The Project Gutenberg eBook of Nang Bata Pa Kami

This ebook is for the use of anyone anywhere in the United States and most other parts of the world at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this ebook or online at www.gutenberg.org. If you are not located in the United States, you will have to check the laws of the country where you are located before using this eBook.

Title: Nang Bata Pa Kami

Author: Pura Medrano

Release date: October 10, 2004 [eBook #13686]
Most recently updated: December 18, 2020

Language: Tagalog

Credits: Produced by Tamiko I. Camacho, Jerome Espinosa Baladad and PG

*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK NANG BATA PA KAMI ***

[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is
marked as ~g.]
[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ay
hindi na ginagamit.]

PURA L. MEDRANO


NA~G BATA PA KAMI


PANGUNANG SALITA NI
Bb. Asuncion Palma


AT MGA KUROKURO NI
G. Ros Almario


AKLATANG BAYAN


I AKLAT
NG LUPON NG MGA PARALUMAN


1913

Imprenta Sevilla Juan Luna 601, Tondo Manila.


AKLATANG BAYAN

MGA AKLAT SA LIMBANGAN

Pura L. Medrano

EDENG II Bahagi n~g "NA~G BATA PA KAMI"


Julian C. Balmaseda

SA BAYAN NI PLARIDEL (tula)

HIMIG SILAN~GAN (tula)


Benito F. Urrutia

¿SINO A~G AMA KO? ¡PATAWAD!

BENY AT LILY


Ros. Almario

NANG AKO'Y MAMATAY,

BAGONG PARI


G. CHANCO

SA GITNA N~G LUSAK.



NA~G BATA PA KAMI


KATHA NI

Pura L. Medrano


PANGUNANG SALITA NI

Bb. Asuncion Palma

AT
PANGWAKAS NI

Ros. Almario


AKLATANG BAYAN.
I. AKLAT

NG

LUPON NG MGA PAKALUMAN


UNANG PAGKALIMBAG

MAYNILA, 1913.


IMPRENTA SEVILLA
al lado del Puente de Jose Manila



Talaan ng Nilalaman


LIHAM SA KUMATHA

I. Mga Ala-ala ni Manuel Kay Edeng

II

III

IV

V

VI

VII. Mga Ala-ala ni Edeng kay Manuel

VIII

IX

X

XI. Pangwakas

Ilang maralitang kuro

"AKLATANG BAYAN"


Asuncion Palma

Asuncion Palma



LIHAM SA KUMATHA


KAIBIGANG PURING;

Ikaw ay nagkamali, oo, nagkamali kang lubha sa pagpili ng maglalagay ng pang-unang salita sa iyong mahalagang aklat. Ako pa naman ang napita mo, akong batid mong pahat na pahat tungkol sa gawaing ito at bago pa lamang nakikisalamuha sa larangang ng panulat. Kaya't nang sabihin mo sa aking ako ang ibig mong maglagay ng pang-unang salita, ay nasabi ko sa sariling: "¿Kinukutya kaya ako o binibiro lamang niya?" Kundi lamang kita nakikilalang isang tapat na kaibigan, uliran sa pakikisama, at ako'y nananalig na wala kang pusong sukat ipang-api sa akin ay pinatampuhan na sana kita, sapagka't ¿sino ako upang siyang magbigay ng pang-unang salita sa iyong aklat? ¿Anong ayos pa o ganda ang maidaragdag ko sa iyong katha? Wala. Nguni't ang gawi hilig, kilos at damdamin ng dalagang pilipina. Sa pagmamahal ni Edeng kay Manuel, pagmamahal na binalot ng isang lihim na pag-ibig ay minsan mo pang naipakilala ang isang pitak ng kaluluwa ng dalaga ng ating bayan.

Sa wakas ay ibig kong masabi sa iyo na, sa pagkakalathala ng katha mong ito ay dalawang mahahalagang tagumpay ang iyong nakamit; tagumpay ng iyong sarili sa iyong pagka manunulat at tagumpay ng Aklatang Bayan sa pagka kasapi mo sa kanya.

Bumabati at nakikikamay.


ASUNCION PALMA.


Pura L. Medrano

Pura L. Medrano


I

MGA ALA-ALA NI MANUEL KAY EDENG.


—¿...?

—!...!

—¿Hindi mo na naaalaala?

Makinig ka't isa-isa kong ipaaalaala sa iyo:

Noo'y musmos pa tayo.

Musmos, oo; wala tayong kamalay-malay sa mga sigalot ng buhay; bago pa lamang tayong humahakbang sa unang baytang ng pag-ibig, at bago pa lamang tayong natututong sumunod sa itinitibok ng ating puso; nguni't hindi pa natin nakikilala kung ano ang pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig.

Ang bahay natin ay nagkakatapat halos, at isang hapong masaya ang langit na ikaw ay nasa bintana, ako'y nanungaw, at nang maino mong pinagmamasdang kita'y tumungo ka, tumungo ka't saka ngumiti ng lihim, bago itinaas ang mata at kiming sumulyap sa akin.

Sumandali tayong nagkatitigan at pagkatapos ay isang ngiting busog sa ligaya ang ipinahatid mo sa akin.

Ako'y nasayahan at naramdaman kong sumasal ang tibok ng puso at waring ako'y napa-angat sa aking kinalalagyan na di ko makuro kung bakit.

¿Pag-ibig na kaya ang kahulugan ng ngiting iyon? Kung pag-ibig ay ¿paano ko maaalaman? At sakaling pag-ibig na nga'y ¿ano ang maidudulot sa aking buhay? Ang sunod sunod kong tanong sa sarili.

Sa aking pagdidilidili'y naisip kong itanong sa iyo ang kahulugan ng ipinamalas mo sa akin; nguni't aywan kung bakit at hindi ko man lamang naipahiwatig sa iyo nang tayo'y magkausap. At ... ¿naaalaala mo ba ang ating pinagusapan?

Panay na kamusmusan; oo, panay na kamusmusan. Datapwa't nang tayo'y maghiwalay, nang ako'y pauwi na sa amin, ang puso ko'y naligalig at naramdaman kong may bagong damdaming tumubo sa lalong pinakalihim niyang pitak.

Buhat noon, saan mang dako ako mapatungo ay waring ikaw ang aking nakikita, at sa lahat ng akin gawain, sa pag-aaral, sa paglalaro, ay ikaw ang laging sumasaisip ko.

Kung gabi at ako'y nahihilig na sa hihigan, sa piling ng minamahal kong ama, ay lagi akong balisa, napipikit man ang mga mata ko'y gising din ang aking diwa.

At ilan pang araw na gayon ang aking dinanas.


II


Kami ng Nanay ko'y naparoon sa lalawigan ng hindi ako nakapagpaalam sa iyo.

Sa aming paglalakbay ay wala akong nakasama liban sa pighati. Hindi pa kami dumadating sa aming paparoonan ay ninais ko nang magbalik; nguni't kami'y nasa laot na, at dahil dito ano pa ang aking gagawin kundi ang magtiis. At nagtiis nga ako't nasabi ko tuloy sa aking sariling: "kay hirap pala nang malayo sa minamahal" Oo, mahirap nga. At sukat bang pati ng malamig na simoy ng dagat na dati kong kinawiwililihang sagapin ay kayamutan ko!

Makailang araw, kami'y nagbalik; gaya rin ng aming pagalis na hindi mo namalayan, at buhat sa "azotea" ng aming bahay ay natanaw kitang nakikipaglaro ng tubigan sa ating mga kababata.

Noo'y gabing maliwanag ang buwan at kayo'y nasa inyong bakuran.

Agad kitang pinaroonan. At nang ako'y iyong matanaw ay huminto ka sa iyong paglalaro, humiwalay ka sa mga kasama, dalidali kang naupo sa isang nakaalimbutod na ugat ng kahoy at saka nangalumbaba.

Naalaala ko ang aking pag alis ng walang paalam, at sisikdosikdo ang loob kong lumapit sa iyo.

Tumindig ka't tila hindi mo na ako ibig kausapin; at anyo kang aalis, nguni't napigilan kita at nang titigan ko ang mukha mo'y nabanaagan kong dumadaloy sa binurok mong pisngi ang luhang buhat sa iyong pusong naghihinanakit.

Ipinatalastas ko sa iyo na ang aming pagalis ay biglaan at ang aking pagsama'y sa kaibigan ng tatay ko na ang aking ina'y huwag mag-isa sa paglalayag. At palibhasa'y nahalata kong ayaw kang maniwala, ay isinamo kong ako'y iyong patawarin.

Sa aking pagmamakaawa'y nahabag ka. Pinaupo mo ako sa iyong tabi at matagal tayong nagusap.

—¿Pinatatawad mo ba ako?—ang una at kiming tanong ko sa iyo.

—Mamaya mo malalaman—ang tugon mo.

—Ayoko ng mamaya pa—ang malambing na ulit ko.

—Oo, pinatatawad kita—ang pangiting salo mo naman.

At ako'y natuwa nang gaya ng dati.

Nang gabing iyon ay marami kang sinabi sa akin gayon din ako sa iyo at kung hindi tayo pinagtuksuhanan ng ating mga kaibigang napatigil sa paglalaro ng tubigan ay hindi pa tayo magkakatapos sa paguusap sapagka't para tayong mga pinagpalang nagpapasasa sa biyayang hulog ng langit. ¿Hindi ba Edeng?...

At nagalit ka sa nagsipanukso sa atin, kaya't bubulongbulong kang nakyat at ako nama'y maligayang umuwi sa amin.


III


Kinabukasan.

Pagbabangon ko sa hihigan, ay una kong tinanaw ang durungawan ng iyong silid. Nakabukas ang isang dahon at nakita kong bihis ka na.

Noo'y mag-iikapito na ng umaga, oras ng pagpapasukan sa paaralan.

Sampung minuto pa ang dumaan bago ka lumabas sa pinto ng inyong bahay na dala mo ang iyong mga aklat.

Dalidali akong nanaog at hindi mo naino na sinundan kita hanggang makarating ka sa paaralan. Sa tanghali'y binantayan kita sa aming bintana hanggang makapasok ka sa inyong pintuan.

Gumabi.

Maliwanag din ang buwan.

Ang inyong looban ay gaya rin ng dating pinagsasadya ng mga kababatang kalapit-bahay, at nang marami ng nagkakatipon ay sinimulan ang laro. Ngayo'y patintero, mamaya'y takip-silim at bala nang maisip.

Ako'y nanaog upang makihalo sa inyo; nguni't nang naroon na ako't hanapin, kita, ay wala ka.

Kumaba na naman ang dibdib ko at aking isinaloob na ikaw ay nagtatampo pa sa akin, at dahil dito ay naitanong ko sa isang kapwa bata kung saan ka naroon.

—¡Hayún ay ... ayaw maglaro!—ang tugon sa akin.

Ako'y lumingon at nakita, kitang nakaupo sa hagdan ng inyong "azotea".

Linapitan kita't aniko'y:

—¿Bakit ka nakaupo diyan?

—Mangyari'y hinihintay kita—ang waring may lambing na sagot mo.

—¿Ayaw ka bang maglaro?-ang ulit ko na wala nang pangambang may hinampo ka pa sa akin.

—Maglalaro ako kung kasali ka—ang may ngiti mong salo.

—¡Naku!—ang pakunwa ko naman.

—Oo,—ang mariin mong agaw na parang ibig mo nang maghinanakit, kaya't sinagot kitang agad:

—Sa totoo man ó hindi ang sinabi mo, ay dapat mong malaman, na kung kaya ako naparitong maglaro ay dahil lamang sa iyo.

Tinitigan mo ako bago ka ngumiti ng ngiting may kasiyahang loob.

Tinawagan natin ang mga kasama at tayo'y tumayong pabilog at pagdaka'y sinimulan mo ang "Pepe-serepe" at....

¡Kay, pilya, pilya mo! sinadya mo pang ako ang mataya.

Pagkatapos ay nagtakbuhan kayong ako ang inyong kasunod.

Aywan kung bakit, at noo'y wala akong abutan sa inyo: kay tutulin ninyong tumakbo, para kayong mga ibon.

Sa ikatlong inanduyan ay nahapo ako at....

—Batugan, batugan—ang sigawan ninyong lahat.

Ako'y napahiya.

Naawa ka sa akin, at binulungan mo ako ng:

—"May mahuhuli ka na ngayon"—at saka patakbo kang lumayo. Nguni't ilang hakbang lamang ay tumigil ka na at hindi pa mandin kita nahahawakan ay sumigaw ka:

—"Nahuli ako, nahuli ako"—at idinugtong mo pa ng marahan ang ganito:—"Kaawaawa ka naman, tutubusin kita't pagod na pagod ka na".

Oo, patangpata na nga ako; danga't kasali ka, kundi'y umuwi na sana ako sa ikalawang takbuhan pa lamang.

Ang ating laro'y natapos ng gabing iyon, sapagka't sa nagsisunod na gabi'y panay na salitaan ang ating ginawa. Nguni't ¿ano ang ating napagusapan? ¿Panay pang kamusmusan na gaya ng mga unang araw?

Hindi na.

¿Nagkatalastasan na kaya tayo ng itinitibok ng ating puso?

¡Aywan! datapwa't buhat noon ay unti-unti na tayong lumayo sa, ating mga kababata, sapagka't palagi tayong pinagtututukso.


IV


Ang patintero, ang takip-silim at iba pang laro na napagpaparaanan ng mga bata ng masasayang oras ay hindi na natin muling naalaala, at ang ating paguusap sa inyong looban ay nalipat sa bulwagan ng inyong tahanan.

At isang gabi na kayo ng mga tatay mo'y nagpasiyal sa Sta. Cruz ay nakita ko kayo sa harap ng simbahan.

Noo'y del Pilar. Maraming tao, maraming marami. Ang mga periya'y nagsisikip sa nagsisipag baka-sakaling sa pagtaya sa iba't ibang sapalaran ay makatama ng relos, mañika at iba pa.

Sa liwasan ni Goiti, sa harap ng simbahan at ibang lansangan ay langkay langkay na nagsisipaglakad ang mga kawal ng pag-ibig, at ang mga binatang kaagapay ng mga binibini'y bubulong bulong na animo'y mga bubuyog kung dumadapo sa mababangong bulaklak.

Nakita ko nga kayo sa harap ng simbahan: ang tatay mo'y mayroong kausap at ikaw nama'y nagmamasid sa mga taong naglalakad.

At baga man ako'y papauwi na, ay hindi ako nagtuloy, linapitan ko kayo at matapos akong magpugay sa iyong mga magulang ay tinanong kita ng marahan:

—¿Kanina pa ba kayo rito?

—Oo,—ang sagot mo.

—¿Bakit ngayon ko lamang kayo nakita?—ang ulit ko.

—Mangyari'y hindi mo kami hinahanap—ang parang may tampo mong pakli.

¿Paano ko kayong hahanapin—ang salo ko naman—sa hindi ko naaalamang paparito kayo?

Ang tatay mo'y nagyayang makinig ng serenata. Tayo'y tumungo sa kinalalagyan ng bandang tumutugtog ng sari-saring opera at nang tayo'y naroon na'y bumili ako ng lansones sa isang magmamane sa tapat ng La Perla.

Inalok ko ang mga tatay mo't pagkatapos ay nilapitang kita, at:

—Ayoko—ang iyong pauna.

—¿Bakit, ayaw ka ba nito? ¿ano ang iyong ibig—ang malambing kong tanong sa iyo.

—Wala—ang iwas mo.

—¡Wala raw!—ang salo ko naman.

—Wala nga—ang patibay mong mali.

—¡Naku, ikaw naman! ¿Ano lamang eh? Sabi na, hale, sabi na.—ang magiliw kong samo.

—Kung alin ang masarap sa iyo ay siya mong bilhin at masarap din sa akin—ang pakli mo na sinundan ng ngiting puno ng saya.

At muli akong lumapit sa magmamane. Pumili ako sa isang bilao ng dalawang mansanas at pagkatapos ay ibinigay ko sa iyo ang isa.

—Iyan, iyan ang masarap—ang bigkas mong sabay sa pagtanggap ng mansanas.

—¿Totoo nga ba?—ang tanong ko naman.

—Oo, sapagka't hindi ka bibili ng hindi masarap at ang masarap sa iyo ay masarap din sa akin.

Katatapos mo pa lamang mag-salita'y siya namang pagpaparinig ng banda ng isang mainam na opera.

Habang pinakikinggang ko ang tugtuging iyon ay parang nananariwa sa aking gunita ang mga pangalan ng operang akin nang napanood at naalaala kong yao'y ang "Sandugong Panaginip".

—Hindi mo ba naaalaala ang tugtuging iyan?—ang tanong ko sa iyo.

—¿Hindi ba iyan ang "Sandugo"?—ang balik mo naman sa akin.

—Iyan nga—ang masaya kong pakli—at ¿hindi kaya natin sapitin ang naging hangga ng pagiibigan ni Tarik at ni Bitwin?

Hindi ka nakakibo, parang naumid ang iyong dila't namutla ka, sapagka't salitang pagiibigan ang iyong napakinggan sa aking bibig na tila baga tayo'y mayroon nang salitaan.

Nang mahalata kong hindi ka makapangusap, ako'y nagpatuloy sa aking pananalita: isinaysay ko ang napagsapit ng dalisay na pagiibigan ni Bitwin at ni Tarik, ayon sa aking nabasang argumento ng Sandugo at pagkatapos ay ipinahayag ko naman ang damdaming tumubo sa aking puso mula nang tayo'y bata pa at itinanong ko sa iyo kung yao'y pag-ibig na.

Palibhasa'y hindi mo rin ako sinagot, ay ako na ang nag-sabing PAGIBIG na nga at idinugtong ko pang "INIIBIG KITA".

Makailang araw ay nagbago ka: oo, nagbago ka. Ang masasaya mong ngiti'y bahagia mo nang ipamalas sa akin at sa nagsisunod na mga paguusap natin ay waring nabibigatang kang sumagot sa aking mga sinasabi; subali't nahalata kong nagtatampo ka't nalulumbay pa pag hindi kita nadadalao.


V


Baga ma't ang masasaya mong ngiti'y iyong ipinagkait sa akin, ay maligaya rin ako; oo, maligaya rin ako sapagka't nahalata kong tumutugon ka sa tibok ng aking puso. Nguni't ang aking kaligayahan ay naparam na animo'y aso sa bahagiang simoy ng hangin, sapagka't nalipat kami ng bahay at may nagsabi sa amin ng ako'y palaging nakakagalitan ng aking guro sa dahilan daw na ako'y madalas na hindi makalisyon, at, sukat bang ang tatay ko'y maniwala at ipinagbawal pa sa akin ang pagpapasyal...?

¡Oh! anong lungkot ko noon!... Kung nakilala ko ang dalahirang naghatid sa amin ng balitang iyon ay ... aywan: marahil ay inaway ko; oo, pagka't ng mga araw na iyon ay naghahari pa sa akin ang kainitan ng ulo.

Ang paghihigpit sa akin ng tatay ko'y hindi naman nag-tagal; ilang linggo lamang at ako'y pinahintulutan nang makapagpasyal na gaya ng dati.

Ako'y natuwa sapagka't madadalaw na namang kita; nguni't ¡naku! hindi naglao't nakita ko na ang katapal na dusang walang kasing laki ng aking katuwaan sapagka't nang ako'y paroon sa bahay na inyong tinirhan ay nakita kong naka-dikit sa nakalapat na pintuan ang isang papel na kinababasahan ng SE ALQUILA.

Ipinagtanong ko kayo sa mga kakilala; datapwa't walang nakapagsabi kung saan kayo nalipat. Ako'y bumalik sa amin at itinanong ko sa aking tatay kung saan kayo nakatira.

—Aywan ko—aniya—nagsi-alis ng hindi man lamang nakapagpaalam sa atin, sapagka't ang ama daw ni Edeng; ay dinapuan ng sakit, na pinakikialaman ng mga sanitario.

Ako'y nalungkot, hindi lamang nalungkot, nagtiis pa ako ng hirap sapagka't hindi ko maalaman kung saan kayo naparoon. Hindi ko maalaman kung saan kita susulatan.

At buhat noon ang puso ko'y naging laruan ng hirap. Natulad sa isang putol ng kahoy sa gitna ng dagat na sunodsunuran saan man dalhin ng alon.

At sa mga bayo ng sakit ay hindi ko naikubli ang akin pagtitiis. Nahalata ng aking mga kaklase sa Ateneo at sa isa sa kanila na nagngangalang Pedro Batobalani ay naipagtapat ko ang aking dinaramdam.

—¡...!

—Madalas ba rito ngayon at noon mo pang araw nakikilala?...

Ang binatang iya'y isa sa mabubuti kong kaibigan, siya ang umaliw sa akin at dahil sa kanya'y nagbawas ang aking pamimighati. Datapwa't hindi nagbago ang aking pag-ibig sa iyo at bagkus pang lumago at sa twing magugunita ko ang aking pagiisa, ay lalo pa akong nagsusumigasig sa pag-aaral sapagka't hindi nawalay sa akin ang paguusap na tayo'y magkikitang uli at maidudulot ko sa iyo ang aking napagaralan.


VI


Mahabang panahon ang dumaan.

At isang gabing ako'y naglalakad sa daang Azcarraga ay nabasa ko sa isang anunsiyong naka-dikit sa pader na tinatamaan ng liwanag ng ilaw sa lansangan, na ang pelikulang VIVIR PARA AMAR ay itatanghal sa Dulaang Zorrilla.

Ako'y napatigil at naibulong ko sa sarili ang ganito:

"VIVIR PARA AMAR" ¿Mabuhay upang umibig? ¡Oh ...! Panonoorin ko ang pelikulang ito at baka nakakamukha ng malungkot kong kabuhayan sa pag-ibig.

At dalidali akong pumasok sa dulang Zorrilla; nguni't pag-upo kong pag-upo sa aking luklukan ay siya namang pagka-tapos pelikulang "VIVIR PARA AMAR".

Ang mga ilaw ay nagliwanag. Ang mga mata ko'y aking pinagala sa loob ng dulaan, at ¡oh, anong pagkakataon! Sa palkong kapiling ng aking kinalalagyan ay may namasdan akong isang babaeng himala ng ganda. Sa biglang pagkakita ko'y hindi ko nakilala kung sino, datapwa't nang aking titigan ay nasayahan ang aking pusong kung ilan nang taong hindi hinihiwalayan ng lungkot at nanariwa sa aking gunita ang nakaraang panahon.

Nakikilala mo kung sino ang babaeng iyaon?...

Ang aking langit, ang aking paraluman, ang aking pag-asa, sa ibang salita'y ikaw, Edeng, ikaw na buhay ng aking buhay.

Sa aking pagkatitig sa iyo'y napatingin ka sa akin at nagtama ang ating mga mata.

¡Oh, anong ligaya ng dumalaw sa aking puso! Ang madilim kong hinaharap ay waring nagliwanag at parang may nakita akong landas na patungo sa kaluwalhatian ng aking pag-ibig.

—Maligaya na ako, maligaya na ako—ang bulong ko sa aking sarili—maligaya na ako pagka't siya'y nakita kong muli. Bukas, bukas na bukas ay paparoon ako sa kanyang bahay at sasabihin ko ang lahat ng hirap na aking tinitiis. Siya'y malulungkot, nguni't masasayahan agad pag sinabi kong naparam na ang lahat, pagka't ang ligaya ko'y ligaya rin niya.

Nguni't saglit pa lamang ang nakararaan ay binayo na ako ng dusa; oo, sapagka't napuna ko na ang iyong kapiling sa upo'y isang lalaking balingkinitan ang katawan at maganda ang tindig ... ¡Anong lungkot ng dumalaw sa aking kaluluwa ...! Ang mahahayap na palaso ng panibughong mapapahirap sa taong ninibig, ay sunodsunod na tumimo sa aking puso at dahil dito'y sinumpa ko ang muli kong pagkakita sa iyo.

Ang mga ilaw ay muling nangulimlim. Sa maputing kayong nakatatakip sa tanghalan ng dulaan ay itinanyag ang sumusunod sa pelikulang; "Vivir para amar"; nguni't natapos ng hindi ko nawatasan sapagka't hindi nawalay sa aking isipan na may kapiling kang lalaki sa inyong palko.

—¿Sino kayang lalaki iyaon? ang tanong ko sa sarili—¿Kanya kayang asawa? ¿kanya kayang katipan ó isang kaibigan lamang?

Ang mga ilaw ay muling nagliwanag. Nilingon kita sa inyong palko na parang isang hukom na nagmamasid sa mga salaring lalapatan ng parusa.

Sa paglingon kong ito'y muling nagtama ang ating mga mata at sa iyong titig ay waring nabasa ko na mayroon kang ibig sabihin.

Noon di'y lumipat ako sa inyong palko na nagpuputok ang kalooban sa akalang ang kahulugan ng titig mong iyon ay isang pag alipusta sa akin dahil sa ikaw ay mayroon nang asawa ó katipan: datapwa't ako'y namali sapagka't matapos tayong magkamay ay ipinakilala mo sa akin ang kapiling mong lalaki at noong ko natalos na asawa pala ng kapatid inong matanda, at pinagsisihan ko ang pagkakaroon ng maling hinala sa titig mong puno ng lugod.

Makailang sandali'y nanariwa sa aking alaala ang mga nakaraang panahon. Ibig ko na sanang noo'y itanong sa iyo kung ang aking mga hirap na tinitiis ay gagantihin mo ng walang hanggang kaligayahan, pagka't ibig kong noon di'y matalos kung ako'y mayroon pang pag-asa at kung maipagpapatuloy ko ang aking naipahayag sa iyo noóng tayo'y nakikinig ng serenata sa harap ng simbahan ng Sta. Cruz ... nguni't ako'y nagpigil alangalang sa iyong mga kasama.

Natapos ang palabas sa Cine.

Inihatid ko kayo hangang sumapit sa inyong tahanan at bago tayo naghiwalay ay nangako akong babalik kinabukasan.

Ng gabing yao'y hindi ako nakatulog boong magdamag at sa pag-asam ko ng bukas ay napagn~gitn~gitan ko ang aming orasan, sapagka't matay ko mang nasain~g magtumulin sa kanyang pagtakbo'y hindi nagbabago at para pang ako'y hinahamon sapagka't mapatayo ako't mapahiga'y napapakinggan ko ang nakamumuhi niyang tik-tak.

Sa pagn~gin~gitn~git ko ay walang nangyari at nagtagumpay din ang hindi mababagong lakad ng panahon.


Umaga.

Lalo pa akong nagdanas ng yamot sapagka't hindi ko kilala ang ugali ng iyong mga kasama sa bahay at nagalaala ako na baka kung dalawin kita'y hindi ka nila ipakausap sa akin at mawikaan pa ako pagtalikod ko, kaya't upang huwag magahis ng kainipan ay ginala ko ang lahat ng bahay ng aking mga kaibigan.


Gabi.

Pinagsadya kita. Wala ang iyong ina. Pinaharap ka sa akin ng iyong kapatid at matagal tayong nagusap, matagal na matagal. At buhat noo'y tatlong buwan na naman ang dumaan na hindi tayo nagkita, tatlong buwang panay na hirap para sa akin, bakit nadagdag pa sa dati ko nang tinitiis ang pagdadalamhati sa pagkamatay ng aking ama.

—¿...?

—Oo; kumulang humigit sa dalawang buwan. Nguni't isinulat ko sa iyo nang siya'y mamatay, ¿bakit hindi mo naaalaman?

—¡...!

¡Ah! Kaya pala ni ang sulat na padala ko sa iyo nang ako'y lumulan sa bapor na patungo sa bayan niyang kinamatayan ay hindi nagkaroon ng sagot, ay naparoon kayo sa Silangan. Datapwa't bayaan na natin ang kanyang pagkamatay at ibaling natin sa dati ang salitaan:

¿Naaalaala mo na ba ngayon, Edeng, ang mga araw na dumaan ng ating kabataan? ¿Ang puso mo ba'y gaya rin ng dati na may kalayaan sa pagtanggap ng pag-ibig? At ¿maitutuloy ko ba ang ipinahayag ko sa iyo noong tayo'y nakikinig ng serenata sa tapat ng simbahan ng Sta. Cruz?

—¡...!

—Bukas mo na ako sasagutin? ¿Baka hindi?

—¡...!

—Aasahan ko


VII

MGA ALA-ALA NI EDENG KAY MANUEL.


—Manuel, salamat sa pagpa-paalaala mo't nanariwa sa aking gunita ang ating kahapon: ang maligaya nating kahapon.

Naaalaala ko ngayon na isang araw ng linggong kulimlim ang araw ay naligo tayo sa dagat. Marami tayo, kasama natin pati mga pinsan kong babae na kababata rin natin.

Noo'y palaki ang tubig, ang pulo'y hindi natatanaw at upang marating natin nang walang sagabal ay nanghiram tayo ng isang malaking bangkang lunday.

—Sa bangka'y masaya tayong lahat, lalong lalo na ikaw at habang tayo'y nagpapaligid-ligid sa may pulo sa paghanap ng lugar na mababaw, ay itinuturó mo sa akin ang mga ibong nagliliparan sa kalawakan at ang mga isdang tulad nating malalaya't masasayang naglulundagan sa ibabaw ng tubig.

¡Kay saya saya natin! nguni't walang ano ano'y tumaob ang bangka; ikaw ay nagulat at kaming mga babae'y napatili ng malakas at makasandali'y naghalakhakan ang iba nating mga kasama. Ikaw ay nayamot sapagka't nahalata mong sinadya nila ang pagtataob ng bangka upang tayo'y pagalitin.

Ang tubig ay hanggang dibdib lamang, at makaraan ang ilang saglit, ang mga babae'y nagsamasama't ang mga lalaki nama'y nagtulong-tulong sa paglimas ng bangka; datapwa't ikaw ay hindi kumilos sa iyong kinatatayuan at waring galit ka pa.

Matapos nilang limasin ang bangka ay sila'y nagsipaglanguyan at kaming mga babae'y nagtimbulan at ikaw ay nagpakunwaring marunong lumangoy ng hampas tikin; datapwa't naino naming nakasayad ang iyong mga paa, at dahil dito'y pinagtuksuhanan ka't pinagsabuyanan ka namin ng tubig.

Nang may kalahati ng oras na tayo'y naliligo, ang mga pinsan ko'y nagyayang umahon.

Tayo'y lumulan sa bangka; n~guni't hindi ang pangpang ang ating tinungo, kundi ang libis at nang makita mong tayo'y nalalapit na sa baklaran ay nanginig ka; buhat sa ulo hanggang paa, sa takot mong baka doon ilubog ang bangka ay hindi maaari, ang langoy mong nalalaman.

—Ilubog natin ang bangka, isa, dalawa, tatlo.—Ang sabay halos na sigawan ng ating mga kasama.

—¡Ina ko! ang sigaw mong halos paiyak—¡Ina ko, ayoko, huwag!

Palibhasa'y patuloy ang pagbibiro ng ating mga kasama, ay nagsabi ka ng totoo, na hindi ka marunong lumangoy.

Makaraan ang ilang saglit ay nagyaya akong umuwi upang huwag malubos ang sa iyo'y pagtakot nila. At nang tayo'y nasa pampang na'y ibinalita sa atin ng isa ninyong alila na ang tatay mo'y nagagalit sa iyo.

Ikaw ay namutla pagka't ipinagbabawal sa iyo ang paliligo sa dagat ay sumama ka pa sa amin.

Sa inanyo mong kalunuslunos ay nahabag ako at nawika ko sa sarili:

"Kaawaawa naman, nagtiis na ng takot sa gitna ng dagat ay makakagalitan pa" At nang tayo'y papauwi na, ay sinabi ko sa iyong:

—Huwag ka nang maliligo sa dagat, sapagka't ipinagbabawal pala sa iyo ng iyong tatay.

—Oo, kung hindi ka na rin maliligo—ang sagot mo.

—Aba—ang salo ko naman—¿maaari bang huwag akong maligo sa ako'y may sakit at ang pagpaligo sa dagat ay nakagagaling sa akin?

—A, sa makatwid ay maliligo rin ako.

—Huwag, sundin mo ang iyong tatay.

—Oo, susundin ko siya kung sa inyong bahay ka maliligo.

—¿Bakit,—ayaw ka bang gumaling ako?

—¿Bakit ayaw?

—Gayon pala'y....

—Gagaling ka hindi man sa pagpaligo sa dagat. Pagkatapos ko ng "segunda enseñanza" ay magaaral ako ng "medicina" at ako ang magpapagaling sa iyo.

At samantala'y dumating tayo sa harap ng ating bahay. Ikaw ay nagtuloy sa inyo at ako nama'y sa amin. Ikaw ay sinalubong ng galit ng iyong tatay at ako nama'y ng maligayang ngiti ng minamahal kong ina.


VIII


Buwan ng Mayo.

Tayo'y malalaki na; ako'y mayroon nang labing tatlong taon at ikaw nama'y labing apat.

Ang ating kilos ay ibang iba na sa dati: hindi na tayo nakikipaglaro ng tubigan ni takip-silim; hindi na tayo nagbibiruan at para tayong matatandang formal na formal kung mag-usap; datapwa't batang isip pa rin tayo, kaya't ang ating napauusapan ay panay na kamusmusan.

Sa boong Maynila nang mga araw na yaon ay nagsalabat ang Santa Cruz de Mayo at sa gawing kaliwa ng bahay na aming tinirhan ay may isang lutrinang hari ng gulo sapagka't panay na mga batang lansangan ang nagsisiilaw, nguni't nang mga huling gabi, sa dakong pagtatapos ay lumalaki at humuhusay sapagka't pinakialaman na ng matatanda at nagpalaluan pa ang mga "Hermano Mayor."

Nang huling araw ng pagdiriwang sa Santa Cruz de Mayong yaon ay may namanhik sa aking tatay na ako'y maging Reina Elena. Ang tatay ko'y pumayag at kinagabihan, ang aming bakuran ay napuno sa mga batang manonood ng lutrina.

Nang hapon ng araw na yaon ay masayang masaya ang ating daan; tatlong banda ng musika ang nagtutugtugan sa harap ng bahay ng "Hermano Mayor" na hindi rin nalalayo sa ating tinitirhan.

Nang tumugtog ang ika anim; ang "Reina Sentenciada" ang "Haring Constantino", ang mga sagala't iba pa, ay isa isang sinundo ng tatlong bandang musica at ako ang ipinagpahuli sa lahat. Nguni't ako'y nagulat nang makita kong ikaw ang "Haring Constantino."

—Oy—ang bati ko sa iyo—¿bakit ikaw ang Hari?

—Mangyari'y ikaw ang Raina—ang sagot mo naman.

At tayo'y sandaling nagngitian, bago natin tinungo ang bahay ng "Hermano Mayor" at di naglao'y inilabas ang prusisyon.


Kay daming taong nanonood. Lahat ay humahanga sa naggagandahang mga sagala. Sa karamihin ng tao'y may ilang nanunumpit ng pabango na parang nasisiyahang kung may sagalang tinatamaan sa mata.

Ikaw ay galit na galit nang mga sandaling iyon.

—Pag ikaw ang sinumpitang bulong mo sa akin—ay pagtatatagain ko sila.

—Huwag—ang salo ko naman—huwag at baka ka nila pagtulungtulungan.

—Pag may tangan akong sable'y magsampu man sila'y hindi ako matatakot.

Bahagya mo pa lamang katatapos na mangusap ay siyang pagtama sa aking mata nang hindi ko na naaalaala ngayon kung tubig ó pabango na aking ikinapatili ng malakas at ako'y napapikit sa hapdi, Makailang sandali'y dumilat ako at ang una kong nakita'y ikaw na anyong mananaga.

—Manuel—ang sigaw ko—pabayaan mo sila.

Ako'y pinakinggan mo at nang humarap ka sa akin ay walang pinag-iwan sa isang haring maawain ang tingin ko sa iyo at nang ako'y lapitan mo ay binulungan kita ng gayari:

—Kamukhang-kamukha ka ng haring Constantino.

—¡Naku! nanunuya ka pa, ah.

—Sumama ka sa amin mamaya at ipakikila ko sa iyo ang larawang ibinigay sa akin ng amain kong pari.

—Sasama ako.

—Iyong makikita.

—¿Baka hindi?

—Oo, ipakikita ko sa iyo.

At isang oras pa ang dumaan bago ipinasok ang prusisyon.


Nang gabing yaon ay hindi ko naipakita, sa iyo ang larawan, sapagka't nang ipasok ang prusisyon ay dinala pa tayo sa bahay ng "Hermano Mayor" at doon ko naalaman na ikaw pala ang humiling upang gawing kang Haring Constantino.

—"Presentado, alsado"—ang biro ko sa iyo.

—Nagprisinta nga ako pagka't ikaw ang Elena at ibig kong mapanood ng mga tao na tayo'y mga hari kahi't na sa Santa Cruz de Mayo lamang.

—Hambog—ang biro ko pa.

Hindi ka nakasagot sapagka't inanyayahan tayong maghapunan ng "Hermano Mayor" at para pang sinadya na tayo'y pinagtapat ng upo, kaya't habang tayo'y naghahapunan ay kung makailan kong maino na nangungunot ang iyong noo.

Pagkatapos ng hapunan ay pinanood natin ang pagaagawan sa bitin at matigas kong katatawa, sapagka't sa gitna ng balag ay may isang malaking palayok na nakabitin at ang akala ng lahat ay matamis lamang ang laman datapwa't nang malaglag at pagdumugan ng mga bata'y naghalakhakan ang nagsipagbitin ng palayok na iyon at makailang sandali'y naghiwa hiwalay ang nagsisipag-agawan: may patakbong lumalayo, may nagkukusot ng katawan at may naglululundag na animo'y nagsasayaw sa pagka't ang palayok palang iyon, bago ibinitin, ay maghapon munang inilagay sa langgaman.

Matapos ang agawan ay umuwi tayo, datapwa't hindi ka nananhik sa aming bahay pagka't malapit nang tumugtog ang ika sampu at ibinulong mo na lamang sa akin na ipakita ko sa iyo ang larawan pagbalik mo sa susunod na gabi.


IX


Hinggil sa aming pagparoon sa lalawigan ay naaalaala ko na aking isinulat sa iyo, aywan lamang kung ang liham ko'y dumating sa iyong mga kamay ó kinusa mo ang hindi pagtugon, sapagka't namuti ang mga mata ko sa kaaantay ng iyong sagot.

—¡...!

—¿Hindi mo tinanggap? Marahil; datapwa't huwag mong sabihing hindi mo naalaman kung saang lalawigan kami naparoon sapagka't ang iyong tatay ay nakapaghatid pa sa amin hanggang sa sasakyan. Hindi maaaring hindi nasabi sa iyo, oo; hinding hindi.

—¡...!

—Hindi raw!... ¡Nakapagtataka! ¿Diyata't hindi man lamang nabanggit ng tatay mo ang bayan naming pinaroonan? ¿Diyata't hindi nasabi sa iyo, ni sa nanay mo?

Oh! Hindi nga marahil! Oo: sapagka't malapit, na ang akala ng iyong ama'y ako lamang ang kinagigiliwan mo ng mga araw na yaon at inalala niya marahil na masisira ang iyong pag-aaral ó susunod ka sa amin kung ipabatid sa iyo ang pinaroonan naming lalawigan.

Nguni't siya'y namali, kung gayon ang kanyang paniwala, sapagka't ipinatalastas man sa iyo ay hindi ka aalis ng Maynila, ni hindi masisira ang iyong pag-aaral dahil sa naiwan dito ang iyong langit, ang paraluman ng iyong gunita ... Huwag kang magkaila, huwag; mayroon akong katunayan....

Sinabi mo na may nagbalita sa iyong tatay na palagi kang nakakagalitan ng iyong mga guro sa dahilang malimit kang hindi makalisyon at dahil sa balitang iyon ay ipinagbawal niya sa iyo ang pagpapasiyal kaya't napaalis kami ng hindi mo naaalaman.

¿Totoo nga kayang ang paghihigpit ng iyong ama ang naging dahilan ng hindi mo pagkadalaw sa akin? ¿Hindi kaya totoo ang nabalitaan kong si Enchay na kababata natin, ang nagbawal sa iyo?

—¡...!

—Huwag kang magkaila at ipakikita ko sa iyo ang katunayan na si Enchay nga; huwag kang sumumpa at baka ka mapahiya sa dakong huli.

—¿...?

Kaylan ko natanggap ang balitang iyon at sino ang naghatid sa akin? Sasabihin ko sa iyo:

Nang kayo'y may tatlong araw nang nakalilipat sa ibang bahay ay may nagsadya sa amin na isang binatang balingkinitan ang katawan, mataas, malago ang buhok, matangos ang ilong at matingkad pa sa kayumangging kaligatan kulay at siyang nagsabi sa akin na si Enchay daw at ikaw ay nagmamahalan. Ako'y nagalit mandin at waring pati niya'y kinayamutan ko.

—¿...?

Aywan, hindi ko masabi kung nagalit nga ako at kung ako'y nagalit ay hindi ko masasabi ang dahilan, sapagka't nang mga araw na yao'y musmos pa ako at ang mga musmos ay madaling magalit at madali namang matawa. Makailang araw ay muli akong nakabalita na kayo nga ni Enchay ay nagkakaibigan at noon ako naniwala ng lubos sapagka't may isang linggo nang hindi mo ako dinadalaw, gayon ma'y hindi ako nagdamdam at sumulat pa ako sa iyo nang kami'y naghahanda ng paglalakbay sa Batangan.

Ang sulat ko'y hindi mo sinagot hanggang kami'y lumulan sa sasakyan, at iyo'y isang katunayan pa na talagang ako'y wala nang kabuluhan sa iyo ng mga araw na iyon.

Ang lungkot ko'y gayon na lamang, at lalong lalo na nang kami'y naglalayag, sapagka't nagunita kong sa lalawiga'y walang kasayahang gaya sa Maynila. Dito'y panay na kaligayahan ang aking naranasan; subali't doo'y panay na kalungkutan ang aking makakaulayaw sa araw at gabi.

Ako nga'y malungkot at napatulo pa ang aking luha. ¿Nguni't naroroon na'y ano pa ang aking gagawin!? ¡at mayroon man ay wala nang mangyayari!


Dumating kami sa Batangan.

Mahusay ang Panahon, ang langit ay maaliwalas at malamig ang amihan.

Noo'y linggo ng umaga at sa pantalan pa lamang ay sinalubong na kami ng aming mga kamaganak na doon nananahanan at kami'y dinala sa bahay ni G.X. na may dalawang anak na dalaga at kinagabiha'y hinarana kami ng mga binatang tagaroon at gayon din sa nagsisunod na gabi.

Ang lungkot kong nagsimula nang kami pa'y naglalayag ay naparam at nasabi kong "masaya rin pala sa lalawigan".

Datapwa't hindi naglaon ang aking kasayahan. Kami'y lumipat sa bukid dahil sa damdam ng aking ama at noon na na nagsimula ang pagkaulila ko sa lahat ng bagay at ang pagdama ko ng tunay na lagim sa buhay.

Naroon na'y ano pa ang gagawin kungdi ang magtiis! At nagtiis nga ako. Datapwa't nang may apat na buwan na kami roo'y inisip ng tatay ko ang kami'y bumalik sa bayan sa pagka't siya'y magaling na sa kanyang sakit at nagpapalakas na lamang.

Nang ipabatid sa akin ang kanyang tangkang iyon, ako'y lumigaya at nasabi kong wala nga palang hirap na di napapalitan ng kaginhawahan. Sa bayan, ¡oh, sa bayan! nororoon ang ligaya, doo'y masayang lahat ang tao; nguni't dito dito sa bukid ay bihira ang tao mong makikita na hindi dumadaing sa sungit ng palad na nagtataboy sa kanila sa kabundukan upang doo'y humanap ng ikabubuhay at sa gabi ay wala kang mapapakinggan kundi huni lamang ng libo-libong kulilig.

Makaraan ang ilang araw ay nilisan namin ang bukid.

Sa baya'y nadama ko ang aking kinasasabikan; ang ginhawa, ang kasayahan, at noon ko nawikang sa lalawigan pala'y maari ding mabuhay na gaya ng kabuhayan sa Maynila at higit pa, sapagka't bihira ang gabing walang harana, at madalas ang buencomer sa tabi ng ilog ó kaya'y sa palayan.

Nang may ilang araw na kami sa bayan ay nakatanggap ako ng isang sulat. Akala ko'y iyo at dali dali kong binuksan; nguni't nang tunghan ko ang lagda'y natalastas kong ako'y namali; sapagka't yaon pala'y kay Enchay, upang ipagbigay—alam sa akin na kayo'y magiisang dibdib pagkatapos ng iyong pag-aaral.

¿Ano ang dahila't ako'y sinulatan ni Enchay? ¿Pinasasakitan kaya ako?

Siya'y namali. Wala tayong salitaan nang kami'y paroon sa lalawigan. Siya, ni sino man, ay walang katunayang máihaharap na tinanggap ko ang iyong pag-ibig at ngayo'y hindi ko masabi kung sa pagiibigan ang ating napaguusapan noong araw at kung pagiibigan nga ay hindi ko rin masasabing inibig kita sa hayagan ó sa lihim man, sapagka't noo'y musmos pa ako at wala akong muwang sa ngalang pagiibigan. Nguni't kung ang mga pagkalungkot ko pag tayo'y hindi nagkikita ay nagkakahulugan ng pag-ibig ay ginanti ko ang tibok ng iyong puso. Nguni't ¿hindi ba't ang bagay na iyan ay nangyayari din naman sa magkaibigan na nagmamahalang parang makapatid?

Sakali mang hindi ako musmos noon at sinagot kita ng oo, ay namali siya, si Enchay sapagka't nang tanggapin ko ang kanyang liham ay nalimot ko na ang nakaraang panahon.

Kaya't nasabi ko tutoy sa sarili nang matapos kong basahin:

"¿At maano sa akin? ¿Mawawalan ba ako?"

Makaisang lingo'y na katanggap ako uli ng liham din niya'y at iba naman ang ibinabalita sa akin: ngunit ako'y tunay na nayamot pagka't bawa't talata'y may salitang napakarumi at kung isipisipin ko ang kahulugan ay sa akin patama. Gayon ma'y hindi ko sinagot, at ¿bakit ko sasagutin? Ay ¿di pinantayan ko pa ang baba niyang singbaba ng nakasusuklam na lusak?...

Ako'y hindi mataas magsalita. ¿Ano ang aking ipagmamataas sa ang uri ko'y mababa rin namang katulad ng iba? Datapwa't ang kanyang ginawa ay nakaririmarim na gaya ng pusali na amoy lamang ay nakasasama ng sikmura.

Hindi ko nga siya sinagot at siya'y pinatawad ko pa, at kung kami'y magkikita ngayon ay hindi niya ako kahahalataan ng sama ng loob.


X


Ang tatay ko'y lumakas.

Kami'y naparito sa Maynila, at ang una kong nabalitaan ay ang paglililo sa iyo ni Enchay na pinaglalaanan mo ng iyong karrera.... Huwag kang magkaila, huwag; may katunayan akong walang kasing laking kasinungalingan ang sinasabi mong hindi ako nawawalay sa iyong isipan. Huwag mong nasaing maikubli ang isang katotohanan.

—¡...!

—¿Sumusumpa kang totoo ang sinabi mo at ako lamang ang iyong iniibig? Ito nga namang mga lalaki, pag-ibig magsinungaling ¡inaku! hindi mo ako mapaniniwala ... Huwag kang magpumilit, huwag; at baka sabihin ko pang kaalam ka ni Enchay nang ako'y padalhan ng sulat....

At ... namula ka. May katwiran yata ako, ha, ha, ha.

—¡...!

—¿Wala? ¿Bakit ka namula? Talagang may sala ka.

—¡...!

—¿Namamali ako at iniibig mo pa ako hanggang ngayon?

—¡...!

—Sagutin ko kung may maasahan ka pa sa akin? Oo, sasagutin kita; datapwa't tugunin mo muna ako:

Ngayon ba't tinalikdan ka na ng pinaglalaanan mo ng iyong karrera ay akong ihinabilin mo na sa limot ang iyong pamamanhikan, akong pinagtangkaan mong malugmok sa hirap, sa pamamagitan ng dalawang liham na ipinahatid sa akin ni Enchay?

—¡...!

—¿Isinusumpa mong hindi ka kaalam? ¿Bakit niya naalamang lumigaw ka sa akin?

—¡...!

—¿Aywan? Wala kang pinag-iwan sa ilang taga bukid na nakikilala namin; huli na'y nagkakaila pa. At hindi ako nagtataka, sapagka't ang taong nagkukubli ng katotohanan ay talagang ganyan at matapang pa kung minsan, hindi yata?

¡Naku! kung gaya ng dati na tayo'y mga musmos, ay tatawagin ko ang ating mga kaibigan at sasabihin kong: narito ang bulaan, ang sinungaling, narito ¡itignan ninyo!

Nguni't napapalayo ako. Pagbalikan natin ang iyong tanong.

Manuel, tanggapin ang tungkos ng mga liham na ito at sa mga iya'y mababasa mo ang aking sagot ... Huwag mong buklatin dito, sa inyong bahay mo na basahin ... ¡Ah! Huwag sana, at kung may tutol ka'y sa ibang araw ka na parito....

Hindi kita itinataboy. Ibig kong umuwi ka na, sapagka't baka hindi ka magkapanahon sa pag-aaral ng ililisyon mo bukas.

—¡...!

—Itinigil mo ang pag-aaral buhat nang mamatay ang iyong ama at ang kapatid mong Juan na lamang ang pumapasok sa Sto. Tomas?

Sinayang mo ang panahon; nguni't may katwiran ka, may asawa na si Enchay ay ¿bakit ka pa magaaral, sa siya lamang ang pinaglalaanan mo ng iyong karrera?

—¡...!

—Ako raw at hindi si Enchay! Oy, manong matahan ka....

—¡...!

Uuwi kana? Mabuti nga't nang maalaman mo ang laman ng mga liham na iyan....

—¡...!

—Oo hanggang bukas.


XI

PANGWAKAS


Nang si Manuel ay dumating sa kanyang bahay ay ang pagbubukas sa, tungkos ng mga liham ang unang ginawa, at matapos basahin lahat ay nag-buntong hininga at nasabi sa sariling:

"Nahuli ako; nguni't iisa ang ipinahahatid kong liham ay ¿bakit naging tatlo...?"

Matagal na inisip kung ilan sulat ang naipadala kay Enchay nang sila'y nag-iibigan; datapwa't hindi maapuhap sa alaala na ang una'y sinundan pa ng dalawa.

Maging isa man o tatlo na nga, ay nahuli na siya ni Edeng at dahil dito'y nalungkot ng gayon na lamang.

—"¡Oh ...!" ¡Kahiyahiya kay Edeng!—ang bulong sa sarili—Isinumpa ko pa naman na liban sa kaniya'y wala na akong inibig at ipinagmatigas ko pang siya'y hindi nawawalay sa aking gunita ... ¿Ano kaya ang kanyang palagay sa akin ngayon ...? ¿Isang bulaan? ¿isang sinungaling?

At ang mukha'y tinutop ng dalawang palad na parang may kaharap na kinahihiyaan.


Ang sulat na ipinahatid ni Manuel kay Enchay ay talagáng iisa nga. Ang dalawang hindi niya makuro kung saan nagbuhat ay gawa ng isang binatang taga Batangan na nangingibig kay Edeng.

Isang buwan muna bago nalipat ng bahay sina Manuel, ang binatang iyon ay lumipat din sa bahay na kapiling ng tinitirahan nina Edeng at parang nahalinang inakit ng ganda nito sa gawang pag-ibig.

Noo'y nagdadalaga na si Edeng. At nang mahalatang ito at si Manuel ay waring nagmamahalan, ay nagisip ng daan upang magiit ang kanyang pagliyag.

Ang pagkakalipat ng bahay nina Manuel ay siyang sinamantala ng binatang iyon; nakitulong sa paglululan sa karreton ng mga kasangkapan at dahil dito'y kinagiliwan ni Don José at ni Aling Mirang na mga magulang ni Manuel.

Nang gabi rin ng araw na iyon at samantalang sina aling Mirang at ang kanilang mga alila'y naghuhusay ng bahay, si D. José ay kaniyang kinausap at ibinalita na si Manuel ay malimit na hindi makalisiyon, kaya't palagi daw na nakakagalitan ng mga guro, at nang sina Edeng ay patungo sa lalawigan ay sinulsulan si Manuel na lumigaw kay Enchay.

Ang binatang iyon ay nagaaral sa paaralan ng mga Heswitas at nang dumating ang bakasyon ay umuwi sa Batangan at si Edeng ay makalawa sa isang lingong pinagsasadya sa bukid.

Sa kanilang mga paguusap ay naino niyang si Manuel ay hindi nawawalay sa alaala ni Edeng, kaya't gumawa ng lahat ng paraan upang malimot ang binatang nagtitiis ng hirap sa pagkaulila sa kaniyang nilalangit.

Nang buksang muli ang mga paaralan ay lumuwas dito sa Maynila at nang mga araw na yaon ay noon naman tumanggap si Edeng ng dalawang liham ni Enchay.

Si Manuel at si Enchay ay nagkaibigan nga, datapwa't hindi naglao't ito'y umibig, sa iba. At nang ikakasal na sa kanyang bagong kasi ay ipinamanhik sa ating binata na isauli kay Manuel ang isang liham na kanyang tinanggap; nguni't ang liham na iyon ay hindi dumating sa kinauukulan.

Nang sina Edeng ay lumuwas dito sa Maynila ay ibinalitang agad ang paglililo ni Enchay at si Manuel daw ay may bagong nililigawan.


Isang pagkakataon. Ang dating magkakilala'y nagkita sa teatro, at kinabukasan ay matalastas ng ating binata ang patatakpong iyon sa dulaan, sapagka't ibinalita ni Edeng.

Ang ating binata'y dalidaling nagpaalam upang ang liham ni Manuel kay Enchay ay dalhin sa isa niyang kakilala na mahusay humuwad ng mga titik, upang magpagawa ng dalawa pa, na iba naman ang nilalaman sa tunay na liham ni Manuel.

At gayon nga ang nangyari.


Nang gabing si Manuel ay umalis sa bahay ni Edeng, na taglay ang tatlong liham, ang ating dalaga'y nilapitan ng kanyang ina:

—Edeng—ani aling Juana—¿Ano ang pinaguusapan ninyo ni Manuel?

—Wala po—ang tugon ni Edeng.

—¿Wala? ¿Akala mo yata'y hindi ko naaalaman ang dahilan ng pagparito ni Manuel? Natatalastas ko na siya'y nangingibig sa iyo noon pang araw at pagiibigan ang iyong pinaguusapan.

—Hindi po nanay. Ang napaguusapan po nami'y ang pagpapatintero, ang pagtatakip-silim at iba pang laro nang bata pa kami.

—Huwag kang maglihim. Magsabi ka nang totoo kung ibig mong huwag akong magalit at kung ibig mong mahalin kita ng higit pa sa rati.

—Totoo pong wala kaming napaguusapan tungkol sa pagiibigan.

¿Diyata'y hindi ka magsasabi ng totoo?... Sabihin mo ¿ano ang inyong pinaguusapan ni Manuel ¿Bakit napaparito gabi gabi?

Si Edeng ay hindi sumagot, ang ina'y nagalit at nagpatuloy:

---¿Ano ang laman ng sulat na ibinigay mo kay Manuel?...

¿Ayaw mo akong sagutin?—ang ulit ng ina na lalo pang galit—¿Ano ang laman ng sulat na ibinigay mo kay Manuel?... Hindi mo ba nalalaman na ang binatang iya'y mason ¿Hindi mo ba nalalaman na ang mga mason ay eskumulgado at ang nakikipagkaibigan sa mga eskumulgado'y walang kaligtasan?

—Hindi po.

—Nguni't ngayong naalaman mo na, ay ayokong siya'y kakaharapin mo at pagparito uli ay sasabihin kong huwag na siyang magpaparito sa ating bahay, naaalaman mo?

-Opo.

Si Aleng Juana'y isang babaeng may mabuting puso at mainam na makipagkapwa tao, datapwa't totoong napakabanal at ito ang tanging maipipintas sa kanya.

Si Manuel ay dati niyang kinagigiliwan at natuwa pa nang mahalatang nangingibig sa kanyang bunso; nguni't nang huling gabi ng paguusap nina Edeng ay nakatanggap ng isang kalatas na hindi malaman kung kanino galing, kalatas na nagbabalitang si Manuel ay mason; at dahil doon ay kinapootan ng gayon na lamang. Kung ang balitang yaon ay natanggap nang unang gabi nang pagkikita nina Edeng sa dulaan, ay natira na lamang sila marahil sa pananabik sa mga pagkakataong ikapagkakausap.


Ang pinto ng tahanan ni aling Juana ay nakapinid para kay Manuel; subali't bukas sa binatang makikilala natin sa susunod na bahagi at dahil dito'y palaging malungkot si Edeng; sapagka't sa mula't mula pa'y tinubuan ng wagas na pag-ibig kay Manuel, at hindi na wawaglit sa kanyang isipan ang maligayang panahon nang sila'y mga bata pa.

Datapwa't nang sila'y magkita't magkausap ay hindi nagpahalata kay Manuel, dahilan sa mga balita niyang natanggap. At kung tunay na siya'y inihabilin na nga sa limot ng binatang minahal sapúl pagkabata, ay handa namang taglayin hanggang sa libingan ang pag ibig na namumugad sa kanyang puso.

Si Manuel ay gayon din. At kung nangibig man kay Enchay ay dahil lamang sa sulsol ng isang kaibigan at upang may mapagparaanan ng panahon.

Bagama't si Edeng at si Manuel ay hindi nagkakausap ay nagkakatalastasan naman sa pamamagitan ng mga liham at pawang maligaya sapagka't alam ng bawa't isa na wagas na pag-irog ang katapat ng kanilang walang kasinglaking pag-ibig at may pag-asa sa isang nakangiting hinaharap at sa luwalhati ng kanilang lihim na pagmamahalan.


WAKAS.

Tundo, Sept. 5, 1913.


Ilang maralitang kuro


Aling Puring:

Noong isang linggo pong ako'y dalawin ng maingat kong manggagamot, ay tatlong mahalagang bagay ang ipinagbilin sa akin: "Huwag kang magbabasa—ang wika—huwag kang magiisip, huwag kang magsusulat". Sa mga tagubilin niyang ito ay sandali akong natigilan, bago marahang nakasagot ng "opo". Mangyari'y kasalukuyang binabasa ko pa naman noon ang inyong mahalagang aklat kaya't sa isipan kong hapo'y buhay na buhay pang gumagalaw ang mga larawan nina Edeng at Manuel, at waring sa aking pangdinig ay humahayuhay ang kanilang matatamis na bigkas, mga bigkas musmos na naghihiwatig ng dalawang pusong nasasaputan pa ng kawalang malay, ng kulay na puti ng mga kaluluwang di pa napupukaw ng mapangligalig na araw ng buhay.

Dahil dito'y sasandaling nakapanira sa alaala ko ang mga tagubilin ng aking manggagamot. At babahagya pa siyang nakalalayo sa amin, ay muli ko na namang kinuha ang inyong nabitiwan kong aklat upang ipatuloy ang pagbasa. Naraanan ko ng buong lugod ang mga talatang naglalarawan ng mga "kamusmusan" nina Edeng at Manuel, ang matatamis na sandaling yaon ng kanilang paglalaro ng mga larong ganap na tagalog gaya ng taguan, piko-piko, tubigan, at dumating ako sa mga talatang ang dalawang musmos ay unti-unti nang nangasisipasok sa mapanghalinang "buhay ng damdamin". Pagdating ko rito ay lalong nagulol ang pagkagiliw ko sa aklat kaya't buong pananabik kong sinundan si Edeng at Manuel hanggang sa makarating sa huli.

At ¿ano ang naging kuro ko pagkatapos ng pagbasa?

Huwag ninyong sapantahain na ang sasabihin ko'y likha lamang ng ating pagkikilalang matalik; hindi po, sapagka't labis kong natatalastas na ang isang "epiloguista'y" hindi kaibigan ng sino man, kundi isang kapangyarihang "nagpaparusa" sa may sala at nagbibigay ng gantingpala sa mga magalangin sa kanyang mga batas.

Narito po ang maralita kong pasya:

Na, ang inyong aklat ay busog na busog sa mga kagandahang dapat taglayin ng isang nobela: luwag sa pananalita, ayos sa pagsasalaysay at taas at linis sa mga isipan. Ang kabuuan ng aklat ay maiwawangis sa isang halamang hitik sa mga bulaklak ng pusong tunay na tagalog, pusong gaya ng kay Edeng na pinagtipunan ng yumi at hinhin, ng hinhin at bait, bait at hinhing aring ari lamang ng mga dalaga sa lupaing ito.

Kung ang lahat ng mga aklat na susulatin natin ay maitutulad sa aklat na ito—aklat na naglalarawan ng isang buhay at mga pangyayaring may tatak tagalog, tagalog na uri't lasang tagalog din ay hindi sasalang sa araw ng bukas ay buong dangal na nating masasabi na may wika tayong talagang sarili at damdami't diwa na ating atin din.

Aling Puring: sa wakas ay ipahintulot ninyong umasa ako ngayon pa, na sa mga papuring nasabi ko na rito sa inyo! ay mairaragdag sa mga hinaharap na araw itong mga sumusunod: ORIGINALIDAD sa pananalita at liwanag sa paglarawan.

Ros. ALMARIO.


"AKLATANG BAYAN"

LUPON NG MGA PARALUMAN.

Asuncion Palma

Asuncion Manahan

Emiliana Santos

Engracia Jacinto

Dolores Chanco

Dolores Medrano

Isidra Reuto

Pilar Navarrete

Pilar Reuto

Pura L. Medrano

Silvinia Chanco

Victoria Santos


PAMUNUAN

Pura L. Medrano, Pangulo

Asuncion Palma, Kalihim

Dolores Chanco, Ingat Yaman