binatang dulot na pag-ibig.

Nang nakararaang di pa tinatangap
ang ina-asam kong pahatid na sulat
ay nau-una na siyang nakalimbag
sa lihim n~g aking katauhang bihag.

At nang tangapin ko ang sinugong titik
walang paglulanan n~g tuá ang dibdib,
gayon man ay aking pinátipid tipid
na dí nagpamalay sa tawong naghatid.

Anopa't ang aking ligayang tinangap
sa pagdating niyaong sinugong kalatas
di lubhang nalaon ay nan~gagsilipas
at ang humalili ligalig at sindak.

Unang nagunita't sanhíng nakahadlang
ay ang pagka habág sa m~ga magulang
lapastan~gang anak ang di na tumanaw
sa hirap dálita nilang pinuhunan.

Bukod pa sa rito'y nang mag-isip-isip
alab n~g gusto ko'y nasubhán n~g lamig
dahil sa balitang aking nadidin~gig
na ang tawong yao'y lahing mababagsík.

Bulong n~g himaton kahit may asawa
sa ibang babayi ay nakikisama
dahil dito'y siyang niguil umantala
sa malagong tubo n~g aking pagsinta.

Yao'y siyang sanhi't bilang na pumiguil
sa náunang siglá n~g aking pag-guiliw,
n~guni't maniwalang sumasalisi rin
sa buntong gunita na siya'y tangapin.

N~gayon ko natantong ¿anong tinding bigat
iwaksi ang sintang diwa'y may kamandag?
na nananalatay sa lahat n~g ugat
kaya't di mangyaring biglaing makatkat.

N~guni paghinahon bulág na pag-ibig
idila't ang iyong nadidimlang isip
kung papatulan mo ang hiling n~g dibdib
ay mahuhulog ka sa madlang pan~ganib.

Kung naroroon na sa kamay n~g sukab
lahing mapaglilo sa asawang liyag
dí ang kailan~gang gagawing pang lunas
sa hapdí n~g puso'y luhang tatagaktak.

Piguil aking loob at alalahanin
ang pagaasawa'y matinding dadalhín
kung makatagpo ka n~g ugaling taksil
magsisi ma'y huli't walang mararating.

Lalo na't lalaking laguing mapagbintang
sa dí guinagawa'y paghihinalaan,
marahil ay di na panghihinayan~gan
sa ikadadalí ang lapok mong buhay.

Lalagui ka na n~ga sa tinaghoy-taghoy
magsisi ma'y huli't wala nang panahon,
anopa't kaya ka lamang huminahon
kung maguing bangkay na't katawa'y maburol.

Ito'y karaniwang aking namamalas
sa m~ga babaying sinasamang palad
siyang umi-iguib, kilik pa ang anak
na dí pinapansin n~g lalaking tamád.

Sampong pagkabúhay na ipagtatawid
n~g asawa't m~ga bun~ga n~g pag-ibig
ang tungkuling yaon ay wala sa isip
at di nahihiya sa nakamamasid.

Ang lahat n~g ito'y dapat isadili
na kahihinatnan n~g isang babayi
kung naroroon na'y walang mangyayari
liban sa managhoy ang iyong sarili.

Sa lahat n~g ito katawan ko'y bakit
hangang may panaho'y milag sa pan~ganib
kun katungkulan man ang gawang umibig
huag kabibiglá at mag-isip-isip.

Yaong kay Constanciong alay na pag-irog
na naguing bun~ga n~g aking pagtulog
pakapipiliting iwaksí sa loob
at sa dalamhati nang hindí mahulog.

Sapagka't kung siya'y magmana n~g asal
sa m~ga linahi niyang pinagmulan
na nangbabayi at ang katungkulan
sa sintang asawa'y ipinamimigay.

Di kung magkagayo'y alin pa ang háyap
niyaong dalamhati ang hindí susugat
dini sa puso ko at ¿gaanong antak
ang ipagdaramdam ng saliwang palad?

Ang lalong marapat ako'y mamayapa
sa piling ni ama't inang nag-andukha
at doon na hihintin ang laáng tadhana
niyaong kamatayang pagpanaw sa lupa.

¿Sa madlang pasiyá niyaring aking dibdib
nararapat kaya Marcelang kapatid?
—Oo ang sagot ko't hindí nalilihis
kung may kapalarang matay sa tahimik.

N~guni't itong tawo'y kung talagang laang
sa pag-aasawa'y mapa-abáng buhay,
ang mata n~g isip ay nabubulagan
sa masamang palad niyang káraratnan.

Masdan mo Dalmacia't siyáng nangyayari
sa mapapasawing paris tang babayi,
kahima't mayaman at anak sa puri
sa sinta n~g dukha ay napahuhuli.

Kaya ang sinoma'y bulaan ang bait
at ang matalinong m~ga pag-iisip
supil n~g tadhana't hindí magagamit
ang siya'y umilag sa maling pag-ibig.

Daming pasalamat ang itinutungkol
sa kabaitan mong taglay ang hinahon
at dí nabalinong puso mo'y lumusong
sa hiling n~g mundo't udyók n~g panahon.

Sapagka't ang isang babaeng gaya ta
talagang laán sa pagaasawa,
may napapa anyong palad sa guinhawa
bukod sa sariling kanlong n~g ligaya.

Bakit ang madalás ay ang pagkukulang
n~g isang babayi sa asawang hirang,
anaki ang ibig ay siyang magtan~gan
n~g ipangyayari sa lahat n~g bagay.

At pagbibintan~gán ang asawang liyag
n~g dí guinagawa at wala sa hagap
ito'y di lulubay n~g tínalak-talák
han~gál na babaying walang puring in~gat.

May dí pagkabugnot at bigyan n~g tabig.
kung nagupunó na sa di gawing galit,
yao'y hindí buhat sa talagang bagsik
kundí sa babaying samang bukang bibig.

Halihalimbawang may katotohanan
ang bikig n~g pusong ipinagbibintang
yao'y hindí dapat ipagmaka-in~gáy
pagka't sa asawang pan~ganib n~g búhay.

Kaya sino ko man irog na kapatid
na may asawa nang pinakai-ibig
kung may panibugho ka mang ini-isip
ay pakabalutin sa lihim n~g dibdib.

Lalo't may asawa ang patatamaan
sa kutóg ng iyong malíng pagbibintang,
dí parang ikaw na ang nagpapatnubay
sa ikadadali niyaong kamatayan.

Kung mapan~ganyaya ang asawang liyag
n~g dahil sa iyong dilang talipandas
¿maagaw mo pa kayang máiligtas
ang nása kamay na n~g pagka-pahamak?

Kaya ang payo ko m~ga guiniguiliw
sa ubod n~g puso'y itandang magaling
kung mayroon ka mang panibugho'y tipdin
at saka ihibik sa oras na lihim.

Na ang sabihin mo'y kulang ang ihalik
sa bakas n~g yapak, asawa kong ibig
tungkol sa anyo mong aking námamasid
n~gayon ang luhog ko'y limutin sa isip.

Alalahanin mo, asawa kong hirang
na ako ang iyong katagni n~g búhay
ikaw ang sinta ko't kaisang katawán
kun ang pagsasama'y hindi durun~gisan.

Kaya ako'y huag sanang pagliluhin,
pagka't ang damdam ko'y karamdaman mo rin
sa bawal kong ito't di ka papipiguil
magkukusa akong lulusong n~g libing.

At dí makakayang itagal n~g dibdib
ang párusang ako'y dayain n~g ibig
at ito ang siyang sanhing maghahatid
niyaring abang búhay sa hantun~gang guhit.

At ang pagkukulang n~g iyong pagtin~gin
sa m~ga anak ta'y ang ihahabilin
ang buntong hinin~ga, at anong gagawin
sinásamang palad sa amang nag-ankin.

Masdan natin dito kung hindi lalambot
sa pusô n~g isang kasing ini-irog
at mabibighaning mahambal ang loob
lalo't ang luhà mo'y makitang nanagos.

Kung sakasakali't hindí rin didin~gig
sa m~ga taghoy mo't malunos na hibík,
sukat sa magbata't idaing sa Lan~git
na siya'y loobing magbago n~g isip.

Iligtas sa madlang abang na pan~gamba
ang kasing irog mong supíl n~g anyaya
n~g mundo't ilagay ang boong pag-asa
sa dunong na lihim n~g Lumik-hang Amá.

At kung baga siya'y dí rin magbabago
n~g pagkálugami sa daya n~g mundo
ang loob mo'y huag namang mabubuyó
na sa dalamhati gumanting maglilo.

Ang isang lalaki kahima't maglihim
dilág n~g asawa'y, lalong nagniningning,
n~guni't kung babayi ang siyang magtaksíl
ang abang lalaki'y nagmumuk-hang halíng.

Titigas ang buhók at  magbabalita
ang kulay at anyong siya'y nadadayâ
sa pagkakagayo'y ¿dí ka naman kaya
nagdadalang habág, babaying kuhila?

Dilidilihin mo't ikaw ang may tan~gan
niyaong mahalagang putong na kinamtan,
na kapag nabagsak ito at pinugay
ay parang gumiba n~g isang Sambahan.

Salamat na lamang kapatid na kasi
kung bigyang panahong magawa ang sisi
kamatayan nati'y hindí nagsasabi
n~g araw at oras na ipanagyayari.

At magandang pala, irog na kapatid
kung pahahatdan kang babalá n~g Lan~git
at bigyang panahon na makapaglinis
upanding magtamo n~g bayang tahimik.

Ihahangang dito't ako ma'y hindí pa
talastas ang dako n~g maguiguing hanga
kung may kapalaran sa pag-aasawa
ó hangang tumanda sa pagka dalaga.

Ang pagsagót sa sulat ni Constancio.

—Maalaala ko Marcelang kapatid
yaong kay Constanciong sulat na pahatid
ating bigyang sagót na ang ninanais
ay wala nang daang ipagkaka lan~git.

—Oo n~ga Dalmacia't siyang katuiran
na dapat gantihin ang padalang liham,
muha ka n~g papel na pagsusulatan
na ang ninanasa ay wala nang daan.

—Narito Marcela't sa kamay ko'y abót
ang pagsusulatan n~g aking panagót,
na ang sasabihin ay walin sa loob
yaong pinupulong awa sa pag-irog.

—Dalmacia kung gayo'y tangní ang pangguhit
at u-ulatan ka n~g lampa kong isip
na ang balang malí huag itititik
hanapin ang hindí damdamin n~g dibdib.

Ang panagót ni Dalmacia kay Constancio.

Náhuling pagsinta sa kapanahunan
nang ako'y wala pang naguiguing katipán
kung n~gayo'y wala nang sukat maguing daan
pagka't sa puso ko ay may nagtatan~gan.

Hindí taga rito't lalaking mabait
ang tinatahana'y bayang matahimik
pakumbabang loob at mapagtankilik
sa kapanahuna'y gagawin ang bagsík.

—Kaya huag mo pong ipagdalang lunos
ang nabigong palad sa nasang pag-irog
di na mangyayaring ako'y makahagpos
sa kamay n~g aking kasing nagkukupkop.

Sukat hangang dito't sa tadhanang laan
n~g Lan~git, ang tawo ay doon lumagay,
yaon ang payo ko't ang taguring ¡ay!
tayo'y manatili sa payapang búhay.

Sa lahat n~g aking inilagdang titik
¿anong palagay mo Dalmaciang kapatid?
—sa aki'y husto na't hindí nálilihís
tungkol kay Constanciong alay na pag-ibig.

Cela'y tiklupin mo't sa pagbabalutan
lalagyan n~g guhit ang aking pan~galan
tandáng maguing saksing ako ang may bigay
sa tawong nagdalá n~g panugong liham.

Ang pag owi ni Dalmacia.

Oowí na ako't ang sadyang liwanag
nitong boong mundo'y ibig nang lumipas
—Oo n~ga Dalmacia't kung may búhay lakás
inaantay kita sa araw n~g bukas.

Ang pagbabalik ni Dalmacia sa tipáng kinabukasan.

Ikalimang Pankat.

Malayo layo pa itong dumarating
ay nakan~giti na ang magandang n~gipin
itong dináratnan naman ay gayon ding
isinasalubong ang mukhang may alíw.

Nagyakap na silang puspus n~g ligaya
parang pusong sabík sa dí pagkikita,
sa pagkakayapos nang magkabitaw na
kay Dalmacia'y nugnós ang buntong hinin~ga.

Tanong ni Marcela'y—¿Ano ang dahilan
may karamdaman ka bagang tinataglay?
—Oo n~ga't kung bakit laguing dinadalaw
yaring aking loob niyaong agam-agam.

Sa tuitui na'y laguing nái-isip
ang m~ga babalang pahatid n~g Lan~git
kung ano't ang aking luha'y naguiguilid
at napapanimdim ang huling sasapit.

Kung kahima't kita'y nagsasalitaan
n~g balabalaking maisipang bagay
dí mo lamang pausíng madalás magdaan
sa aking gunita ang kutóg n~g lumbay.

Ang lahat n~g ito'y kung aking damdamin
ay wala sa loob at dí pinapansin
n~g ibang kapua't nagpapakahimbing
sa layaw n~g mundong lubhang sinun~galing.

—¿Ano ano namán kapatid na hirang
ang napapansin mo sa mundong kásaman?
—liban sa dí gayon daming nagnanakaw
ang ari n~g iba'y lupiguit ma-agaw.

At sa pagsasamang tan~ging mahalaga
nagsisipaglilo ang isa at isa
at kung magkáminsan ay pinapatay pa
ang nakapipiguil sa masamang pita.

Ang pananaghili at ang pagkainguit
sa palad n~g iba'y aewan kung bakit
naguiguing bisoól at matinding bikíg
sa puso n~g dugong may linahing inip.

Ipinaghihigpit ng hin~gang payapa
yaong pagtatamóng palad n~g kapua
at pangugugulan n~g ikasisira
niyaong pan~gimbulo n~g asal kuhila.

At saka kung aking pagkurukuruin
ang dí pagka ban~gon, Inang Bayan natin
imbót sa pagyaman, ang nakapipiguil,
n~g kuhilang anák na walang pagtin~gin.

Ipinagbibili sa hindi halaga
ang m~ga damdaming pag-irog sa Iná
may asal Galalón ¿ano't hindi ka pa
tambin~gan n~g walang habag na parusa?

Sa ugaling gayon may dí pagka poot
yaong nanunun~gong mahabaguing Dios
sa yaman at puring hamak inu-ubos
ang pagsusumakit nila't paglilingkod.

Ito ang masaklap n~gayong umi-iral
na inu-ugali n~g maraming bayan
hindí magkáisa niyaong kalooban
at ang naghahari ang pag-iinguitan.

Iba'y nagsasabing mag-atang n~g bigát
ay dí naman kaya n~g lampang balikat,
anopa't kung baga másunod ang han~gad
parusa n~g baya't damdaming pahirap.

Ay manong damdamín ang aming pagluhog
pilitin ang tayo'y magka isang loob
upanding sakaling siyáng makalagót
sa tali n~g ating Inang nalulunos.

Hangang dito Cela't may dí pag sisikip
ang poót sa tawo, n~g Amá sa Lan~git
linalapastan~gan ang Santong matuid
at ang kaliluhan ang nasang manaig.

—¿Ano ano namán sintang kapatid ko
ang m~ga babaláng dí pansin n~g mundo?
—Unang unang aking tuturan sa iyo
kólerang nunuksá sa búhay n~g tawo.

At ang ikalawa'y ang pagkakamatay
n~g kawakasin~g hayop sa ikabubuhay,
baboy, m~ga manók, at iba pang bagay
saka ang luluksóng salot sa halaman.

Na diwa'y sa boong lupang Filipinas
ang hayop na ito ay lumalaganap
halamang dapuan sa boong magdamag
tapós na ang pagod at puhunang pilak.

Napan~ganyaya na't wala nang hihintin
tulad sa nagdaang sinirang pananím
ang pag-asa'y lubos na may aanihin
at nang naglalaman ay saka kinitil.

Sa lílimang bagay na aking tinuran
ika-anim yaóng away na nagdaan
¿ito kaya'y hindí dapat ipagnilay
n~g tawo't isipin huling kararatnán?

Ang Dios ay Amá ng Santong matuid
na dí mangyayaring gumawa n~g lihís,
ang lahat n~g ito'y dapat isa-isip
at alálahanin ang huling sasapit.

Kaya n~ga sa tanáng kapatid na hirang
ito'y dí pag-unang bait at pagaral,
pilitin na nating iwaksi't talikdan
ang inu-galing hindi karampatan.

Ang pananaghili at ang pag-iimbót
sa ari n~g ibang namuhunang pagod,
huag pagpilitang ikaw ang mag-impok
at kahalay halay sa tawo't sa Dios.

Alalahanin  mong may sangkap ka naman
na ipagwawari sa lahat n~g bagay
may puring sariling dapat pag-in~gatan
at ang malalait na m~ga magulang.

Pagkat kun ang tawo'y napapakasamá
na parang bulág na ang pagaakala
dalan~gin n~g lahi ay ¿manong mabiglá
ang kaniyang búhay na kahiya-hiya?

Na dahil sa puri n~g minulang buhat
ay nan~gadadamay sa pula't paglibák
kaya hinihiling n~g lahat n~g anák
na siya sa mundo'y huag nang magluát.

Kun ang kahinlugang dapat magmasakít
ay nananalan~ging búhay ay maligpit
ang di kamag-anak ¿anong máiisip
di ang daganán na n~g sangmundong sákit?

At saka ang tawo'y kundí tatalikdan
ang pagkakasalang kinadudumugan
ay hindí malayo na tayo'y pahatdan
n~g parusang walang dalang pakundan~gan.

Kaya n~ga sa tanóng guiliw na kapatid
ito'y hindí naman pan~gun~gunang bait
pilitin na nating limutin sa isip
ang lahat n~g gawang laban sa matuid.

Man~gag-sipag-sisi't gugulin ang luha
n~g paghin~ging tawad sa Poong Maygawa
at magsi-pan~gakong di na magnanasa
sa linaguing gawíng asal na masamá.

Upanding kung baga't makita n~g Dios
na tayong lahat na'y nagbabagong loob,
mahabág at di na ituloy ang poót
bagsík n~g parusang kakilakilabot.

Kaya sino kamang nagpapakahimbing
sa layaw n~g mundo, dibdib mo'y pukawin
hangang may panahon ay samantalahin
yaong pagsisising lubos na taimtim.

Yamang talastas mo na ang ating búhay
ay hindí lalagui sa lupang ibabaw
at may takdang guhit yaong kamatayan
na pagtuntong doo'y tapós na ang layaw.

Kaluluwa natin ay pilit haharap
sa handang Hukoman na sakdal n~g taas
at uusisain ang lahat at lahat
inasal sa mundo't gawang hindí tapát.

Gahanip mong sala'y walang mákakanlong
sa tunog n~g Juez na tatanong doon
at kung malining na'y gagawin ang hatol
sa dalawang bagay na maguiguing ukol.

At sa pagdurusa'y kung doon mahulog
ang maguing pasiyá n~g hatol n~g Dios,
yaon ang dálitang kákilakilabot
at hirap na walang hangang pagkatapos.

Kaya mabuti rin ang may binhing hasík
budbod na pananím sa bayan n~g Lan~git
upanding mag-ani n~g linamnam tamís
at kaligayahang walang kahulilip.

Ang Imperiong yao'y hindí napapasok
n~g kahima't sino'y n~g ligalig lungkot
palibhasa'y bayan n~g santas at santos
na nan~gag-aalay n~g puri sa Dios.

Doo'y walang gabi ang saad sa aklát
wala namang araw, buang sumisikat
ang kapangyarihan n~g Dios na wagás
ay labis sa madláng tanglaw na liwanag.

Naroon din nama't iyong makikita
ang luklukang hayag n~g Vírgen María
alay ang maraming puri't pagsasayá
n~g m~ga Vírgenes sa payapang Gloria.

Ang ligayang yao'y walang pagkatapos
walang pagkabago at lubos na lubos
hindi paris dito na sa munting lugód
dusang langkay langkay ang ganting kasunód.

Kaya n~ga ang dapat ay magsamantalá
hangang may panaho'y talikdan ang sala
at huag páwili sa tamis n~g lasa
nitong bun~gang mundo't may lihim na paklá.

Yao'y pawang daya't laláng na hikayat
n~g taga Averno, kaya n~ga ang dapat
gamitin ang tatlong katutubong sangkap
at ang kaluluwa'y nang dí mapahamak.

Kun ang lakas natin ay mapipipilan
ay huminging tulong sa kapangyarihan
n~g Poong Lumikha, at dí papayagang
masupil n~g lilong digma n~g kaaway.

Ating dalan~ginin n~g taós sa dibdib
yaong kamatayang sakdalan n~g tamís
kaluluwa nati'y nang upang magkamít
niyaong Luwalhating walang kahulilip.

Sukat hangang dito, Marcela ang galáw
n~g m~ga pagpitás nitong lamang bayan,
ang magandang suyò nawa'y ipatnubay
n~g may awang Lan~git hangang nabubuhay.

Ang ating harapin ay ang makatumbás
sa ama at inang namuhunang hirap
—Oo n~ga Dalmacia at kang matutupad
yao'y mamumun~ga n~g magandang palad.

Nanatili nan~gang kanilang ilagan
ang madláng paraya nitong kamunduhan
at walang hinaráp kundí ang mag-alay
n~g magandang suyò sa m~ga magulang.

ISÁNG TAGUBILIN.

Sa bakás n~g yapak n~g kadalagahan
ang lumagdang isip nito'y nag-aalay
n~g munting gunita na kunang ulirán
yaon kay Marcela't kay Dalmaciang búhay.

Kung baga sa isang Araw na sumikat
ay dí nan~gulimlim ang pagliliwanag
buhat sa mulâ pa n~g pagkakalapat
n~g kanilang dibdib na parang sinukat.

Ang ali't alin mang datnán n~g ligamgam
ang sing-isang puso nila'y nagdaramdam
gayón sa ligaya namang kinakamtan
walang natatan~ging pagsasarilinan.

Kung sakasakali at may maling isip
ang ali't alin mang sinsay sa matuid
ay nasasansala at naihahatid
hangang sa hantun~gan n~g itatahimik.

Sila'y marurunong magbigay pitagan
sa bala't bala nang dapat na igalang
ito'y pakorona't putong na ban~gibang
sa puri n~g m~ga nagpalang magulang.

Maiin~gat silang magbalot sa lihim
n~g puring hindí pa panahong sayan~gin
magagandang loob, marunong tumin~gin
sa búhay n~g dukhang dí gawing pansinin.

Nan~gag-aabuloy n~g makayang habág
sa kahit sinomang lugami sa hirap,
hindí nabubuyó sa maling hikayat
n~g mapag anyayang isip sa pahamak.

Ang magyao't dito at makipanayam
sa dí kaugali ay naguiguing bawal,
lalo na't ang gawi n~g mákakararal
ay manirang puri n~g sa ibang búhay.

At kahit binaka n~g Haring pag-ibig
yaon kay Dalmaciang matibay na dibdib
ay hindí nangyari na ipinalupig
at ipinagtangól n~g sariling bait.

Bilang naguing kutâ ay ang pagninilay
at ang pagka habág sa m~ga magulang,
pinilit ang loob na makipaglaban
sa dahas n~g sinta nama'y nagtagumpay.

At ang nanatiling nasok sa panimdim
sa kay Jesucristo ang puso'y ihain
huag magasawa't baka ang sapitin
ay ang dalamhati sa kakasamahin.

Sinabi kong ito'y dí naman paghadláng
sa m~ga dalagang panahong niniral
at ang matrimonio'y mahalagang bagay
kung sakasakali't mapag-iin~gatan.

Yaón ang halamang habilin ni Cristo
pinangagalin~gan n~g tawo sa mundo
diyan nagbubuhat ang Papa't Obispo
Cardenal at saka ang m~ga Ministro.

Anopa't kung bagá mapag-iin~gatan
ang pagkakalin~ga sa Santong halaman
dito pa sa lupa'y pakikinaban~gan
hangang sa lumipat n~g payapang bayan.

N~guni't kun ang dahil n~g pag-aasawa
n~g isang babayi sanhi sa anyaya
n~g mundo, at hindí bibigyang halagá
ang pagmamahalan maha~ga'y hindí na.

Kaya n~ga ó m~ga binibining hirang
kayo sa sariling laguing magninilay
at hingín sa Dios na paliwanagan
kun ang inyong isip ay pinagdidimlan.

Muhang halimbawâ at kayo'y pumaris
doon kay Dalmaciang dunong na mag-isip
hindí nabighaning natol sa pag-ibig
at ang alaala'y ang huling sasapit.

At kung mangyayari mahalintularan
yaong kay Marcelang mapayapang búhay
hindí nabighaning ang puso'y ibigay
sa parayang hilíng nitong kamunduhán.

Ang pagka dalaga'y hihiguit pa mandin
sa apat na puong taón kung bilan~gin
walang hinaharáp kundí ang maghain
niyaong pagmamahal sa ináng nag-angkin.

Kaya n~ga ó m~ga binibining irog
na ina-alayan niyaring paglilingkod
maraming salamat kung ang iyong loob
sa gandang anyaya'y magsi-alinsunod.

Yaong pagsasamang walang kasing tamís
ni Marcela't saka ni Dalmaciang ibig
kunang halimbawa't nang upang magkámit
n~g kaaya-ayang búhay na tahimik.

At kung magkagayo'y maraming salamat
sa napapanahon n~g PAMUMUKADKAD
kahimanawari'y mag si PAMULAKLAK
sabog kong tagurí n~g MAGANDANG PALAD.

WAKAS

*** END OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK 14215 ***