The Project Gutenberg eBook of Ang Mananayaw

This ebook is for the use of anyone anywhere in the United States and most other parts of the world at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this ebook or online at www.gutenberg.org. If you are not located in the United States, you will have to check the laws of the country where you are located before using this eBook.

Title: Ang Mananayaw

Author: Rosauro Almario

Release date: January 25, 2005 [eBook #14794]
Most recently updated: December 19, 2020

Language: Tagalog

Credits: Produced by Tamiko I. Camacho and PG Distributed Proofreaders.
Produced from page scans provided by University of Michigan.

*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK ANG MANANAYAW ***

[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is
marked as ~g.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon
ay hindi na ginagamit.]

Ang Mananayaw


ANG MÁNANAYAW

Design1

Ros. Almario

UNANG PAGKALIMBAG



MAYNILA

LIMBAGAN NI JUAN FAJARDO
Daang Carriedo Blg. 101, Sta. Cruz

1910.


Talaan ng Nilalaman

Aklatang Bayan.

SIMULA.

II.

III.

IV.

WAKAS.


Aklatang Bayan.


Sa gitnâ n~g masinsíng úlap na sa kasalukuya'y bumábalot sa maynós na lan~git n~g Lahíng Tagalog, ang «Aklatang Bayan» ay lumabás.

¿Layon? Iisáng iisá: makipamuhay, ibig sabihi'y makilaban pagkâ't ang pakikipamuhay ay isáng ganáp na pakikitunggalí, isáng lubós at walâng humpáy na pakikibaka.

At makikibaka kamí laban sa masasamâng hilig, m~ga ugali't paniwalà, magíng tungkól sa polítika, magíng sa relihión at gayón sa karaniwang pamumúhay; yamang ang m~ga bagay na itó'y siyáng m~ga haliging dapat kásaligan n~g alín mang bayan: tatlóng lakás na siyáng bumúbuó n~g káluluwá n~g alín mang lahì.

At upáng malubós ang pagpapakilala n~g adhikâng itó sa aming man~gagiging, mangbabasa, kung sakalì, n~gayón pa'y malugód na't magalang na ipinatátalastás namin sa kanïlá ang m~ga aklát na sa kasalukuya'y niyáyarì sa loób n~g Aklatang itó:

Ang Mánanabong, Ang Pangginggera, Bagong Hudas, Ang Sakim, Bagòng Parì at ibá't ibá pa.

Pan~ganay na anák n~g Aklatang itó «Ang Mánanayaw», na n~gayó'y bagong kalúluwál pa lamang sa laran~gan n~g Panunulat. Kulang sa katás marahil, marahil ay gayón din sa lusóg n~g pan~gan~gatawán, bigláw na bun~ga palibhasà n~g isáng panitik na salát sa ilaw n~g talino at dahóp sa yaman n~g pananalitâ.

Magsísitulong sa aklatang itó ang m~ga katoto ko't kaadhikâng Faustino Aguilar, namámatnugot sa TALIBA, Carlos Ronquillo, punòng-mánunulat sa náturan ding páhayagán at m~ga ibá pang gurò n~g panitik, na sa pamamagitan n~g limbagan at papel ay magsásabog, hanggáng sa lalòng lihim na pook n~g Katagalugan, n~g makákaya niláng pangliwanag na ilaw sa m~ga kalahìng nan~gan~gailan~gan nitó.

Ros. Almario,

Taga-pamahalà n~g Aklatang Bayan.

Maynilà, 30 V-1910.



Ang Mánanayaw.

Design2

Jóvenes qué estais
bailando, al infierno
vais saltando.


SIMULA

Pati: Mánanayaw. Alan~ganing tindíg; ni mababà ni mataas; katawáng malusóg, makatás, sariwà; m~ga matáng malalaki't bugháw, dalawáng bintanàng pinanúnun~gawan n~g isáng káluluwáng nag-iinit, nag-aalab sa nin~gas n~g apóy n~g isáng damdaming batis na dinádaluyan n~g alíw, alíw n~g sandalî na nakalúlunod, nakaíinís at nakamámatáy sa bawà't káluluwáng maligò sa kanyá.

Sawî: Túbong lalawigan, binatàng nag-aaral sa Maynilà. Buhat sa mabuting lipì, angkán n~g m~ga mayaman, si Sawî ay isáng binatàng lumakí sa lilim n~g pananaganà: kimî, mahihiyâin, ugalìng babae, si Sawî ay hindî kaparis n~g m~ga binatàng walâng ibáng minimithîmithi kundî ang mátulad sa isáng paróparó, sa isáng bubuyog, na tuwîna'y hanap ang m~ga bulaklák, upáng simsimín ang kaniláng ban~gó,

Tamád: Isáng hampás-lupà, isáng hampas-bató, na gaya n~g tawag sa kanyá n~g madlâ. Ulila sa amá't ulila, sa iná. Walâng asawa, ni anák, ni kapatid, ni kamaganakan kungdî ... si «Ligaya»; ligayang pará sa kanyá'y hindî natatagpô sa alín mang dako, sa alín mang poók, máliban sa m~ga bilyar, sabun~gán, pangginggihan, bahay-sáyawan at m~ga bun~gan~gà n~g impierno na sa bálana'y laging nakaumang.

—Tamád, ¿kumusta ang ibon?

—Mabuti, Pati, maamò na n~gayón.

—¿Handâng pumasok sa kulun~gán?

—¡Oh, walâng pagsalang hindî siyá pápasok!

—¿Anó ang sabisabi niyá sa iyó tungkól sa akin?

Paris din n~g m~ga unang salitâ na náiukol ko sa iyó nang tayo'y unang magkátagpô sa isáng handáan: na, ikáw ay magandáng katulad ni Venus, paris n~g Talà sa umaga. ¡Umiibig na sa iyó! Maáasahang siyá'y bihag mo na....

Binuksán ni Pati ang kanyáng dalawáng labì na nagpúpulahan upáng paraanín ang isáng matunóg na halakhák.

Con qué, umiibig na sa akin, há?

—At pagháhanapin ka mámayâ.

—¿Saán? ¿saan mo akó itinurò?

—Sa bahay-sáyawan.

—Sa makatwíd palá ay nálalaman nang akó'y mánanayaw? ¿at anó ang sabi sa iyó? ¿hindî ba niyá nábabasa ang m~ga páhayagáng, hindî miminsan at mámakalawáng nagsásabog diyán n~g m~ga balitàng diumanó'y hindî m~ga babae ang m~ga mánanayaw sa «suscrición» kundî isáng tungkós na m~ga talimusák?

Medio ... medio sinabi niyá sa akin ang ganyán; n~gunì't tinugón ko siyáng ang gayóng balità'y mangyáyaring magkátotoó, kung minsán, at mangyayari rin namáng hindî, «Si Pati»—ang wikà ko sa kanyá,—«iyóng dalagang ipinakilala ko sa iyó sa handâang dinaluhán natin ay isáng matibay na saksí n~g katotohanang ang isáng magandáng perlas ay mangyáyaring mápaliblíb sa gitnâ n~g burak....»

At tumigil sandalî ang nagsásalita upáng lumagók n~g laway at magpatuloy, pagkatapos, sa m~ga ganitóng pan~gun~gusap:

—At si Sawî (ang ibong pinagúusapan nilá)—ay naniwalà namáng ikáw ay isáng «magandáng perlas», isáng dalagang mahinhín, may puri, maran~gal....

—¿At hindî na itinanóng kung bakit akó nápapasok sa bahay-sáyawan?

—Itinanóng ¿bakit hindî? n~gunì't ang dilà ni Tamád, ang dilà n~g bugaw mong si Tamád, ay nang m~ga sandalîng yaó'y lumikhâ n~g m~ga pan~garap na sa kanyáng bibíg ay larawang mistulà n~g katotohanan, katotohanang nákita, sinaksihán n~g kanyáng tin~gín. At sinabi ko sa kanyáng hálos maagnás ang luhà ko: ¡Oh, Sawî, kung nálalaman mo ang buông kasaysayan ni Pati, n~g magandáng Pati, na hináhan~gàan mo n~gayón, ay dî sásalang siyá'y málalarawan sa m~ga balintatáw n~g m~ga matá mo na katulad n~g isáng banál na babae, n~g isáng ulirán n~g kadalagahan. Pagkâ't siyá, ang habol ko pa, ay isáng ulilàng dumanas n~g dî gágaanong kasawîan sa buhay, nagíng magpapalimos, nagíng manghihin~gì, at nang ayaw nang lawitán n~g awà n~g m~ga tinátawagan ay napilitang pumasok na alilà, ipinagbilí ang lakás sa isáng mayaman ... dapuwà't....

—¿Anó pa?

—Ang mayaman, ang dugtong ko, sa haráp n~g walâng kaagáw na dilág ni Pati, ay nagnasàng paslan~gín ang kanyáng dan~gál.

—¡Paslan~gín! Mainam kang magtátatahítahî n~g kasinun~galin~gan. ¿At anó pa ang aking ginawâ?

—Na ikáw ay tumutol sa gayóng karumíng adhikâ.

—¿At pagkatapos?

—Nilisan mo ang bahay na pinaglílingkurán upáng pumasok sa pagkamánanayaw.

—Samakatwíd, ang tapos ni Pati, pará kay Sawî, akó'y isáng banál na babae, isáng ulilànginapí n~g Palad, nagíng magpapalimos, manghihin~gì, alilà, alipin, sa madalîng sabi; at dahil sa pagtatanggól n~g puri ko'y iniwan ang bahay n~g mayaman, upáng pumasok ... ¿gayón n~ga ba?

—Ganiyán n~ga.

¡Oh, kung ipinahintulot n~g Dios na ang m~ga kasinun~galin~gan, bago makalabás sa bibíg n~g m~ga nagsísinun~galíng, ay magíng apóy muna...!

Si Pati, pará sa ating nakakakilala sa kanyá, ay isáng isdâng kapak, na sa labás ay walâng ibáng ipinatátanáw kundî ang kintáb n~g kaliskís, bago sa loób ay walâng ibáng madádamá kundî ang mabahòng burak. Siyá'y hindî lamang kirí, hindî lamang salawahan; higít sa kirí't salawahan, si Páti ay isáng tunay na salarín, isáng mangbibitay n~g m~ga káluluwáng nahúhulog sa kanyáng kandun~gan.

Batà pa lamang, hálos bagong sumísiból pa lamang, si Pati'y pinagkatakután na n~g m~ga binatà sa kaniláng pook. ¡Bakit hindî, sa, bálana'y sinagután n~g óo, bálana'y pinan~gakuan, bálana'y sinumpâan; m~ga pan~gakò at sumpâng bawà't isá'y pinatítibayan sa pamamagitan n~g isáng sanlâ, n~g isáng lágak, na hindî na mabábawì kailán man!

N~gunì't ... nagsasalitâ na namán si Tamád; pakinggán natin:

—Pati—aniya—mamayâ'y hindî sásalang dádalhín ko sa iyó ang ibon.

—Dáratíng kayóng handâ na ang haula.

At naghiwaláy ang dalawá.


II.


—¿ ... ?

—¡ ... !

At nároón na silá sa unang baytáng n~g hagdanang patun~go sa bayan ni Plutón: sa bahay-sáyawan. Náuuná si Tamád, ang tuksó, at si Sawî ay sumúsunód sa dako niyáng hulihán.

Ang Templo n~g masayáng diosa Terpsícore, nang m~ga sandalîng yaón ay maitútulad sa isáng Hardín n~g Kaligayahan: doón at dito'y walâng námamalas ang tin~gín kundî ang m~ga bagong Eba, ang m~ga bagong Adán, doón at dito'y nagsabog ang m~ga bulaklák, nagsalisalimbayan ang m~ga paroparó.

Pagdatíng na pagdatíng n~g magkasamang si Sawî't si Tamád sa bahay-sáyawan, si Páti, na nag-aantáy na sa kanilá ay malugód na sumalubong at nakan~gitî, nakatawang bumati sa kanilá:

Nan~gáligaw kayó rito....

Si Sawî'y hindî tumugón. Ang m~ga salitâ ni Pati, ang m~ga bigkás na yaóng mandi'y pinulután sa tatamís, ay isáisáng sumapit sa pusò n~g natítigilang binatà. ¡Anóng gandá ni Pati nang m~ga sandalîng yaón!

Sa loób n~g kanyáng damít na nan~gán~ganinag sa dalang, sa malas ni Sawî ay siyá ang nákita ni Flammarión sa kanyáng pan~garap: taong ilaw ang pinakalamán, at ang m~ga kamáy ay dalawáng bagwís.

Si Tamád, na nakákita sa ganitóng pagkakápatigil n~g kanyáng kasama, ay kumindát n~g isá kay Pati at lihim na itinurò yaón: «¡Talagáng torpe n~gâ!»

Noo'y isáng hudyát n~g tugtugin ang náriníg:

—¡Bals!—ang panabáy na turing n~g m~ga naíiníp na m~ga mánanayaw.

At umugong ang malakíng salón sa kiskís n~g m~ga sapatos.

Si Pati na nálalayô na sa dalawáng magkasama, pagsisimulâ n~g sáyawan ay mulîng lumapit kay Sawî:

¿Ibig pô ninyóng sumayáw?—ang magiliw na tanóng.

—Hindî pô ... bahala na pô ... mámayâ na pô kung sakali.—At tumindíg na tila nainitan sa pagkakáupô; dinukot ang panyô sa bulsá at pinahid ang pawis na sa noó'y butílbutíl na sumísipót.

—¡Mahíhiyâin pa ang tunggák! ang naibulóng tulóy n~g magandáng mánanayaw. At tinalikdán ang binatà na hálos padabóg. Tila nagálit sa gayóng pagtanggí n~g inanyayahan.

Ang gayón ay náhalatâ ni Sawî, kayâ't paanás na násabi sa sarili, nang siyá'y naúupô na:

—¡Bakà nagalit ah!...

At lalòng nag-ulol pa ang ganitóng pan~gan~gambá n~g binatà, nang mákitang si Pati ay kinúkuha na n~g isáng makisig na bailarín:

—¡Sayang at hindî ko siyá napairugan!

¿Sinóng lalaki ang kumuha sa kanyáng magandáng mánanayaw?

¿Katipán na kayâ niyá?

¿Kasintahan na kayâ?

M~ga ganitóng pag-iisip ang gumuguhit sa gunitâ n~g binatà, nang sa súsugat sa kanyáng pandiníg ang tanóng ni Tamád.

¿Bakit hindî ka sumayáw? At hindî na binigyáng panahón na ang inusisà ang makasagót pa, at si Tamád ay nagpatuloy sa kanyáng pagtuksó:

—¿Naníniwalà ka bang sa m~ga bahay-sáyawan ay walâng dumádaló kundî ang m~ga taong walâng kabuluhán?

—Hindî sa gayón, katoto....

—¿Naníniwalà ka ba—ang ulit ni Tamád—na sa m~ga bahay-sáyawan ay walâng ibáng dumádayo kundî ang m~ga hampás n~g Dios na nagkalat diyán? Ah, nagkakámalî ang m~ga may ganitóng paniwalà, at saksíng matibay n~g kamalìang itó ay ang nakikita mo n~gayón, kaibigang Sawî. Ang ginoóng iyáng kasayáw ni Pati ay isáng abogadong kilalá sa m~ga pook na itó n~g Maynilà ... ang ginoóng yaón—at itinurò ang isáng umíikit na kayapós namán n~g isáng babaeng habâan ang mukhâ at singkít ang matá ang ginoóng yaón ay isáng farmaceútico; at itó, itóng nagdáraán n~gayón sa tabí natin na may kawíng pang bulaklák sa tapat n~g dibdíb, ay isáng mayamang mán~gan~galakál....

Anó pa't ang lahát n~g m~ga nároón ay isáisáng ipinakilala ni Tamád kay Sawî: may m~ga estudiante de derecho, m~ga nag áaral n~g medicina, m~ga mán~gan~galakál, m~ga polítikó, at m~ga ibá pang «pag-asa n~g Bayan,» wikà n~gà n~g Dakilàng Bayani n~g Lahì.

N~gunì't ang m~ga ganitóng pagpapakilala ni Tamád ay hindî warì pansín n~g kanyáng kinákausap, pagkâ't itó, pagkatapos niyáng humintô, ay walâng ibáng náisagót kundî:

¿Sinó ang kasayáw ni Pati?

Ang ganitóng pagwawalâng bahalà n~g kanyáng kaniíg ay hindî ikinapoót ni Tamád. ¡Bagkús ikinagalák pa n~gà! Náhalatâ niyáng sa pusò ni Sawî, nang m~ga sandalîng yaón, ay walâ nang ibáng nagsísikíp kundî ang larawan n~g kanyáng kandidata, at walâ nang ibáng naririníg ni nakikitang anó pa man ang binatà kundî ang mahinàng sagitsít n~g sapatos ni Pati sa tablá n~g salón at ang kanyáng mapanghalinang tindíg.

Si Sawî, pusòng lagìng tikóm sa hibò n~g pagkakásala, n~gayó'y untî-untîng nabúbuksán sa tawag n~g isáng bagong damdamin, damdaming aywán niyá kung anó, datapwà't nálalaman niyá, óo, na ang damdaming yaó'y walâng pinag-iwan sa bagang nagbíbigáy init sa isáng kaldera, apóy na gumigising sa dating tulóg at nagbíbigáy siglá sa dating malamíg na pusò.

Ang bulaklák na noóng una'y takót sa halík n~g araw, n~gayó'y bumúbukád sa hagibis n~g bagyó.

Samantalàng ang m~ga pareha'y nagsalísalimbay, sa gitnâ n~g salón; samantalàng ang m~ga pareha'y walâng hintô n~g bulun~gan, kálabitan, kindatan, kúrutan, at kung minsá'y ang pálitan n~g matatamís na salitâ; si Sawî, sa luklukang kinarórooná'y walâng ibáng iníisip-isip kundî kung «paano ang paraang dapat niyáng gamitin upáng maparating sa taya n~g mapanghalinang binibini ang m~ga itinítibók n~g kanyáng káluluwá.»

—Tamád ang pamulîng tawag sa katabí—ibig kong akó'y pagtapatán mo: ¿anó ang tunay na kalágayan ni Pati? ¿Dalaga ó may asawa? ¿malayà ó may katipán?

—¿Nálimutan mo na ba ang maliksíng tugón n~g tinanóng ang m~ga isinagót ko sa iyó noóng unang tayo'y magkásama hinggíl din sa m~ga ganyán mong pag-uusisà?

—Marahil ... ¿anó ba ang sinabi mo sa akin noón?

—Sinabi ko sa iyóng si Pati'y dalaga at walâng asawa, malayà at walâng katipán.

—Samakatwíd....

—Samakatwíd ang agád na habol ni Tamád—samakatwíd si Pati ay malayà, malayàng tulad n~g isáng isdâ sa tubig, n~g isáng paróparó sa halamanan, n~g ibon sa alapaap.

—Kung siyá kayâ'y pag-alayan ko....

Náhalatâ ni Tamád ang tun~go n~g, ganitóng pananalitâ ni Sawî; kayâ't hindî na inantáy na matapos pa at matuling sumagót:

—¿Bakit hindî? ¿bakit hindî mangyáyaring siyá'y pag-alayan n~g pag-ibig? ¿Hindî ba't ikáw ay isáng binatà, at siyá'y isáng dalaga? ¿Hindî ba't ikáw ay isáng makisig na bagong-tao at siyá'y isáng magandáng binibini? ¿Bakit hindî...?

—Katotong Tamád, tila mandín biníbirò mo akó.

—¿Binibirò kitá? Hindî ko pa sinásabing lahát sa iyó ang m~ga nálalaman ko tungkól sa babaeng iyán, pagkâ't nan~gán~gambá n~gâ akóng bakâ ka malulà....

—¿Malulà?

—Kung sabihin ko sa iyóng si Pati ay tila ... tila....

—¿Tila anó?

—Tila nagkákagustó sa iyó....

—¡Nagkákagustó! ... ¿Diyatà? ¿diyatà't si Pati'y nagkákagustó sa akin?

—¿At bakit mo namán násabi ang gayón?—ang usisàng may halòng pananabík.

—¿Bakit hindî'y sa minámasdán ko ang bawà't kilos niyá?

Noó'y nagkátaóng si Pati'y tumítin~gín kay Sawî. Nápansìn ni Tamád ang gayón. Kinalabít ang kanyáng kapulong at ang bigkás na pan~gitî:

—¡Nákita mo na ... dî n~gayón ay tiningnán ka na namán!

—¡Tunay!—ang náibulóng ni Sawî sa sarili.—¡At, anóng lagtkít na sulyáp ang kanyá, anóng lambíng, anóng pagkásarápsaráp!

Natapos ang unang bals.

Sa ikalawáng hudyát n~g tugtugin na nagbalità sa m~ga nároon n~g isáng mainam na two-step, si Sawî ay hindî na nakatiís:

—¡Ibig kong sumayáw sa kanyá!

At noón dî'y iniwan ang likmûan, madalîng lumapit kay Pati, at ang magalang na samò:

—¿Ibig pô ba ninyó akóng paunlakán?

Sa ganitóng katanun~gan n~g binatà, si Pati'y hindî man lamang nagbuká n~g bibíg; subalì't pinasagót ang maputî't maliít niyáng kamáy na noó'y agád ikinawit sa bisig n~g nag áanyaya.

M~ga matáng sana'y bumasa sa pusòng lalaki, noón pa'y nábanaagan na ni Pati ang kanyáng nálalapít na tagumpáy:

—¡Huli na ang ibon, huli na, huli na!—ang magalák na bulóng sa sarili.

At nang silá'y sumayáw na ay pinapaglarô n~g gayón na lamang sa kamáy n~g kanyáng kayapós, ang maliít at malantík niyáng baywáng.

Si Sawî, sa ganitóng laláng n~g babae, ay untîuntîng nanglíliít na animo'y isáng kandilàng naúupós sa hihip n~g han~gin.

At ang makamandág na samyô n~g sampagang kanyáng sinísimsím n~g m~ga sandalîng yaón ay hinayhinay nang tumátagós sa kaibuturan n~g kanyáng damdamin.

¡Umíibig na siyá ... at umíibig n~g isáng pagíbig na taós, maálab, morubdób, na gaya n~g isáng sigâ sa alò n~g han~gin, gaya n~g isáng sunog sa buhos n~g gás!

Bawà't n~gitî ni Pati, bawà't sulyáp na panukáw na ipakò sa kanyá, ay mariíng tumítimò, bumábaón, sumúsugat sa dibdíb n~g na sa pan~ganib na si Sawî, paris n~g pagtimò, pagbaó't pagsugat n~g isáng mahayap na palasô.

—Aling Pati—ang kimíng tawag sa kasayáw—kung akó pô kayâ'y pumarito gabígabí ay mákakasayáw ko kayó?

—Bakit pô hindî?—ang malambíng namáng tugón n~g tinanóng.

Ang binatà natin, ang torpeng si Sawî, sa ganitóng paoo ni Pati, walâng ibáng maisagót kundî isáng banayad na:

—Salamat pô.

At hindî na umimík pang ulî hanggáng sa matapos ang sáyawan. Si Simoun, ang kasindak sindák na Simoun sa Filibusterismo ni Rizal, pagkapaglapat n~g m~ga dahon n~g pintûan n~g Templo ni Terpsícore ay nagpamalas sa m~ga nan~gín~giníg niyáng labì n~g isáng mapagkutyâng n~gitî; at sakâ sinabing:

¡Buena está la juventud!...


III.


Si Sawî ay walâ nang pagkásyahán n~g pag-ibig kay Pati.

Bawà't saglít na dumaán, bawà't saglít na yumao, ay isáng palasô na namáng umíiwà sa kanyáng dibdíb.

—¡Oh, Pati! ... ¿kailán mo pa málalamang iníibig kitá? ¿kailán mo pa málalamang ang pusò ko'y nagíng dambanà na n~g iyóng mahál na larawan? ¿kailán mo pa málalamang si Sawî'y walâ nang ibáng dinárasáldasál kung hindî ang pan~galan mong walâng kasingtamís?

Dilàng kimî, gapós n~g pagpipitagan, si Sawî ay nagtítiís manirá na lamang sa m~ga himutók at buntóng-hin~gá. ¿Magtapát kay Pati?

—Kung akó'y halayin? ¿Kung hindî pakinggán ang idáraíng ko? ¿kung birùbirùin ang pag-ibig? ¡Ay!...

Dapwà't, kung natátantô niyáng si Pati ay isáng maáwàing walâng dî nilimusán n~g kanyáng pag-ibig, kung natátantô niyáng si Pati ay isáng maawàing walâng pinagkaitán n~g kanyáng habág, kung natátantô niyáng si Pati'y walâng ibáng ináantay-antáy kundî isáng kalabít na lamang, ang isáng salitâng sukat maghiwatig n~g kaniyáng, damdamin upáng lúbusan nang ipagkatiwalà sa kanyá ang kanyáng káluluwá, ang kanyáng katawán; ang m~ga gayóng hinagpís at pag-aálinlan~gan ay hindî na sana sumagì sa kanyáng gunitâ.

N~gunì't si Sawî ay isáng singkí pa; kayâ't hindî niyá nálalamang, sa Maynilà, ang salitâng «Mánanayaw» ay nákakatugón n~g m~ga salitâng «mangdadambóng sa lilim n~g batás», «magnanakaw sa loób n~g bahay.»

Kung nálalaman niyáng sa m~ga bahay-sáyawan ay hindî ginágamit ang m~ga salitâ upáng sabihing: «Iníibig kitá,» «ibig kitang kánin» kundî sukat na lamang ang m~ga suliyáp, kindát at kalabít, disin si Pati'y malaon n~g nagíng kanyá, ó sa matuwí'd at lalòng tumpák na sabi, siyá'y nagíng kay Pati.

Bagamán, ang kanyáng m~ga pag hihimutók ay hindî rin lubhâng naglawíg, pagkâ't noóng isáng gabíng si Pati'y manaog sa bahay-sáyawan, upáng umuwi na sa bahay, ay nagkapalad siyáng mápasama rito, sa túlong at awà n~g kanyáng kaibigang si Tamád.

—¡Binibining Pati: ang tawag n~g binatà, nang silá'y nagsásarilí na sa gitnâ n~g dilím—¿magalit ka pô kayâ kung akó'y may sabihin sa iyó?

—Kung makagágalit pô ... ang tila pabiròng sagót n~g tinanóng.

Si Sawî ay napatigagál.

¿Paáno ang kanyáng gágawin?

¿Saán siyá maglúlusót n~gayón?

¡Natakpán ang bútas na kanyáng ibig paglagusán.

Maláong hindî nakaimík.

Sa haráp n~g ganitóng pangyayari, si Pati ay lihim na nápan~gitî:

—¡Talagáng singki n~gâ!—ang na wikà sa sarili.

Nang hindî pa rin humúhumá ang binatà ay si Pati na rin ang nagabaláng maglawít n~g silò.

—Ginoóng Sawî:—ang bun~gad—kung hindî pô akó namámalî ay tila nákita ko na kayóng minsán, bago kayó makaratíng sa aming pinagsásayawán.

—¿Saán pô?—ang patakáng saló n~g binatà.—¿Sa lalawigan kayâ, sa marálitâng lalawigan na aking kinákitaan n~g unang liwanag?

—Hindî pô, dito rin pô sa Maynilà ... aywán ko na pô lamang kung saán at kailán; n~gunì't nákita ko na kayó.

—Dakilà pô ang palad ko kung magkakágayón.

—Akó na n~gâ pô lamang yatà ang talagáng abâng-abâ, sapagkâ't nákita na'y hindî pa nápansín.

—¡Binibini! ... ¡Binibining Pati! ... ¡Hindî ko kayó nápansín? ¿Datapuwà't mangyáyaring kayó'y hindî ko mapansín?

—Talagá pông gayón na n~gâ lamang ang nan~gápakaliliít na paris ko.

—¡Napakaliít! ¿Paano pông mangyáyari, na, ang isáng pinaglílingkurán ay magíng maliít pa kay sa isáng naglílingkód?

—¿Pinaglílingkurán pô, ang sinabi ninyó?

Umandáp andáp ang pusò ni Sawî at nag-alaalang bakâ siyá ay nápapabiglâ na ... n~gunì't, ¡pag asa at lakás n~g loób! Ang napagdaanán na'y hindî na dapat pagbalikán. ¡Adelante! ang wikà n~gâ ni Golfin sa Marianela ni Galdós, ¡adelante, siempre adelante!

—Opò—ang patibay n~g walâng kagatólgatól ang dilà—pinaglingkurán pô, ang aking sinabi.

—¡Pinaglingkurán pô akó! at ¿nino pô?

—A ... a ... akó pô.

Si Pati ay lihim na nátawá.

Si Sawî ay lihim na nan~giníg.

—¡Lumálabis yatà ang kapan~gahasan ko?

At inantáy na sumagót ang dalaga, paris n~g pag-aantáy n~g isáng násasakdál sa pasiyá n~g isáng hukóm.

Ang palad ni Sawî, nang m~ga sandalîng yaòn, ay nábibitin sa m~ga labì ni Pati. ¿Anó ang itútugón sa kanyá? ¿Oo? ¡Oh, lan~gít! ... ¿Hindî? ¡Oh, kamátayan!

Si Pati, matapos mapindót ang sikmurà na sumásakitsakít din dáhil sa pinípigilang pagtawa, ay bumigkás n~g ganitó:

—Ginoóng Sawî: ¿kinúkutyâ mo pô yatà akó?

—¡Hindî pô; túnay na túnay pô ang aking sinabi. ¡Oh, kung mangyayáring mabuksán ang aking pusò!...

Patuloy ang kaniláng pag-uúsap.

Mulâ sa malayò, sa isáng pitak n~g lan~git, ay pumaibabaw sa tin~gín ang isáng anakì'y búndók na kakulay n~g usok, ang úlap, ang makapal na úlap, sugò n~g nagbábantâng ulán.

Noón, ang m~ga naglálakád ay kasalukuyang dumáratíng na sa tapat n~g isáng accesoria na nátitirik dakòng kaliwâ n~g maluwáng na lansan~gan n~g Azcárraga.

—Umakyát pô muna kayó—ang anyaya ni Pati sa binatà—maaga pa pô namán.

¡Maaga pa!

¿Maaga pa ang sabi n~g babaeng yaón, gayóng magíikaisá na sa hatinggabí?

¡Ibáng-ibá n~gâ namán ang m~ga babaeng Maynilà kay sa m~ga babaeng lalawigan! ...—ang náibulóng tulóy sa dî masiyaháng pagtataká sa gayóng náriníg.

Gayón man ay sinagót din n~g isáng taós na pasasalamat ang nag-áanyaya. At umakmâng tâtalikód na upáng umuwî sa kanyáng bahay; dátapwà't ¡pagkakátaón! noó'y bumubos ang ulán.

Isáng mapagtagumpáy na n~gitî, ang namulaklák sa m~ga labì ni Pati:

—¡Talagáng másisilò na ang ibon!

At mulî't mulîng inanyayahan ang binatà hanggáng sa itó'y matapos sa pagpapahinuhod:

—Yamang tulot mo pô ...—ang marahang sagót na bábahagyâ nang náriníg ni Pati.

Unang umakyát si Pati. Sa likurán niyá'y sumunód si Sawî.

Sa itaás n~g bahay, ang unang napansín ni Sawî ay ang maayos na m~ga palamuting doón ay nagsabit, ang m~ga kuadrong nan~gagpápan~gagáw sa inam, ang m~ga larawan, paisaje, at m~ga ibá pang sukat makaalíw sa tin~gín.

Isáng batàng paslít ang dinatnán nilá sa bahay na itó, na, utusán ni Pati.

—Bulilít—ang tawag n~g may bahay sa alilà, pagdatíng sa hulíng baytáng sa itaás—bigyán mo n~g silya ang tao.

Ang inutusa'y maliksíng tumupád.

Naupô si Sawî; at ang batà ay nawalâ sa kanyáng haráp.

Si Pati, samantalang pinagkúkurús n~g binatà ang dalawá niyáng kamáy sa pagkakaupô, ay pumasok sa silíd n~g bahay upáng ayusin ang kanyáng buhók na naguló sa bahay-sáyawan, at nang mulîng mapulbusán ang mukháng noó'y humúhulas sa agos nang pawis.

At bago lumabás ulî ay makailán munang binikásbikasan ang kanyáng bihis at itinanóngtanóng sa sarili kung ang ayos niyáng yaó'y sapát nang makapagpalundág n~g isáng pusò sa kanyáng kinalálagyán. At nang tila nasiyahán na ang loób ay sakâ pa lamang naupô sa isáng luklukang may gadipá lamang ang layô sa kanyáng panauhin.

¡Anóng pagkâgandágandá ni Pati noón sa malas ni Sawî!

—¡Oh—ang nawikà tulóy—magíng si San Pedro man na panót ang tuktók, magíng si San Juang mapun~gay ang matá't magíng si San Pascual na maamò ang mukhâ, sa haráp n~g ganitóng dilág ay sápilitáng mabúbuyó sa pagkakásal!

¡At siyá, siyá pa n~gâ bang isáng hamak na tao lamang ang hindî matuksó?...

—Pati! ¡aling Pati! ... ang sunódsunód na tawag na kasabáy n~g pan~gin~giníg n~g boông katawán.

Ang tinawag ay hindî sumásagót. N~gunì't nápapan~gitî n~g lihim, pagkâ't noón ay nahalatâ niyáng ang makamandág na init n~g kanyáng katawán ay tumátaláb na sa pusò ni Sawî.

At si Pati ay lumapítlapít pa sa kanyáng kausap, at nakatawa, nakasulyáp na sakdál n~g saráp.

Si Sawî ay lalòng nan~giníg.

Si Pati ay lalò pang lumapit sa kanyá, lalò pang nilambin~gan ang n~gitî, lalò pang pinun~gayan ang suliyáp.

Ibig nang tumakbó si Sawî, ibig nang sumigáw, ibig nang tumakas, upáng makailag sa tuksó.

¡Daráng na daráng na sa init!

N~gunìt noó'y siyáng pagdampî sa kanyáng kamáy n~g nagpúputia't m~ga tabas kandilàng dalirì ni Pati, at kasunód ang magiliw na usisà:

—¿Anó pô ang dináramdám ninyó? ¡nanglálamíg kayó!

—Opò ... opò ... nanglálamíg n~gâ pô.

At sabáy nagtindíg sa pagkakáupô, ibunukás ang dalawâng bisig at iginapos sa liíg ni Pati, at ang samòng namámasag ang tinig:

—¡Pati, Pati, patawarin akó...!


IV.


Mulâ nang unang gabí na kanyáng pagsamyô nang layaw sa kandun~gan n~g magandáng Pati, si Sawî ay nanumpâan nang magíng isá sa lalòng masikap na kampón n~g diosa Terpsícore.

Siyá'y isáng pusakál nang mánanayaw.

Ang m~ga aklát na dati niyáng kaulayaw pagdatíng n~g gabí, n~gayó'y siyáng m~ga matalik niyáng kaaway.

¡Ni isáng sulyáp man, ni isáng saglít pang pakikiníg sa kanilá!...

Ang lahát nang kanyáng panahón ay lúbusang ipanaubayà na sa m~ga alíw n~g sandalî.

At ang kanyáng káluluwá, parang isáng katawáng kulang at salát sa pagkain, untîuntî nang nanunsiyami, untîuntî nang nalúluoy, untîuntî nang naíinís sa dilím na noó'y bumábalot sa kanyáng maulap na lan~git.

At mulà noó'y walâ nang ibáng pinan~gápan~garáp kundî magpakalasíng sa paglagók sa alak n~g pag-ibig sa m~ga maninipis at mapupulâng labì n~g kanyáng marilág na Pati.

Si Pati, pará sa kanyá'y siyá nang lahát: pag-asa, ligaya, pag-ibig, kaluwalhatìan....

¡Oh, ang makamandág na binhî, ang pag-ibig sa isáng salaríng katulad ni Pati, ay lumagô at nag-ugát sa pusò ni Sawî!

Minsán, sa isáng pag-uusap nilá, ay malinaw na nápalarawan ang kadakilàan n~g kanyáng pag-ibig sa magandáng mánanayaw:

—Pati, Pati ko aniya,—¿tunay bang akó'y iyóng minamahál?

Si Pati, sa ganitóng kahalin~gán n~g binatà, ay minsáng namuwalan sa bugsô n~g isáng pagtawang inimpít.

—Sumagót ka, Pati ko, sumagót ka sana.

—Oo—ang bigáy-loób n~g mánanayaw—óo, Sawî ko, gíliw kong Sawî, minámahal kitá.

—¿Gaya kayâ n~g pagmamahál ko sa iyó?

—Higít pa; makálilibo pang mahigít. Iníibig kitá paris n~g pag-ibig n~g bulág sa araw, iníibig kitá paris n~g pag-ibig n~g isdâ sa tubig, iníibig kitá paris n~g pag-ibig n~g banál sa Dios. ¿Nasísiyahán ka ná?

—Pati, Pati ko. ¿tunay ang iyóng sinabi?

—Paris n~g katotohanang madilím ang gabí, may init ang araw, may lamíg ang buwan; paris n~g katotohanang akó ay may pusô, ikáw ay may atáy; paris n~g katotohanang ikáw ay maganda, akó ay pan~git.

—Pati, Pati ... at tinutop ang kanyáng dibdíb na tila ibig máwalat sa pitlág n~g pusòng noón ay dumanas n~g dî gágaanong alíw.

At bago pinigilan si Pati sa manipís niyáng baywáng, hinagkán sa noó n~g isáng matunóg at mahabàng halík at....

—Pati ko—ang turing—¿naríriníg mo ba ang masinsíng tibók n~g aking káluluwá? ¿Hindî? ... pakinggán mo: sinásabi niyáng ikáw raw ang kanyáng búhay, ikáw raw ang kanyáng ligaya, ikáw raw ang kanyáng lan~git ... ¿nálalaman mo na?

—¡Namán!

—At sinabi pa niyáng—ang patuloy ni Sawî na tila hindî pansín ang «namán» ni Pati—at sinásabi pa niyáng siyá ay nagtayô n~g isáng dambanà sa lalòng lihim na pitak n~g aking damdámin, dambanàng sinabugan n~g mapuputîng sampagita upáng suubín sa kanyáng mahinhíng halimuyak ang larawan n~g isáng babae, n~g isáng banál, n~g kanyáng magandáng Pati....


Ang lintâ, pagkatapos n~g isáng linggóng pananabíknabík sa dugô n~g kulang-palad na si Sawî, ay hindî na nakatiís.

—¡Dapat na siyáng magbayad!

At mariíng ikinápit ang kanyáng matatalím na n~gipin sa bulsáng saganà sa pilak n~g walâng malay na binatà:

—Sawî ko, gíliw kong Sawî, bigyán mo akó n~g limáng piso upáng máibilí ko n~g barò.

Ang hinin~gán ay latág ang palad na sumagót:

—Náritó, mutyâ ko, tanggapín ang hiníhin~gî mo.

Nagdaán ang unang araw; dumatíng ang ikalawá.

Ang lintâ, ang matakaw na lintâ, ay mulîng sumigíd na namán:

—Sawî ko, gíliw kong Sawî, bigyán mo akó n~g sampûng piso na máibilí ko n~g saya.

¡Sampûng piso na n~gayón!

Gayón man, si Sawî ay hindî rin tumanggí sa gayóng pag-íibayo n~g halagá. At....

—Náritó, mutyâ ko, tanggapín ang hiníhin~gi mo.

Nagdaán ang ikalawáng araw at dumatíng ang ikatló.

At ang lintâ, ang lintâng kailán ma'y hindî na yatà masísiyahán, noón ay pamulîng sumigíd na namán nang sigíd na lalòng mariín pa kay sa m~ga una, lalò pang malakás; at....

—Sawî ko, gíliw kong Sawî—na namán bigyán mo akó n~g dalawáng-púng piso na maibilí n~g sapín, pulbós, paban~gó, medias at....

¡Dalawángpûng piso na!

Dapuwà't si Sawî, ang magaràng si Sawî, ay dumukot pa rín sa kanyáng supot na malamán:

—Náritó, gíliw ko, ang sagót na namáng tila hindî pansín ang kanyáng pagkakápalaot—náritó ang hiníhin~gî mo.

At hindî sa lamán lámang humáhanggá ang kirót n~g m~ga kagát ni Pati, n~g lintâng si Pati, sa katawáng namúmutlâ na n~g binatà, kundî hanggáng sa m~ga butó pa, na pinagtiinán n~g kanyáng matatalím na n~gípin.

Minsán, sa kaniláng pagsasarilí, si Sawî ay nagpakasawàng magdampî n~g m~ga labì niyá sa m~ga namumúrok na pisn~gi ni Pati. Itó, pagkatápos maparaán ang gayóng kahiban~gán n~g binatà, ay tumanóng na may halòng birò:

—¿Iláng halík ang ibinigáy mo sa akin?

Si Sawî, lasíng sa m~ga sulyáp ni Pati, sa sin~gaw n~g kanyáng malusóg na katawán, ay sumagót na dî magkangtututo:

—Isá ... dalawá ... tatló ... apat ... sampú, labínglimá ... ¡marami! ¡¡maramingmarami!! ... aywán ko na ba kung ilán.

—Báwa't halík ay babayaran mo n~g piso.

—¡Piso!...

¿Saán hindî masasaid ang bulsá ni Sawî sa ganitóng pamamaraán ni Pati?

Ang bariles, punôngpunô man, pag hindî naampát ang paglabás n~g tagas ay dáratnán din n~g pagkatuyô.

At gayón ang nangyari sa kulang pálad na binatà: untîuntîng naubos ang yaman, baytángbaytáng na bumabâ sa kailalimang pinagháharìan n~g dilím, dilím n~g pananalát, dilím n~g karálitâan.

¿Anó pa ang kanyáng gágawín? ¿Man~gutang? ¿Magsanlâ? ¿Magpalimós?

Tila salun~gát sa pagkatao niyá ang m~ga ganitóng gawâ.

N~gunì't ¿paano si Pati? ¿paano ang kanyáng pag-ibig kay Pati? Mangyáyaring siyá'y uminóm n~g luhà, n~g sarilingluhà, bagamá't masakláp; mangyáyaring siyá'y magtiís n~g gutom; dapuwà't ¡iwan si Pati, iwan pa si Pati! ... Ang gayó'y tunay na dî niyá maáatím, pagkâ't si Pati ang kanyáng «pag-asa,» si Pati ang kanyáng «luwalhatì,» si Pati ang kanyáng «buhay,» si Pati ang araw n~g kanyáng káluluwá, si Pati ang init na nagbíbigay siglá, lakás at tibók sa kanyáng pusò.

¡Oh, si Pati ay isáng halaman at ang pusò niyá'y isáng halamanan!

At ang halama'y nag ugát at hindî na mangyáyaring bakbakín pa sa lupàng kinátutubùan kundî isásabog ang lupàng iyán; ¡at ang lupàng iyá'y ang pusò ni Sawî!

M~ga iláng araw nang siyá'y hindî sumísilay sa bahay ni Pati dahil sa dináranas niyáng pananalát. ¿Saán pa siyá magnánakaw n~g pilak na ikasúsunód sa pithayà n~g babaeng itó?

—¡Ah, mabuti ay magsanlâ na!

At nagsanlâ.

At naúbusan na namán.

Nan~gútang: naúbos din.

At nanghin~gî: gayón din.

—¡Oh! ¿anó pa ang aking gágawín?

¿Sumúlat sa kanyáng m~ga magúlang?

N~gayó'y walâ na siyáng amá, walâ na siyáng iná, ni kapatíd, ni kamaganakan. Lahát ay sumawà na sa kanyá. ¡Siyá'y itinatákuwíl n~g kanyáng m~ga pinagkákautan~gan n~g buhay!

¿At sinong banál na m~ga magulang ang hindî tátalikód sa m~ga anák na paris niyá?

Lusakin ang kaniláng dan~gál pagkatapos maubos ang pilak na kaniláng natipon sa tulong n~g tiyagâ at walâng humpáy na pakikiagaw sa masun~git na kabuhayan; kaladkarín ang kaniláng pan~galan sa lansan~gan, payurákyurakan sa bálana, ipakutiyâ-kutiyâ, ¡oh, anóng gaming-palà sa kaniláng pagmamahál!

At hindî pa rito lamang humáhanggá ang pagkapariwarà ni Sawî: mulâ nang siyá'y magkábaónbaón na sa utang, mulâ nang siyá'y magíng maghihin~gì, mulâ nang siyá'y magíng karumaldumal na pag-uugalì, ang m~ga dati niyáng kasama sa páaralán, ang m~ga dati niyáng kasama sa m~ga pasyalan, ang m~ga dating nagbíbigáy sa kanyá n~g pamagát na katoto, ay isáisá nang nan~gilag sa kanyá, isá-isá nang natakót, paris n~g paglayô't pan~gin~gilag sa isáng may sakít na nakaháhawa.

At lalò pa mangdíng nag-iibayo ang hapdî n~g m~ga ganitóng kasawîan kung siyá'y nakakasalubong sa daán n~g m~ga dating kakilala na pagkakákita sa kanyá'y walâ nang ibáng pan~gunang batì kundî ang isáng halakhák, ang isáng mutunóg na halakhák, ang isáng n~gitî, ang isáng mapagkutiyâng n~gitî; n~gitî at halakhák na kung minsa'y sinásabayán pa n~g isáng pagdalirì sa kanyá at n~g m~ga salitâng:

—Nariyán ang hampás-lupà.

Bawà't bigkás na ganitó'y isáng palasô namáng tumitimò't sumúsugat sa kanyáng pusò, sugat na labis nang hapdî sugat na labis nang anták.

—¡Limutin ko na kayâ si Pati! ... ang takót na naisanggunì sa sarili, nang minsáng siyá ay náhihigâ na.

N~gunì't ¡oh, pagkakataóng labis n~g sun~git!

Nang siyá'y na sa m~ga ganitóng paghahakà, ay siyáng pagkáriníg sa kanyáng pintùan n~g tawag n~g isáng boses na kanyáng ikinápaban~gon.

—¿Sinó?—ang tanóng sa tumawag.

At lumapit sa pintûan na noó'y minsáng bumukás sa tulak n~g dalawáng malakás na bisig.

—¡Si Tamád!—ang nasambitlâ agád ni Sawî nang mákita ang dumatíng.

El mismo, ang sagót n~g sinambít—akó n~gà.

Si Sawî, pagkakita sa taong itó na nagíng sanhî n~g kanyáng pagkakápalun~gì, ay minsáng dinalaw n~g poót, nan~gunót ang mapalad at mataás na noó, nanlísik ang dalawáng matá na nápatulad sa dalawáng apóy, at....

—¡Tamád!—ang sigáw na kasing-tunóg n~g kulóg—¡láyas, láyas sa bahay ko!...

Nágulat si Tamád.

¿Bakit gayón ang pagkakásalubong sa kanyá n~g dáting magiliw na katoto? ¿anó ang nangyari?

—¡Tamád! ang nárinig pa niyáng ulit ni Sawî—¡láyas, láyas sa bahay ko n~gayón dín!

Si Tamád, pagkaraán n~g sandalîng pagkakápamanghâ, parang kawal na pinagsaulán n~g ulirat, pagkaraán n~g unang ulán n~g punlông kaáway, ay patawá at paaglahìng tumanóng:

Chico, chiquito, ¿bakit ka nagkakáganyán?

—Tamád: huwág nang sumagót. Iwan ang báhay ko n~gayón din.

—¡Báh, kung akó'y walâng sadyâ sa iyó!...

—¿Sadyâ? ¿anông sadyâ pa ang sinásabi mo?

—Akó'y pinaparito niyá—ang matuling sagót n~g bugaw ni Pati—akó'y pinaparito NIYA, ang ulit pang nang-lalakí ang boses at sakâ minalas malas ang kanyáng kausap na tila bagá warìng sinúsukat ang kanyáng m~ga pananalitâ.

Ang dating namúmulâng mukhâ ni Sawî, noón ay namutlâ.

¿Sinóng niyá ang sinásabi ni Tamád? ¿Si Pati?

¡Oh, pan~galang walâng kasingtamís, Venus na walâng kasinggandá!

Nápansín ni Tamád ang ganitóng pagbabago ni Sawî, kayâ't nagpatuloy n~g pagsasalitâ.

—Akó'y inutusan niyá rito upáng sabihin sa iyóng ...—at ang patalím ay untîuntîng ibinaón sa pusò ni Sawî hanggáng sa itó'y dumatíng sa m~ga sandalîng humin~gî n~g tawad kay Tamád sa kanyáng pagkápabiglâ.

—Ipagpaumanhín mo, kaibigan, ang aking pagkakámalî: ¿anóng bilin niyá ang dalá mo sa akin?

At buông pananabík na inulit-ulit ang ganitóng tanóng:

—Ipinagbilin niyá sa akin ang paós at marahang paklí n~g inúusisà —na sabihin ko sa iyóng ikáw raw ay nagmámalakí n~gayón....

—¡Nagmamalaki!...

—Kung nálalaman mo kung gaanong luhà, ang itinapon ni Pati n~g dahil sa m~ga iláng araw na hindî mo pagdalaw sa kanyá....

—Luhà, lumuhà si Pati n~g dahil sa akin?

—Lumuhà n~g dahil sa iyó. Pagkâ't kung dî akó namámalî, ay ... tila, tila may hináhabol sa iyó.

—¡Ang puri niyá!—ang náibulóng ni Sawî sa sarili.

¡Puri! ... mainam na puri ang sa isáng talimusák.

Samantalang si Sawî ay natítigilan sa m~ga ganitóng pag-íisip, si Tamád, sa kanyáng sarili'y walâng hintô namán n~g kábubulóng:

—¡Talagáng martir n~gà ang binatáng itó! ¡iláng sun~gay ang na sa ulo niyá! ¡mahigít pa sa isáng demonio sa impierno!

Pagkatapos ay hinaráp na pamulî ang kanyáng dinalaw at ang m~ga hulíng bigkás:

—Sawî: bukód sa pasabi ni Pati, ay nárito ang isáng sulat niyáng ipinadádalá sa iyó....

At yumao nang walâng liwagliwag.

Nanabík si Sawî na binuksán ang liham.

Doó'y nabasa niyá ang sumúsunód:

Ibon ko:

Mag-iisáng linggó na n~gayóng akó'y inúulila mo sa laot n~g m~ga himutók at pagluhà. ¡Isáng linggóng hindî ka mákita, pará sa aki'y isáng linggóng pagkamatáy n~g Dios!

¿Nálimot mo na kayâ ang kulang palad na si Pati? ¿nálimot mo na kayâ ang abâng mánanayaw, pagkatapos manakaw ang kanyáng PURI? ¿nálimot mo na kayâ ang m~ga dakilàng sandalî na dinanas sa kanyáng piling? ¿nálimot mo na kayâ ang m~ga dampî n~g labì mong ibinakás sa aking m~ga pisn~gi, m~ga dampîng hanggá n~gayó'y nararamdamán kong wari'y nag aalab pa sa apóy n~g pag ibig? ¿nálimot mo na kayâ ang m~ga sandalîng sinamyô sa aking kandun~gan, sa nin~gas n~g aking m~ga suliyáp, sa lambing n~g aking m~ga n~gitî, sa tunóg n~g aking m~ga halík?

¿Nálimot mo na ba?

¿Nálimot mo na ba ang gabíng yaón na ikáw ay máhimláy sa m~ga bisig ko na, minsán, makalawá't maikatlóng AWITIN ang m~ga tagumpáy ni Kupido? ¿nálimot mo na ba ang sandalîng yaón na iyóng isinimsim sa m~ga labì ko n~g walâng kasingtamís na pulòt n~g pag ibig? ¿nálimot mo na ba ang m~ga sandalîng yaóng katasin sa m~ga labì ko ang alak na nakalálasíng ni Kupido?

¿Nálimot mo na ba?

¿Nálimot mo na ba ang m~ga sandalîng, sa bugsô n~g iyóng nag aapóy na damdamin ay sinabi mo sa aking: «Pati, ikáw ang pusò ko, ikáw ang buhay ko, ikáw ang diosa ko»?

¿Násaan ang pagtupád sa m~ga ganitóng pan~gakò?

¡Ay, Sawî! ¡ay, ibon ko! pumarito ka't sa lahát n~g oras ay bukás na áabutan mo ang haulang nagíng pugad n~g ating m~ga ginintûang pan~garap n~g ating m~ga ligaya't alíw!

ANG KALAPATI MO.


Si Pati, babaeng walâng káluluwá kundî pawàng lamán, ay nátutong magtirik n~g m~ga karayom sa m~ga talatang itó n~g kanyáng liham, m~ga karayom na siyáng dumurò at sumigíd sa hayop, sa maban~gis na hayop, na iníin~gatan in Sawî sa pusò: ang pag-ibig sa kanyá.

At noó'y isaisáng nagban~gon sa alaala n~g binatà ang m~ga gunitâ n~g nagdaán, parang m~ga patáy na sa tawag n~g Mánunubos ay mulîng nagsilabás sa hukay n~g libin~gan.

At ang ganid, ang ganid na alagà ni Sawî sa kanyáng pusò, ay minsáng nagban~gon, uman~gil, pumalág, hanggáng sa si Sawî ay mapatindíg sa pagkakáupò at ulit na masabing:

—¡Pati, Pati, papariyanán kitá!...


WAKAS.


Hating gabí.

Madilím, maulap ang lan~git, at ang han~gin na animo'y isáng mahabàng hinin~gá, ay kasalukuyang nagn~gin~gitn~git; kayâ't bawà't datnín n~g kanyáng malakás na hampás ay tumutunóg, umáan~gil na anakì'y tumátanggáp n~g isáng ubos diíng sampál.

Mápamayâmayâ'y bundókbundukang usok ang napatanáw sa malayò.

Makasandalî pa'y bumuhos ang ulán.

M~ga kulóg na nakabibin~gáw ang dumadagundóng sa lupà, at sa lan~git ay nagháhagarán ang matatalím na lintík na anakì'y m~ga gintông ahas.

Sa malapad na liwasan n~g Azcárraga, sa oras na itó ay isáng mahiwagàng naglálamay ang napamámasíd.

¿Sinó siyá?

¿Sinóng káluluwà ang matapang na naglálamay sa gitnâ n~g ganitóng sigwá?

Nagtútumulin sa kanyáng paglakad, tun~gó ang ulo, at walâng lin~góng-likód.

N~gayó'y dumáratíng na siyá sa tapát n~g bahay na nátitirik sa gawîng kaliwâ n~g líwasan. Sa bahay na itó'y walâng tumátanglaw kundî ang isáng ilaw na kúkutikutitap.

Hakbánghakbáng na lumun~go sa pintûang noó'y nálalapat pa ang dalawáng dahon, n~gunì't nang siyá'y nálalapit na ay siyáng pagkabukás nitó sa tawag n~g isáng nakatalukbóng na itím.

At isáng mukhâ ang sumilip doón, mukhâng babae, ¡ang mukhâ ni Pati!

—¿Pumarito pa kayâ?—ang tanóng sa mánanayáw n~g aninong tumawag sa pintô.

—Hindî na; marahil ay hindî, pagkâ't umúulán. Tumulóy ka.

Ang pinagsabihan n~g ganitó ay túluyang pumasok sa loób.

Samantalà, ang naiwan sa labás, ang unang násumpun~gán natin sa haráp n~g ganitóng námasdán, ay minsáng napakagát-labì at ang nagn~gán~galit na turing:

—¡Oh, tila dinadayà akó!

At sandalîng natigilan na áandáp-andáp ang loób.

¿Sinó ang kanyáng pinapasok? Kilos lalaki, lalaki sa kanyáng tayô, kilos at pan~gan~gatawan ... ¡Dinádáyà akó! ¡¡dinayà akó!! Pati, Pati, magbabayad ka, pagka nagkátaóng napatunayan ko ang aking panibughô!

At ipinatulóy ang kanyáng paglakad: sandalîng tumigil sa labás n~g pintûang pinasukan n~g unang nákita na natin, at pagdatíng doón ay marahang nakimatyág. Walâ, walá siyáng máriníg.

Minsáng itinulak ang pintûan, patakbóng pumasok sa loób, at hálos sa isáng lundág lamang ay dumatíng sa itaás n~g bahay.

Nang naroroón na'y isáng káluskusan sa may dakong silíd ang kanyáng náhiwatigan.

—¿Sinó ang nag-uusap na naririníg ko?

¡Tinig ni Pati ang isá at ang isá ay tinig lalaki!

—¡N~gitn~git n~g Dios! ... ¡tinátaksíl akó! ¡¡tinátaksíl akó!! ¡¡¡tinátaksíl akó!!!...

Ang katulad n~g isáng balíw na labnót ang buhók, nagaalab ang dalawáng-matá, na pumasok sa loób n~g silíd.

¡Oh, kataksilán!...

—¡Si Pati, sa piling ni Tamád!

Si Sawî (na dî iba't kundî itó ang dumatíng) sa haráp n~g gayóng pag-yurak sa kanyáng dan~gál ay biglâng dinatnán n~g isáng dilím n~g tin~gín.

Lumapit sa dalawá na bumubugá n~g apóy ang panin~gín, nanínindíg ang m~ga balahibong animo'y maliliít na pakòng nagtimò sa kanyáng balát, at bágo nilurhán sa mukhâ si Pati, nilurhán sa mukhâ si Tamád, at si Pati at si Tamád ay kapuwàng pinisíl sa liíg n~g tigisáng kamáy.

—¿Dios ko?—ang panabáy na sambit n~g m~ga sinakál.

Noón ay minsáng nabuksan ang m~ga labì ni Sawî, m~ga labìng nagdúrugûan pa sa baón n~g n~gipin, at ang matunóg na sigáw sa lalaki:

—¡Imbíl!...

At sa babae'y

—¡Magdarayà!...

Si Pati'y hindî nakahuma.

Si Tamád, na warì'y nadaráng sa alab n~g poót ni Sawî, ay umambâng tátakbó.

N~gunì't, ang malalaking dalirì n~g binatà ay lumatay noón sa mukhâ n~g bugaw:

—¡Anák ni Lusiper! ¿Ibig mong tumanan? ¡Ah, duwág!

—¡Patawad!...

—¡Patawad! ... ¿patawarin kitá pagkatapos dumhán ang pagkatao ko? ¿patawarin kitá pagkatapos na akó'y maibulíd sa impierno, pagkatapos na akó'y matuksó, at akó'y malinláng?

—Hindî na....

—Hindî na ... ¿hindî na, pagkatapos na akó'y masipsipán n~g katás, pagkatapos na akó'y maghirap, pagkatapos na akó'y mainís sa kandun~gan n~g babaeng itó?—at sabay itinurò si Pati, na noó'y nan~gan~gatál sa takót.

—At ikáw—ang pihit dito—na nagíng dahil n~g aking m~ga kasawîang dinanas; ikáw, na nagíng dahil n~g aking pagkakápalayô sa m~ga dating kaibigan; ikáw, na nagíng dahil n~g aking pagkakápalayô sa amá't iná, n~g pagbawî sa akin n~g kaniláng pagmamahál; ¿nasaán ang pusò mo upáng akó'y gantihín n~g ganitóng kataksilán? ¿Mainam na bayad sa pilak ko na iyóng nilusaw; mainam na bayad sa dugô ko na iyóng ininóm!

Si Pati ay nan~gín~giníg na sumagót:

—¡Patawarin!...

—¿Nálalaman mo, Pati—ang patulóy ni Sawî—nálalaman mo kung gaano ang nagíng halagá n~g pag-ibig ko sa iyó? Pilak, maraming pilak ... gintô, gintóng dakótdakót. Gintô't pilak na bawà't piraso'y nagkákahulugán n~g isáng sarong pawis, isáng sarong dugô n~g aking m~ga banál na magulang.

—¿At ang pan~galan ko—ang dugtóng na hálos mahirin sa nag úunaháng piglás n~g m~ga salitâ—ang aking pan~galang n~gayó'y siyáng hantun~gan n~g lahát nang pulà, n~gayó'y isáng sukal na kinaririmariman n~g lahát nang bibíg, paris n~g pagkarimarim sa isáng pusalì, sa isáng tambakan n~g mabahòng yagít? ¿saan mo inilagáy ang pagkatao ko?

Si Pati'y hindî sumasagót.

Nagpatuloy si Sawî:

—¡Ah, n~gayó'y lúbusan nang pinaníniwalàan ko ang sabi n~g m~ga páhayagáng sa m~ga palaisdâan (bahay-sáyawan) na nilalan~guyán mo ay walâng ibáng nápapansíng kundî pawàng isdâng kapak, isdâng pawàng kintáb n~g kaliskís ang námamalas sa labás, bago'y pawàng burak ang lamán n~g loób!

—¡Sawî, patawad ... akó'y walâng sala!

—¡Walâng sala! ...—at gumuhit noón sa gunitâ ni Sawî ang m~ga pamamaraáng ginawâ sa kanyá n~g mánanayaw, ang unang pagtatagpô nilá sa isáng handâan, ang pagkakádalaw niyá sa bahay-sáyawan, ang m~ga kasinun~galin~gang sinabi sa kanyá ni Tamád tungkól sa kabuhayan n~g babaeng itó, ang lahát n~g yaón ay napagkurò niyáng pawáng laláng lamang na iniumang sa kanyá, upáng siyá, tagálalawigang walâng kamalayán sa buhay-Maynilà, ay magiliw na pumasok sa lambát ni Pati, na gaya n~g isáng isdâ sa pabahay n~g baklád.

At lalò pang nag-alab ang kanyáng damdamin, lalò pang nag-ulol ang kanyáng poót; kayâ't sa isáng pag-lalahò n~g isip ay minsáng dinaklót si Pati sa kanyáng gulónggulóng buhók, at ang tanóng dito sa buháy na tinig:

—¿Walâ kang sala, ang sabi mo?

—Walâ, walâng walâ.

—¿At bakit, bakit walâ kang kasalanan sa aking pagkakapàlun~gi?

Si Pati, sa ganitóng tanóng, ay kimî at hálos pabulóng na sumagót.

—Pagkâ't alám mo nang akó'y MÁNANAYAW....


BAGONG PARE

NOBELANG TAGALOG

NI

Ros. Almario

KASALUKUYANG TINATAPOS SA LIMBAGAN


"Pinatatawad Kitá!..."

Nobelang Tagalog na ipinagbibilíng kasalukuyan sa lahát n~g Librería dito sa Maynilà, sa halagáng Isáng Peseta.

Maykatha: MATANGLAWIN.


Huling Habilin

(NOBELANG TAGALOG)

KATHA NI

Maximino de los Reyes.

Ipinagbibilí sa lahát n~g Librería buhat sa unang araw n~g Juliong papasok, 1910.