[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is marked as ~g.] [Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ay hindi na ginagamit.]
Ang bayan n~g S. José at kanyáng m~ga nayon n~g lalawigang Morong ay balot katahimikan at ang kadiliman ay naghahari sa m~ga lansan~gan, kaparan~gan at m~ga bulu-bundukin.
Waláng gumagambalà sa piping kapanglawan n~g gabing nangyari ang simulá n~g kasaysayang itó, liban sa tilaukan n~g m~ga manok na nagsasabing ang sandalíng iyon ay hating gabi.
Walang anó anó, sa gitnâ n~g katahimikan ay nadin~gig ang yabag n~g isang kabayo sa may hulo n~g nayong Masantol na nalalayo sa bayan n~g may m~ga limang libong dipá.
Ang takbong matulin n~g kabayo'y humina n~g nalalapit na sa nayon, at n~g natatanaw na ang unang bahay ay huminto at ang nakasakay ay lumunsad.
Kung pagmamalasing mabuti ang anyo n~g naglalakbay na iyon sa hating gabi ay makikita, na, siya'y isang binatang lumabás pumasok sa dalawang pu't dalawang taon; ang kanyang pagmumukhang nasan~gag sa init n~g araw ay nagpapahayag n~g isang kalamigang loob na may halong katalaghayang makaaakit sa sino mang makakaharáp; datapwa't ang kaniyang magandang tindig, ang anyo niyang banayad at ang kaliwanagan n~g kaniyang noo na wari'y nagsasabing hindi naugali sa pagyuko, ay nalalaban mandin sa kanyang kagayakan na binubuo n~g isang mambisa at pantalong kulay abó, salakót na may palamuting gintô at pilak, botas de montar, espuelas na pilak, isang balaraw, dalawang revolver sa magkabilang baywang at isang rifle.
Nang makahinto na't maitali ang kabayo sa isang puno ay pinagduop ang dalawang kamay sa labi at ginayahang makaitló ang huni n~g bahaw.
Hindi pa man halos napapawi ang tunóg n~g huni'y nagban~gon ang isá katao sa isang buntón n~g yagít na nalalayó n~g may m~ga dalawang pung hakbang ang agwat sa kinatatayuan n~g ating binata.
—Bigyán pó ni Bathala n~g magandang gabí ang aking kapitán—ang bati n~g buman~gon sa buntón n~g yagít.
—¿Anó ang balita, kaibigang Patíng?
—Kung sa balita po'y marami, n~guni't kakaunti na ang panahón; kung ibig mo pong masunód ang iyóng han~gád ay kailan~gang makarating tayo n~g bayan sa loob n~g isang oras.
—Kung gayón ay may panahón pa akóng magpahin~gá n~g kaunti at maisalaysay mo namán sa akin ang lahat n~g namatyagán sa bahay na pinabantayán ko sa iyó. ¿Nakahandá na bang lahat nang tao?
—Opo.
—Kung gayón ay umupô muna tayo at ipagsabi mong lahát ang nalalaman.
Ang dalawá'y nagtigisang putol na kahoy at nan~gagsiupo sa tabí n~g isang puno n~g mangáng kalapít.
—Ang una ko pong ginawâ ay ang makituloy sa kalapít bahay ni tininting Moneng at mula roon ay minatyagán ko ang m~ga nangyari. Nakita ko pong sa maghapong araw ay walang hintô ang paghahanda at pagyayao't dito n~g m~ga dalaw at kamag-anakan n~g dalagang ikakasal; n~guni't ang binibini natin ay miminsang lumabas sa kaniyang silíd at n~g makita ko'y may bakás na luhá ang m~ga pisn~gí at ang namumugtong m~ga matá ay nagpapahayag n~g malaking kadalamhatian. Sa pamagitan n~g may ari n~g baháy na aking tinuluyan, na gaya n~g pagkaalám mo'y aking hipag, ay pinadatíng ko sa dalaga ang sulat mo pong ipinabigay at inantabayanan ko ang sagót. May m~ga isang oras at kalahating nagantay, bago ko nakitang nabuksán ang bintana sa silíd at may isáng maputing kamáy na naghulog n~g kaputol na papel na aking pinulot at binasa. Ang napapalaman ay ganito: «Ikaw na wari'y nagdudulot sa maralita kong buhay n~g isang maligayang lunas ay pinasasalamatan ko n~g labis, n~guni't ... ¡ay!... mahirap n~g mangyari ang maiwasan ko pa ang hulíng sandalíng ikapupugtó n~g aking pagasa. Gayón ma'y maraming salamat» Matapos kong mabasa ang sulat ay inihanda ko na ang lahat n~g tao at pinagbilinan n~g m~ga gagawing alinsunod sa utos mo.
—Mabuti kung gayón.
—N~guni't ipahintulot mo po sa akin ginoong kapitan ang isang tanóng.
—¿Anó iyon?
—¿Ano't hindi pa po natin utasín ang taong nakukulong sa ating yun~gib?
—¡Matandang Pating! ang buhay n~g taong iyan ay mahal sa akin—ang sabing matigás n~g ating binata—at ang sumalíng sa kahit isá niyang buhók ay magkakamit n~g kaparusaháng ikadadala sa boong buhay. ¿Nalalaman mo kung sino ang taong iyán?
—Patawarin mo po akó capitán sa aking sinabi sapagka't ang nagduyók sa akin sa pagtuturing ay ang han~gad na mawalán tayo n~g isang binabantayan at ikaw po namán ay maalisan n~g kagambalaan.
—¿Alam mo ba matandang Patíng kung bakit ako nápalulong sa pamumuhay na itong lubhang maligalig?
—Hindi po; at wala akong nalalaman, liban sa, ikaw po'y nakisama sa amin at n~g mahuli ni Villa-Abrille ang ating pámunuang si Tankád ay ikaw ang kinilalang kapitan n~g lahat n~g tao.
—Kung gayo'y pakingan mo at itaním sa puso ang aking isasalaysay.
Munting huminto ang nagsasalita; at n~g matapos na mahaplós ang kaniyang noo na dinalaw mandin n~g isang pag-uulap ay itinuloy ang pagsasaysay.
—Ako'y anak n~g isang dukha sa bayan n~g X ... at ang kabataan ko'y nan~gabay sa maralitang tahanan, na, kahit dampá ay hindi sinisilayan kailan pa man n~g kahapisan, sa pagka't ang kaligayahan nang isang tunay na pagmamahalan ni ama't ni ina'y siyang tan~ging naghahari sa aming kubo. Datapwa't sumapit ang isang araw, ako niyon ay may labing dalawang taon na at marunong n~g bumasa at sumulat n~g kauntí, na si ama'y nagkasakit at sa dahiláng kami'y mahirap ay inutusan si ina na sin~gilin sa isang nagn~gan~galang kapitang Tiago, ang kulang sa kabayaran n~g dalawang pung kabang palay. Si ina'y umalís sa amin n~g magtatakipsilim at tumun~go sa bahay n~g mayamang sisin~gilin, n~guni't nakatugtog na ang ánimas ay hindi pa dumárating kaya't sa kainipán ni amá'y pinasalunuan sa akin. ¡Oh! n~g ako'y papanaog na sa aming bahay ay siyáng pagdating ni iná, na humahagulgol at ang pananamít ay halos gulagulanit. Aywan ko kung anó ang nangyari, n~guni't n~g dumating ay napaluhód sa harapan ni tatay na kasabáy ang sigaw na: «Ayokong pumayag, ayoko, datapwa't pinagtulun~gan ako n~g pan~ginoon at dalawang alilang lalaki; ako'y inahiga ni kapitang Tiago at ... ayoko; ayoko.» Si ina'y ay ulól n~g umuwi. Sa lakí n~g kasawiang dinanas ay hindi nakatagal at natimbwang na walang diwa sa sahig n~g aming bahay. Nang makita ang gayón ni amá at maunawa ang nangyari ay nagban~gon sa pagkakahiga at tinalon halos ang aming hagdanan, na dalá ang isang iták. ¿Anó ang nangyari? Aywan ko; dátapwa't n~g kinabukasan ay wala na akong iná at si amá ay nabibilango, dahil sa kasalanang pangloloob. ¿Saan akó tutun~go sa gulang kong labing dalawang taón at papano ang pagpapalibing sa aking iná? Ako'y lumapit sa lahát n~g aming kakilala at ipinanghin~gi n~g limós ang kahalagahan na ipagpapalibing sa bangkáy n~g aking magulang, dátapwa't n~g ako'y pauwi na sa amin ay násalubong ko ang taong sinin~gil ni iná at ako'y ipinahuli sa dalawang civil na kasama, sapagkat ako'y anak n~g mangloloob. Dinala ako sa cuartél at ipinasok ako sa calaboso; at doo'y aking nakita na si amá'y halos naghihin~galo na lamang at ang katawá'y tadtad n~g latay. ¡Gayón daw ang pahirap sa m~ga magnanakaw!
Isang buntóng hinin~gang malalim n~g binata ang pumadlang sa pagsasalaysay at isang nakatanang luha ang namalisbis sa kaniyang pisn~gi, at ang mukha niyang aliwalas at laging malumanay ay dinalaw n~g isang kaban~gisan. Napatitig sandali sa lan~git, n~guni't ang titig na iyon ay isang pagsisi mandin doon sa na sasa kataasan na siyang inaakalang nakakapamahala sa kalupaan. Ang titig n~g isang Lucifer ang tumapon sa m~ga mata n~g isang may mukhang banayad.
—¡Magnanakaw si ama! ¡Ang taong maninin~gil, n~g puri't kaligayahang nawalá'y mangloloob! ¡Ay anak ko! ang tan~ging nasambit n~g aking kaawaawang magulang n~g ako'y matanaw na umiiyak sa kaniyang piling. Ako'y napayakap sa katawan ni tatay na pigta sa dugo at nawalan n~g diwa. Isang malakás na palo ng yantok ang nagpabalik sa budhi kong tumanan. ¿Ilang sandali akong hindi nagkamalay tao? Aywan ko, n~guni't n~g aking imulat ang m~ga mata ay nakita kong ang bangkay ni amá ay na sa isang munting papag at pasan n~g apat kataong maglilibing; susundán ko sana, dátapwa't ang sakít n~g aking m~ga buto'y hindi nagpahintulot sa gayón, kaya't ako'y naiwan sa calaboso, na, bukod sa salanta ang katawán ay isang araw n~g sinkád na hindi kumakain. Isang gabí pa akong nakatulog doon sa kalait lait na kulun~gang kinamatayán ni amá. Nang kinabukasan ay pinalabás akó sa tulong n~g ilang paló pa, kaya't sa pamagitan n~g muntíng lakás na nalalabí sa akin katawan ay naginót akong makaratíng sa aming bahay na inabot kong bukás at wala ang bangkáy ni iná. ¿Sino ang nagpalibing? Sa aking kamusmusán ay wala akong naisip liban sa akalang baká dinalá n~g asuang ang bankay, sapagka't dito sa atin ay karaniwan ang paniwalá sa gayón, lalong lalo na sa m~ga kabataan dahil sa m~ga na didin~gig sa matatandá. Wala n~g luhang tumutulò sa aking m~ga matá, sampu niyang mapait na yaman n~g ating panin~gin na wari'y nagpapaginhawa n~g kaunti kung dumaloy ay nagkait na sa aking kapighatian, sapagka't sa dalawang araw na itinan~gis ay natuyo na mandin, ¡Gaano ang sising bumukal sa aking bibíg, sa dahiláng ako'y hindi pa malakí! ¡Higantí at higantí ang sumusulak sa aking dibdib! Higantí sa mayamang gumagá sa aming pagaari at humalay sa puri ni iná; higantí sa m~ga justiciang hindí nagtangol sa nilupigan, kundi bagkús nagpahirap sa naapí. Nang ako'y aalis na sa aming bahay ay siyang pagdating n~g isang taong nagsalita sa akin n~g ganitó:
—¿Ikaw ba amáng ang anák ni máng Mundó?
—Opó.
—Nabatid kong lahát ang nangyari sa inyóng magaanak at natantó ko rin na ikaw ay ulila n~g lubos. Akó ang naglibíng sa bankay n~g iyóng iná.
—¡Oh salamat pó.—ang wika kong kasabay ang pagkakaluhód sa harapan n~g taong iyón.
—Ikaw ay waláng kamaganakan dito, sapagka't ang m~ga magulang mo'y tagá S. José sa Morong ¿ibig mo bang sumama sa anák ko sa Maynila upang mag-aral doon? Ikáw ay hindi ko ibibilang na alila, kundi pinakakasama lamang n~g aking anák; ikáw may magaarál din.
Sa lakí n~g utang na loob ko sa taong iyón ay hindi ako nakasagót, n~g ayaw kahit lubos na nálalaban sa loob ko ang maging utusán.
Pinasalamatan ko ang himok na iyon at ako'y sumama.
Man~ga iláng araw lamang ang nakaraan, at, iyóng batang patáy gutom, iyóng ulilang walang kamag-anak ay naging isang nagaaral sa S. Juan de Letran at kasakasama kahit saan pumaroon ng isang kapwá batang anák ng matandáng maawaín. Hindí alilang utusán ang kanyang lagáy kundi isáng anák dín n~g nagaampon at kapatid n~g kaniyang anák.
Nagdaan ang pitóng taón, at sa panahóng iyón mandín ay naparam sa alaala ko an~g aking karukhaan at ang kahapishapis na kinahinatnan niyong m~ga sawing palad kong magulang at nákatulog warí sa loob n~g aking batang puso iyong higantíng halos sinunpaan ko sa sarili.
Dátapwa't dumating ang isang araw na kaming dalawang nagaaral ay naanyayahang dumaló sa isang piging sa daang Dulumbayan sa Maynila at doon ay dumaló rin ang isang kasama namin sa Colegio na kaakbáy ang kaniyang amá, na, mula n~g dumatíng ay waring pumasok sa loob kong ang pagmumukháng iyón ay aking naaalala. Inanyayahan kaming kumain at sa paguupuan sa dulang ay nápasiping sa akin ang matanda. Iláng salitaan ang nábuksan at sa isang paguusap n~g ukol sa m~ga bayánbayán ay napasalin~gít ang pagkakakílala na kami'y magkababayan.
—Iyan man po'y kababayan din natin—ang turing n~g anák ng nagampon sa akin at itinuro akó sa mantanda.
—¿Ito?—ang tanóng na wari'y may muntíng pagkakamangha n~g kinausap at ako'y pinagmasdan—tila n~ga naaalala ko ang mukhang itó ¿nagaaral din bang kasama ninyó?
—Opo ang tugón n~g aking kasama—iyán po ang anák ni máng Pitong at ni aling Mensia.
—¡Pitong, Mensia!—anáng—matanda na wari'y hinahalungkat sa kaniyang pagiisíp ang gayóng m~ga pan~galan—¡Ah! naalala ko na, kung gayón ay itó ang anak ng nagnasang mangloob sa akin.
Nang madin~gig ang sabing iyon ay nalitó akó, ang lahat n~g dugo ko mandin ay sumulák sa aking mukha at ang noo ko'y nagalab.
Sa isang kisáp matá halos ay tuminbuang ang matanda sa tabí n~g dulang dahil sa sugat na gawa n~g sundang na kagamitán sa pagkain. Ang sumunod na bumulagta sa isá pang saksák ay ang anák na nagnasang magsangalang sa amá.
Pagkatapos niyón, ako'y nagtatakbó na hindi alám kun saan tutun~go, at daig ko pa ang ulol.
Ako'y hindi nahuli at nakarating akó sa Novaliches n~g gabí ring yaón. Nang kinámakalawahán ay isá na akó sa inyó at magmula niyón ay ...
—Nagbago ang palakad—ang putol ni Patíng—magmula niyon ay dumalang na ang panghaharang sa m~ga daanan, n~guni't lumimit ang paghahati n~g m~ga salapíng nágagahís sa pangloloob. Magmula noo'y bayan ang tirahan n~g lahát, ang bundók ay nagíng isáng tagpuan n~g m~ga magkakasama at ang yun~gíb na dating tahanan n~g m~ga pinaguusíg n~g civil ay naging tahanan n~g m~ga binibining binibihag, na matapos maalagaang wari'y m~ga princesa ay pinauuwing hindi man pinakikinaban~gan n~g sino man sa atin at wala mang tubós. Itóng ating inaabatan n~gayon na ilang sandali na lamang at ikakasal, ay babantayan na namán marahil at pagkatapos ay ibabalik na muli sa kaniyang magulang n~g ... walang anó man.
—Ang gayon ay hindi dapat ipagdamdam n~g isá man sa inyo, sapagka't kahit hindi ko hinihin~gan n~g tubós ang m~ga binibining binibihag ay hindi namán nawawala ang inyong kahati sa pagpapagod.
—Oo, n~ga po; n~guni't ang dinaramdam naming lahat ay ang hindi mo man lamang pinakikinaban~gan ang m~ga bihag na iyán, dahil sa kung makaraan ang dalawang araw sa pagkakapiit at matanong mo kung may isá man lamang na lumapastan~gan, umaglahi ó nagkulang sa balang násabi ay pakakawalan mo na't pababalikin sa kaniyang bahay na may kaakbáy pang magsasangaláng sa paglakad hangang sa makaratíng sa kanila. Kung gayón ay ¿bakit pa nagbabayó at nagsasaing kung hindi din lamang kakanin?
-¡Ah ...matanda kong Patíng! ¿Nalalaman mo bagá kung bakit ako nangbibihag n~g m~ga binibining anák n~g mayayaman? Upang malasap n~g m~ga mayayamang iyán ang pait n~g magdamdam n~g dahil sa kapurihán. Lahat n~g makaalam n~g pagkabihag sa isáng binibini'y magsasapantaha na hindi na dapat asahang mauuwi na taglay ang linis na dating kipkip, kahit tunay na alám mong kung sakali't may dalagang nagluwat n~g apat na araw sa ating yun~gib ay hindi dahil sa ating pinipiit ó dahil sa ikinahihiya niya ang mabalik sa sariling tahanan, sapagka't wala na ang kaniyang kalinisan, kundi dahil sa talagang nasa lamang n~g may katawan ang lumagi pa n~g isang araw sa ating tahanan.
—¡Oh! hindi mo lamang po batid kapitan ang sanhi ng ipinagkakagayón. Tunay at sila'y ating iginagalang at waláng makapan~gahás na umaglahi man lamang dahil sa pan~gin~gilag sa inyó, n~guni't ang gayón ay ¿makapipigil kaya na ikaw ay ibigin n~g dalagang nabihagan n~g puso? at itó ang sanhi n~g kanilang hindi pagbalik na kusa sa sariling tahanan; at kung hindi dahil sa n~galang pagirog ¿mangyayari pa kayáng tayo'y makatahán sa yun~gib na iyón sa karamihan n~g dalagang nakaaalam, sa dahiláng hindi naman natin tinatakpan ang m~ga mata kung pauwiin? ¿At anó ang sanhi n~g pagkaalam natin n~g m~ga nangyayari sa bayanbayan sa pamagitan n~g m~ga Ichay, Marcela, Juana, Ción at ibá pa? Hindi mo lamang alám ginoong capitán na ang m~ga binibining ating pinawawalan ay piit din kahit na mábalik sa kanilang tahanan. Itóng sasalakayin natin n~gayon ay ¿isá rin kayang titinagin at pagkatapos ay pauuwiin?
—Hindi. Itóng sa n~gayón ay hindi bibihagin kundi ililigtás sa m~ga kamay n~g ganid na magulang na pinipilit ang anák na pakasal sa hindi iniirog, n~g dahil lamang sa paglin~gap sa yaman n~g magiging manugang.
—¿Ay ano po ang mayroon sa atin sakaling mangyari man ang gayón?
—Wala n~ga kung sa bagay, n~guni't ibig kong ipabatid sa m~ga masasakím na iyán na kung siláng m~ga tulisáng bayan ay may kalakasang makapawi n~g isang damdaming tinataglay sa puso n~g isang umiibig ay may tulisáng bundók namáng may lalo pang lakás upang makapagsangalang sa m~ga naaapi't nalulúpigan. Ang binatáng magbibigtí sana kung hindi natin nátagpuan, at nákukulong n~gayon sa ating yun~gíb ay siyang iniibig n~g binibining ating aagawin.
—¡Ah!...
—¿Alám mo kung sino ang bagongtaong iyón at kung bakit iniwasan ko ang ako'y kaniyang mákilala? Iyón ang dati kong kasamahan sa pagaaral; iyón ang anák n~g maawaing nagampón sa akin.
—¡Oh!
—N~gayo'y kapanahunang dapat kong bayaran sa kaniya ang malakí kong utang na loob.
—Kapitan—ang bigláng putol n~g matanda na napatin~gin sa dakong Silan~gan—tila oras na, sapagka't ang talang bakero ay nakasipót na sa Silan~ganan at ang ating m~ga kasama marahil ay nan~gagaantay.
—Tunay.
Nang masabi ang gayon ay nagtindíg ang dalawá sa pagkakaupo at nan~gagsilakad na tinun~go ang bayan.
Wala pang ika apat n~g magmamadaling araw.
Sa bahay ni tininting Moneng ay malakí ang kaguluhan; ang m~ga bataan ay hindi halos magkamayaw sa pagmamadalian, sa pagaayos, dahil sa n~g araw na iyón ikakasal ang anák na dalaga n~g mayamang matanda at ang magiging asawa kahit kasingulang n~g amá ay siya namáng pinakapan~gulo sa yaman sa bayang iyón. ¿Papanong hindi malakí ang handa at marami ang magsisidaló?
N~guni't sa gitna n~g kaguluhang iyón, ang tan~ging tahimik ay ang silíd na kinalalagyan n~g dalagang ikakasal.
¿Nalutulog pa kaya?
Itó ang ating alamin.
Sa silid ay walang tao kundi si Benita lamang at siya'y nakaluhód sa harap n~g isáng larawan n~g Iná n~g Dios, at doo'y nanálan~ging kasabay ang isang timpíng panaghóy.
Makaraan ang sandali ay nagtindig at tinanaw ang isang orasang na sa tapát n~g pintuan.
—¡Sandali na lamang!—aniyá at nalugmók sa isáng uupán—Sandali na lamang at ang mapaít na taning ay matutupád na. ¡Ay iná ko! Kung ikáw ay buháy ay hindi ko disin sasapitin ang magkáganito na mápapakasal sa isang taong kinasusuklaman.
Masabi ang gayón ay lumapit sa isang mesa na kinapapatun~gan n~g isang botellítang may lamán, isang tintero, pluma at papel.
Umupo sa piling n~g dulang at itinitik sa kaharap na papel ang ganitong talata:
«Huwag ninyong sisihin ang sino man n~g dahil sa aking pagkamatay, sa pagka't waláng may kagagawán kundi akong mag-isá lamang.
«Hindi ko maamín ang mápakasal sa taong kinasusuklaman.
«¡Ay Enrique!
«Sa kabilang buhay na kitá mag-isáng puso. «Benita».
Matapos maisulat ang gayón ay sinungabán n~g nan~gin~ginig niyang kamáy ang botellítang may lason.
N~guni't n~g nasasabibig na ang labi n~g botella ay may nadin~gig na kaluskos sa nakalapat na durun~gawan at ito'y nabuksán upang makaraan ang katawan n~g isang binata.
—¡Oh!—aní Benita at waring tatakbó n~gunit natigilan, at sa pagkagulat ay nawalán n~g diwa.
Sandali na lamang sana't natupad n~g binibini ang nasang pagpapatiwakal.
—Lalong mabuti—ang wika sa sarili n~g pan~gahas na pumasok sa durun~gawan, na dili iba't ang binatang tinawag na kapitán ni matandáng Patíng.—Lalong mabuti ang ganitó at waláng sagabal sa pagdadalá.
Nang matapos na masulatan ang kaputol na papel na iniwan sa ibabaw n~g altar ay kinandóng ang katawán n~g nábulagtang dalaga at inilabás sa durun~gawan.
Iwan natin siya na dalá ang mayamang pasán at ang ipatuloy ay ang pagsasalaysay n~g nangyayari sa kabahayán.
Tumugtog ang ika apat at kalahati at ang m~ga gawain ay lalong nag úlol sapagka't nagdatin~gan na ang novio at ilang panaohin.
Isa't isa'y nagaalay n~g maligayang bati sa matandáng mapalad na magaari sa kagandahan ni Benita.
Si matandáng Moneng ay hindi magkasiya sa katuwaan; at n~g masalubong ang m~ga hulíng dumating ay lumapit sa pinto n~g silíd at tumugtóg dahil oras na n~g pagbibihis n~g ikakasal.
Kinatóg ang pintuan, n~guni't waláng sumagot; kinatóg na muli at gayón din.
—Baka po nákakatulog pa.—aní kapitang Ape, na dili iba't siyang magiging asawa.
—Inyó pong tawagan—ang payo naman n~g isá.
—¡Benita! ¡Benita!—anáng amá na kasabay ang katóg.
Wala ring tumútugon sa loob.
—¡Benita! ang halos sigáw ni tininting Moneng na may munti n~g galit dahil sa baka uulitin na namán n~g kaniyang anák ang pagpapahayag n~g hindi pagsang-ayon sa kasalang iyón.
Wala n~g oras na ipagaantay, sapagka't magliliwanág na at ang pari marahil ay nakahanda na rin.
—¡Benita!—ang sigáw n~g amáng nagagalit at bigláng itinulak ang pintong nakalapat.
Nasira ang cerradura at ang dalawáng dahon n~g pinto ay nábukas.
Ang lahát ay nagitlá, n~guni't ang pagkamangha ay nagtalo n~g matanaw na waláng tao ang silíd.
Lahat ay patakbóng pumasok sa pook na iyon dátapwa't walang natagpuan kundi isang botellitang may tatak na arsênico at ang dalawang sulat na kilalá na n~g bumabasa ang lamán n~g isá, sapagka't siyang sinulat ni Benita bago nagtankang magpakamatay, at ang isá namán ay ganito ang nasusulat:
«Sa lakás n~g pilak ay mayroon pang dumádaig; ang lakás n~g lakás.==Juan Masili».
—¡Juan Masili! Ang hari n~g m~ga tulisán—ang bulóng na bumukal sa lahat n~g bibíg.
Marahil ay nan~gapahinto n~g malaon ang m~ga nároon kundi siyang pakadin~gig n~g isang sigawang galing sa daan.
—¡Sunog! ¡sunog!—anáng m~ga taong na sa lansan~gan.
Nagkaguló at nagpanakbuhan ang lahat, dátapwa't isang alilang humahaman~gos at halos wala n~g hinin~gá, dahil sa pagtakbó, ang lalong nagpalala n~g gitlá.
—Kapitang Ape, kapitang Ape—ang sigáw n~g bagong dating—ang bahay mo po'y nilooban n~g tulisán pagkaalis mo at pagkatapos ay sinunog; ang pinakapan~gulo po n~g nangloob na nakakabayó ay may kandóng na isang babaying diwa'y dalagang ikakasal dahil sa kagayakan.
Si tininting Moneng ay nalugmók sa isang uupan at si kapitang Ape ay kumutkot n~g takbó na patun~go sa kaniyang bahay. Wala siyang dinatnan kundi ang pagkabatid n~g katunayan n~g kaniyang kasawian at wala siyang nátanaw kundi ang pagaalab na n~g may kalahati n~g dati niyang magandáng tahanan.
—Umakyát kayó—ang sigáw n~g matanda sa m~ga taong nan~gagsisitakbó—umakyat kayó at maraming salapi sa cajón n~g aparador.
N~guni't ¿sino ang man~gan~gahas na pumasok sa isang bahay na ang kalahati ay nagaalab? kaya't n~g waláng makin~gíg ay siya ang pumasok.
Sandali lamang at nakita sa kabahayan, n~g m~ga nasa daan, ang anino n~g pumasok, at pagkatapos ay isang ¡oh! ang bumukal sa lahat n~g bibíg.
Siyang pagbagsák n~g bahay na nagdidin~gas.
Nang kinabukasan ay nakita sa buntón n~g abó ang katawáng tupók n~g mayamang kapitán.
Nang kinabukasang iyón ay dapat sanang siya'y sumásaligaya, kung matatawag na kaligayahan din ang magpasasa sa kagandahan n~g isang babaying napilit lamang.
¡Kay daling humalay n~g kapalaran at kay daling magbago n~g kulay n~g isang pag-asa!
N~guni't ¿saan napatun~go si Benita?
Itó ang alamín natin.
—Lalong mabuti—ang wika n~g binatang tulisan n~g mákita na ang dalaga'y nawalán n~g diwa, at masabi ang gayo'y kinandong at inilabás sa bintana.
Apat na lalaking kasama ni Patíng ang sumaló sa pan~gahás na kapitan at matapos na makasakay sa kabayo ay sinapupo ang binibini.
—N~gayon Patíng—ang wika n~g kapitan sa kaniyang matandáng kabig—ay dapat mo nang sundín ang pan~galawang bahagi n~g aking m~ga utos at nasa kong tanglawan n~g isang sulóng malaki ang aking pagdadaanang lansan~gan sa pagdadalá nitong mayamang pasanin.
Ang salitaang ito'y nangyari sa dakong likuran n~g bahay ni tininting Moneng n~g kasalukuyang nagdadatin~gan ang man~ga unang daló na kasabay ang noviong si matandang Ape. Matapos ang salitá nang binata ay pinalakad na ang m~ga kausap; siya'y lumiko sa isang daán na patun~go sa bahay n~g kapitáng ikakasal, na, sapupo ang babaying walang malay-tao at nang nálalapit na sa tinurang bahay ay nag-utos sa m~ga taong nakita roon, na pawa niyang kampon.
—Kunin ninyo ang lahát ng madadalá—ang wika niya—at aantabayanan ko ang paglalagabláb nang sulóng tatanglaw sa aking lalakaran, sapagka't diwa'y tinamád n~gayón sa pagsikat ang araw.
Sa utos na ito'y nan~gag galawan ang may dalawang pung lalaki na pawang sandatahan, na nan~gakahanay sa dalawang panig n~g daan at nagsitun~go sa bahay ni kapitang Ape, na sa m~ga sandalíng iyón ay násabahay ni Moneng na kaniyang bibiyinanin.
Makaraan ang sandali'y nan~gakapasok ang ilán sa bahay na lolooban, at nagsimula ang pagkakagulo, sapagka't ang m~ga alilang nabiglaanan sa gayón ay walang ibáng ginawa liban sa tumakas; n~guni't hindi nan~gakalayo ang m~ga nagulat na utusan, sa dahiláng sila'y nádakip n~g m~ga na sa labás nang bahay, kaya't nagíng saksí siláng lahát sa pag-uutos ng binatang nan~gan~gabayo na pagpapadin~gas n~g bahay, nang makitang ang m~ga nagsipasok ay lumabás na may dalang tigiisang balutan.
Pumasok ang isang naiwan sa labás at mayamaya'y nagsilakad n~g lahát ang magkakasama sapagka't sa kadilimang hindi pa hinahawi n~g kaliwanagan n~g sisikat na araw ay namukod ang puláng ibinugá n~g nag-aalab na bahay.
Ang sigawan n~g ¡tulisán! at ¡sunog! ay nádin~gig halos sa lahat n~g pook n~g bayan at ang m~ga justicia ay lumipana sa paghabol, sa may dakong luwasan, sa m~ga tulisang nagtun~go sa hulo.
Alam na nating ang isá sa m~ga alila ang nagbalita kay kapitang Ape sa nangyaring loob at alám din natin ang kinasapitan n~g matandang ikakasal sana, kaya't ang sundan natin ay ang pan~gulo nang tulisan na nan~gan~gabayo't dalá si Benita.
—N~gayon di'y dapat magsitun~gong lahat sa yun~gib at doon ko kayó aantabayanan upang magawa ang lahát n~g kailan~gan—ang wika n~g binata sa m~ga tulisan n~g sila'y malayólayo na sa bayan—Matandang Patíng umangkas ka kung ibig mo, sapagka't kailan~gan kung dumating kang aking kasabáy sa kinalalagyán n~g binatang binábantayan.
—Magpatakbo ka na po kahit hindi ako kaankás at pamumuntután kitá—ang wika ni Patíng n~g maiabót sa isang kasama ang kaniyang dalá.
—Kung gayo'y halina—anang binata at pinatakbó ang sinasakyang kabayo na wari'y hindi nagiindáng kapagalan sa bigát na dalá.
Ang yun~gib n~g bundók S. Mateo ay tahimik at waláng gumagambalá sa kaniyang kapanglawan liban sa ang lagaslás n~g m~ga san~gá at dahon n~g kakáhuyan na pinagagalaw n~g simuy na malumanay n~g han~gin sa paguumagá. Sino mang málalapít sa pook na iyón ay magsasabing walá isá mang táo, n~guni't kung mamataan ang isáng sulok n~g yun~gib ay makikita na may isáng nakapan~galunkót.
Waláng anó anó'y bigláng tumindig ang bantáy at waring may pinakingán.
—Naritó na silá—ang sabi sa sarili n~g taong nagiisá sa kasukalang iyón na waláng ibang dumadalaw liban sa m~ga hayop n~g kagubatan.
Hindi pa man halos natatapos ang kaniyang pagsasalitá ay siyang pagdatíng n~g nan~gan~gabayo.
—Wala pong anó man—ang wika n~g dinatnán.
—Tulungan mo akó—anáng binata—at iniabót ang magandá niyang dalahin na hindi pa pinagsasaulan n~g hinin~ga—ating ilagáy sa dati kong tinutulugán.
Ang dalawa'y pumasok sa loob n~g yun~gib at n~g napapaloob na nang mahigit sa dalawang pung dipá sa pintuan ay pinisíl n~g binata ang isáng un~gós n~g bató.
Nakadin~gig n~g lagitík na wari'y gawa n~g isáng bagay na mabigát at bigláng nabuksan ang malapad na batóng hindi mákikita n~g sino mang hindi nakatataho n~g lihim na iyón.
Pumasok ang magkatuwang at inilapág n~g marahan ang dalaga sa isáng hihigan.
—¿Ang iyong binabantayan?—ang tanóng sa kasama n~g pinuno ng tulisán.
—Nakakatulog pa po sapagka't gabí na n~g magpahin~gá, sa dahilang wari'y malakí ang han~gad na huwag na siyang umagahing buháy.
—Ipinainóm mo ang ibinigáy ko sa iyong tubig?
—Hindi po, dahil sa hindi kumain.
—Kung gayón ay magbalík ka na sa iyóng pagbabantay sa pinto at bayaan mo akong mag-isá; patuluyín mo agad si Patíng.
Ang pan~galang sinambít ay naging wari isang tawag sapagka't siyang pagdating n~g matandang tulisán, kaya't ang inuutusan ay bumalik na lamang sa pinto n~g yun~gib.
—Mabuti n~ga't dumating ka; ating tingnán ang dating bilango.
—Malaon na pong hindi pinagsasaulan ito—ang wika ni Patíng n~g makita si Benita.
—Bayaan mo't hindi iyán mágigising hangang hindi ko ibig: pinaamoy ko n~g pangpatulog.
Masabi ang gayón ay tinun~go niláng dalawá ang sungki n~g isáng bató at pumasok sa isáng puang na hindi mahahalata n~g isáng hindi bihasa sa pook na iyón. Nang makapasok na't makapan~gabila sa bató ay naglagay n~g takip sa mukha ang ating binata.
Ang pinasukan ay isang pook na nakukulong n~g bató at ang tan~ging nilulusutan n~g han~gin ay isáng butas sa bubun~gán na may limáng dipá ang taas. Isáng tinghóy na nakasabit n~g mataas ang tan~ging tumatanglaw sa pook na iyón na kinalalagyan n~g isang bagong taong bigláng nagulat at nágising dahil sa kaluskos n~g m~ga nagsipasok.
—Wala kayóng m~ga damdaming lalaki—ang wika n~g dinatnan, na wari'y may talagang malaking kagalitan sa m~ga kaharap.
—Masasabi mo ang ibig sabihin at hindi ka namin papatulan; alám mong sa gaya naming may pamumuhay n~g ganito ay walang kabuluhan ang buhay; ikáw ay isang kaawaawang nagnanasang magpatiwakal ¿at dahil sa anó?
—Sa dahiláng hindi kailan~gang matanto n~g ibá—anáng napipiit.
—Hindi n~ga kailan~gang matanto ng ibá, dátapwa't alám ko ang sanhi, at dahil doo'y humadlang akó sa han~gad mong pagpapakamatáy. Ang wika mo'y wala akong damdamin; námamali ka.
—Kung mayroon kang damdamin ¿anó't di mo payagang bigyán kong hangán yaring pagkataong naubusan na n~g pag-asa? ¿Anó ang masakit sa iyo kung ako'y mamatay ó mabuhay?
—¿Naubusan ka n~g pagasa? Alam ko, na dahil sa pagkamatáy n~g iyong amá ay nagisá ka na sa mundó at lubos kang naghirap sapagka't ang taong pinagkatiwalaan n~g magulang mo upang pasapitin sa iyong kamay ang kayamanang pamana ay nagtaksil, at ninakaw ang salapíng dapat sanang ibigáy sa iyó; hindi lamang iyón; sumapit ang isang panahón na ikaw ay nápalulong sa pagirog at ang iyóng inibig ay tinankang agawin n~g ...
—Hindi lamang tinanká—anáng bagong-taong kausap—kundi sa m~ga sandaling ito'y nilalasap na marahil n~g matandáng mayaman sa kandun~gan n~g aking giliw, ang tamís n~g kaligayahan. ¡Oh, kay hirap n~g mahirap! Ikaw marahil ay inupahan n~g taksíl na umagaw sa aking pagirog upang sumalansang sa aking han~gad at n~g maragdagan pa ang talagáng kapaitan n~g pagkabatid na naglilo sa kaniyang pan~gako ang babaying pinaglaanan n~g boong buhay. N~gayón ay inaantáy kong ibalita mo sa akin kung naganáp na ang kasal ni Benita kay kapitáng Ape.
Ang pinuno n~g tulisán ay napan~giti sa salitáng iyón n~g kaharáp.
—Hindi ka ba nananan~gan sa Dios?
—Waláng Dios ang mahirap—ang tugón n~g may nasang magpatiwakal.
—¿Hindi ka na umaasa sa pagibig n~g iyong sintá?
—¿May pagibig bagang maaasahan sa katawang waláng puso?
—¿Hindi ka naniniwalang may kabihisang lan~git ang naghihirap?
—Hindi, sapagka't ang langit ay bukás lamang sa m~ga may pilak.
—¡Taong walang panalig! Sumunod ka sa akin at n~g matantó mong ikaw ay nagkamali sa lahát n~g iyóng hinaka.
—Sukat na—ang tugón n~g bilango—kung papayagan mong ako'y magpatiwakal ay susunod akó sa iyó, n~guni't kung hindi, ay bayaan mo na akong magpakamatay dito sa gutom.
—Siya, ikaw ang bahala—anáng pinuno n~g tulisan—kung ibig mo ang magpakamatay ay gawin mo, n~guni't sumama ka sa akin.
—Kung gayón ay oo.—ang sagót nang bilango at tumindig sa kinauupan.
Kinalág ni Pating ang tanikalang nakapipigil sa binata at ito'y sumunód sa pinuno n~g tulisán na tumun~go sa kinalalagyan ni Benita.
—Ibig mo ang magbigtí—anyá sa bagong kawalá—n~gayo'y tinutulutan na kitá, n~guni't sa tabí ng babaying iyan ka dapat magpakamatáy sapagka't siya man ay nagnasa ring magpatiwakal n~g dahil sa iyó.
Ang binata'y nápaluhod sa piling ng dalaga't biglang nápasigaw nang:
—¡Benita! ¡Aking irog! ¡Oh, patáy!—anyá n~g mákitang hindi kumikilos.
—Hindi—anang tulisán—natutulog lamang.
Masabi ang gayón ay winiligán n~g kaunting tubig ang mukha n~g dalaga at itó nama'y nágising.
—¿Saan ako naroroon?—aniya.
—¡Itang!—anang binata.
—¡Enrique!—ani Benita n~g makilala ang kaharap—¡Aking buhay!
—¡Aking irog!
Ang dalawang dibdib na naghirap ay nan~gagpahin~galay sa isang mahigpit na yakap.
—Hindi ka ba nagpatiwakal?—ang tanong ni Benita sa kaniyang giliw.
—Hindi ka ba nápakasal?—anang binata.
—Hindi—ang sagot n~g tulisán—sapagka't humadlang ako, upang sumapit ang sandaling itó, na ikagaganti ko sa isang malaking utang. Ako ang sumulat kay Benita, ako ang nagpapadalá sa iyó Enrique n~g salaping hindi mo matalós kung saan nangagaling niyóng ikaw ay nasasalát, ako ang sumalansang sa pagpapatiwakál mo, akó ang numakaw kay Benita bago sumapit ang oras na pag-inóm niyá n~g lason, at sa isang sabi, ako ang nagnakaw n~g kayamanan ni kapitang Ape.
—At sino ang makagagawa n~g gayón?—ang halos panaba'y na tanóng n~g dalawa.
—Si Juan Masili—anang tulisán at inalis ang takip n~g mukha.
—¡Si Pedro!—ang wika ni Enrique.
—Oo n~ga: akó ang Pedro mong kaibigan at kapatid na inampón n~g iyong magulang niyong magisá na sa mundó, n~guni't sa bundók ay ako ang Juan Masili.
Nang kinabukasan ay tumangap si tinintíng Moneng n~g isang lihim na pabalita na ang kaniyang anak na dalaga ay na sa Colegio n~g Concordia at doon mangagaling bago ikasal kay Enrique Manapát na siyang tunay na iniibig.
Nakaraan ang dalawang buwan.
Ang panahong ito'y ginugol n~g m~ga civil sa paghanap sa «Hari n~g m~ga tulisán»; n~guni't n~g walang mangyari sa kanilang paghabol ay humuli na lamang n~g apat na taong bukid at siyang pinaratan~gan na nangloob kay kapitáng Ape. Ilang cruz del mérito militar ang naging pinakagantí sa pagkakahuling iyón.
Dátapuwa't ang sundán natin ay si tinintíng Moneng na n~g araw na iyón ay lumuwas sa Maynila.
¿Anó ang dahilán n~g gayón?
Kung ating unawain ang lihim na kagalakáng nalalarawan sa mukha n~g ating matanda na nagbago na n~g asal mula n~g araw na hindi natuloy ang kasal n~g kaniyang anák na si Benita kay kapitáng Ape, ay makikilala natin na ang kasayahang iyón ay galing sa pagkabatid na ang bugtóng na bunso ay ikakasal kinabukasan sa tunay na iniibig.
Nang kinabukasan n~g pagdating ni tinintí sa Maynila ay ikinasal si Benita at si Enrique sa Simbahan n~g Kiapo.
Ang naganák sa m~ga ikinasal ay isang nagngangalang Pedro Gatmaitan; n~guni't kung pagwawariin ang kaniyang mukha ay mákikilala na siya'y kamukha n~g binatang kausap ni matandáng Patíng niyong madaling araw na nasunog ang bahay ni kapitáng Ape.
Sa bayan ay Pedro Gatmaitan at sa bundók ay Juan Masili na pan~gulo n~g m~ga tulisán.
Ang taong ito'y nabubuhay pa n~g taóng 1892, dátapuwa't n~g magkaguló sa Kabite ay hindi na nádin~gíg ang kaniyang pan~galan.